P30-P50 umento, ‘insulto’ sa mga manggagawa ng Calabarzon

September 10, 2023

Larawan mula sa Metal Workers Alliance of the Philippines.

Dismayado ang mga manggagawa sa Timog Katagalugan sa inaprubahang P30 hanggang P50 na dagdag sahod ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).

Sa inilabas na Wage Order No. IVA-20 noong Setyembre 8, makatanggap ng P385 hanggang P520 na minimum wage ang mahigit 710,000 manggagawa sa pribadong sektor sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (Calabarzon).

Ayon kay Mary Ann Castillo, manggagawa at presidente ng unyon sa Nexperia Philippines Inc. at tagapangulo ng Metal Workers Alliance of the Philippines (MWAP), hindi pinag-aralan ng regional wage board at napakalayo sa ipinetisyong P750 uniform wage ng kanilang alyansa ang taas-sahod.

“Insulto ang binigay, hindi umento,” sabi pa niya.

Makatuwirang petisyon

Noong Marso 27, 2023 pa nagsumite ng wage petition ang MWAP. Sinuportahan ito ng 11 iba pang alyadong organisasyon sa ilalim ng Workers’ Initiative for Wage Increase Now-Southern Tagalog (WIN4WIN-ST).

Bukod sa umento, layunin din ng P750 uniform wage ang pagbuwag sa pagkakategorya sa apat na antas ng sahod sa Calabarzon. Sa naunang Wage Order No. IVA-19, binase ng RTWPB ang dagdag-sahod sa “antas ng kaunlaran” at lapit ng mga lugar sa National Capital Region.

Paliwanag ni Castillo, nag-ugat ang petisyon sa “supervening event” o tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo noong huling bahagi ng nakaraang taon at unang bahagi ng 2023.

Sa sariling pag-aaral ng MWAP, lumalabas na P929 ang cost of living sa rehiyon. Kaunti lang ang agwat nito sa P1,086 na pagtataya ng Ibon Foundation noong Agosto.

“Conservative pa nga ‘yong numbers na nilalaman ng petition e. Pero mas malapit na ito sa cost of living at pambansang panawagan para sa P1,100 family living wage,” ani Castillo.

“Kung titingnan din, sa [Region] IV-A, nasa Wage Order 20 pa lang. Pero sa NCR, nasa Wage Order 24 na. Nahuhuli na talaga dito. Napakababa ng sahod, hindi na nakakahabol sa presyo ng mga bilihin.”

Dagdag pa niya, mas mababa ngayon ang dagdag-sahod kumpara noong nakaraang taon na hinati pa sa dalawang tranche.

“Binibigay naman ng mga manggagawa ang lahat sa trabaho pero hindi pa rin nila natatanggap ang nararapat na sahod na kayang-kaya sanang ibigay ng regional wage board,” katuwiran ni Castillo.

Pagkiling sa malalaking kompanya

Ayon sa Philippine Statistics Authority, nanguna ang Calabarzon sa mga rehiyong may pinakamabilis na paglago sa ekonomiya na may 7.6% noong 2021. Tumaas pa ito sa 7.8% noong 2022 at naabot ang tinatayang P2.94 trilyong kita na mas mataas sa P2.83 trilyon kita nito noong 2019.

Malaki rin ang kontribusyon ng rehiyon pagdating sa gross domestic product ng bansa dahil sa iba’t ibang pagawaan at empleyo sa lugar.

Sa Nexperia, ani Castillo, nagbigay ng t-shirt o pakunsuwelo ang management matapos maabot ng mga obrero ang 1 bilyong produkto. Nagpapatunay umano ito na maganda ang performance ng mga manggagawa, gayundin ang kita ng kompanya.

Sa mga public hearing at consultation, napakinggan din umano ng regional wage board ng Calabarzon ang hinaing ng mga manggagawa, lalo na ng mangiyak-ngiyak na mga manggagawang kontraktuwal na kakarampot ang sinasahod kahit 12 oras sa trabaho.

“Sinabi na nga nila (manggagawang kontraktuwal) na ‘yong pambansang pagkain nila ay instant noodles kasi ‘yon na lang ang kaya nilang mabili,” ani Castillo. Ngunit imbis na pakinggan ang mga manggagawa, tila pinaboran daw ng mga opisyal ang malalaking kompanya.

“Kung pinahahalagahan nila ang mga manggagawa na taxpayers din at nagko-contribute sa ekonomiya ng bansa, wala sanang kontraktuwal at disente sana ang pamumuhay namin,” sabi pa niya.

Tuloy-tuloy na laban

Hindi raw titigil ang mga manggagawa sa Calabarzon sa paggiit sa nakabubuhay na sahod at kaisahan ng wage rate sa rehiyon. Sa mga nakaraang pagdinig at konsultasyon, masiglang nakilahok ang mga unyon, organisasyon, pederasyon at alyansa na nagpapakita ng kanilang pagkakaisa.

Wika ni Castillo, “Patuloy kaming magpapalakas para maabot ang iba pang manggagawa at maipaliwanag sa kanila na hindi kusang binibigay ng gobyerno ang umento sa sahod.”

Sa darating na September 14, magsusumite ng appeal letter ang MWAP at mga grupong kabilang sa WIN4WIN-ST sa regional wage board ng IV-A bilang tugon sa barya-baryang taas-sahod.