close
Talasalitaan

Presyo ng bigas


Sa ngayon hirap pa rin maibaba ang presyo ng bigas sa bansa kahit na may mga bagong ani ng palay at may dagdag na bigas mula sa rice importation nitong Enero ngayon taon.

Presyo ng bigas – Mahalagang batayang pagkain ng mga Pilipino at suplay sa ekonomiya ng bansa.

Sa datos ng Philippine Statistic Authority (PSA) nitong Abril, tumaas ang implasyon ng mga bilihin sa 3.7% sa buwan ng Marso mula sa 3.4% noong Pebrero. 

Bago maupo sa puwesto si Ferdinand Marcos Jr. noong 2022, P38 kada kilo pa lang ang bigas. Imbis na bumaba tungong P20 tulad ng kanyang ipinangako, nadagdagan pa ang presyo ng higit P17 kada kilo.

Sabi ni National Statistician Dennis Mapa, umakyat ang implasyon dahil sa pagsirit ng presyo ng bigas. Nagtala ng inflation rate na 23.7% ang bigas nitong Pebrero, ang pinakamataas mula Pebrero 2009 nang umabot sa 24.6% ang inflation rate ng bigas.

Maliban sa bigas, nag-ambag din ang mga sumusunod sa paglobo ng implasyon matapos magtala ng mas mabilis na annual increase na 0.9% ang gastusin sa pabahay, tubig, kuryente, panggatong at iba pa.

Sa pagtaas sa presyo ng bigas, sumabay din ang cooking oil sa unang mga araw ng Abril 2024 batay sa ulat ng PSA. Nagtaas ang cooking oil, mula sa P154.75 at P154.96, nasa P156.78 kada litro na ito ngayon Abril.

Taas presyo din ang fresh pork kasim na nasa P336.42 kada kilog na mula sa P331.80 noong nakalipas na buwan.

Lumitaw sa monitoring ng Department of Agriculture, nasa P48 at P52 kada kilo ang retail price ng local regular rice, P48 at P55 kada kilo ang local well-milled rice, P51 at P58 kada kilo ang local premium rice, at P57 at P67 kada kilo ang local special rice.

Binatikos ng mga magsasaka ang patakarang importasyon ng bigas ng estado na inilulusot bilang “tugon” sa pagtaas ng presyo ng bigas.

Noong Enero, umabot na sa 3.6 milyong metriko toneladang bigas ang inangkat ng bansa. Dinagdagan pa ito ni Bongbong Marcos nang kinontrata niya ang Vietnam sa pagsusuplay ng bigas nang hanggang 2 milyong metriko tonelada kada taon sa susunod na limang taon.

Pangamba ng grupong Bantay Bigas, magtutuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas dahil sa importasyon. Mas makikinabang ang mga miller, exporter at trader dahil sila ang may hawak sa produkto at magtutuloy din ang implasyon. 

Kahit naging numero unong bansa na ang Pilipinas sa buong mundo sa pag-aangkat ng bigas, hindi bumaba ang presyo o kahit bumagal man lang ang pagsirit ng presyo. Panawagan ng grupo na itigil ang importasyon ng bigas at ibasura ang Rice Liberalization Law na nagpahintulot sa walang sagkang importasyon nito.

Ani Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo, napabayaan ang sektor ng agrikultura kaya sumadsad ang produksiyon dahilan upang mapilitang mag import ang bansa sa ibang bansa.

Binatikos pa ng Bantay Bigas si Marcos Jr. na pasimuno sa krisis sa palay at bigas. Giit pa ng grupo na ihinto na ang implementasyon Rice Liberalization Law. Dapat pagtuunang pansin ng pamahalaan ang pagpapalakas ng lokal ng produksiyon at bigyan ng subsidyo ang mga magsasaka. 

Sa ngayon hirap pa rin maibaba ang presyo ng bigas sa bansa kahit na may mga bagong ani ng palay at may dagdag na bigas mula sa rice importation nitong Enero ngayon taon.

Mas kailangan ng higpitan ang sinturon ng mga mamimili dahil patuloy ang pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin at bayarin sa tubig, kuryente at renta.

May maasahan pa ba ang mamamayan sa administrasyong Marcos Jr. na mapababa ang presyo ng mga batayang pangangailangan nila? Sa kasalukuyan, wala pa ring maayos na solusyon si Marcos Jr. sa krisis sa palay at bigas.