close
Talasalitaan

Pambansang utang


Kabuuang halagang hiniram ng pamahalaan mula sa lokal at internasyonal na ahensiya at institusyong pampinansiya. Ginagamit ito upang matustusan ang iba’t ibang proyekto ng gobyerno o para matugunan ang kakulangan sa pondo.

Pambansang utangKabuuang halagang hiniram ng pamahalaan mula sa lokal at internasyonal na ahensiya at institusyong pampinansiya. Ginagamit ito upang matustusan ang iba’t ibang proyekto ng gobyerno o para matugunan ang kakulangan sa pondo.

Karaniwang sumasailalim ang mga utang komersiyal sa mga tuntunin ng kontrata na nagsasaad tungkol sa halaga at takdang panahon ng pagbabayad ng prinsipal at interes. 

Sa pagbabalik ng pamilya Marcos sa Malacañang, tumuntong na sa P14.51 trilyon mula sa P14.48 trilyon ang outstanding debt ng gobyerno sa pagtatapos ng 2023, pinakamataas na record sa kasaysayan ng bansa.

Ayon sa huling ulat ng Bureau of the Treasury noong Nobyembre, umabot ng 69.09% ang domestic borrowing o utang panloob ng bansa habang 30.91% ang utang panlabas.

Ibig sabihin nito, ay nasa P129,602 ang utang ng bawat isang Pilipino. Ang Pilipinas din ang panglimang pinakamalakas mangutang sa World Bank para sa fiscal year 2023.

Nakababahala ang ganitong paglobo ng ating utang na posibleng mauwi sa krisis sa utang (debt crisis).

Sa taya ng mga ekonomista, aabot sa P14.63 trilyon ang utang ng bansa sa katapusan ng taon. Katumbas ito nang 62% ng gross domestic product. Ito na ang pinakamataas sa nakaraang 17 taon.

Mas mataas din ang kailangang ilaan para sa pagbabayad utang para sa susunod na taon. Para sa 2023, kailangang magbayad ang Pilipinas ng P1.35 trilyon para sa lokal na utang at P253.8 bilyon para sa mga dayuhang utang.

“Lalong ibinabaon ng rehimeng Marcos [Jr.] ang bansa sa utang,” ani Marco Valbuena, chief information officer ng Communist Party of the Philippines.

Nakatakdang ipambayad sa utang ang mahigit 40% ng badyet para sa 2024. Nasa P1.418 trilyon, pinakamalaking bahagi ng badyet na ito, ang nakalaan sa mga proyektong imprastruktura na tradisyunal na ginagawang palabigasan ng naghaharing pangkatin at kanilang kroning komprador.

Tuwirang hawak ni Ferdinand Marcos Jr. mismo ang halos kalahati nito o 43% sa anyo ng automatic appropriations, special purpose funds, at confidential and intelligence funds.

Sa taya ng dating senador at deputy speaker at ngayo’y Finance Secretary Ralph Recto, kakailanganing umutang ang bansa nang hanggang P4 bilyon kada araw para tustusan ang dambuhalang badyet para sa 2024.

Aniya, sa P5.767 trilyon badyet, nasa P15.8 bilyon ang gagastusin ng estado kada araw. Pero nasa abereyds na P11.7 bilyon lamang ang nalilikom nitong kita mula sa mga buwis at iba pa kada araw at sa gayon, mapipilitan itong mangutang para pondohan ang mga nakakasilaw na mga proyekto.

“Palaki nang palaki ang inuutang ng bansa para pondohan ang walang kahihiyang pangungurakot ng mga Marcos, kanilang maluhong pamumuhay, sikretong mga pondo at paggasta para sa militar at pulisya,” sabi ni Valbuena. 

Malaki ang epekto ng mga utang panlabas at panloob ng bansa. Lalong maghihirap ang mga Pilipino sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. kung papatawan muli ng bagong buwis. Ang ordinaryong Pilipino ang mas makakaramdam at babalikat ng dagdag na buwis upang mabayaran ang P14.51 trilyon utang ng bansa. 

Wala sa anumang adyenda ni Marcos Jr. ang paglutas sa mahabang panahon nang problema sa kawalan ng lupa ng masang magsasaka, ang bumubuo sa hindi bababa 60% ng populasyong Pilipino at sa gayo’y ang pinakamalaking puwersa sa produksiyon sa lipunang Pilipino. 

Lalong rin lumaki ang agwat sa pagitan ng kita at ng kinakailangang gastos para mabuhay dahil sa malaking pagdausdos ng tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa. 

Grabe rin ang paglubha ng kakapusan at kahirapan na direktang epekto nito sa kasalukuyang sitwasyon ng Pilipinas, mas maghihirap ang mga mahihirap sa lumolobong utang ng bansa. 

Ang tanong, bakit ba naghihirap ang mamamayang Pilipino kahit na umaangat ‘di umano ang ekonomiya ng ating bansa? Ilang pangulo na ba ang nagsabing umuunlad na ang ekonomiya ng bansa ngunit ito ba’y nararamdaman ng karaniwang mamamayan? Sino ba ang nakikinabang sa pag-angat ng ating ekonomiya?