close

Unemployment rate, umangat sa 3.9%

Ayon sa Kilusang Mayo Uno, hindi na nakapagtataka ang paglaki ng bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas dahil ang ekonomiya ng bansa ay nakaasa sa dayuhan.

Matapos maitala ang mababang unemployment rate noong Pebrero, naitala ang muling pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa sa sumunod na buwan.

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Marso, pumalo ng 3.9% ang tinatayang unemployment rate. Mas mataas sa 3.5% na tala noong Pebrero, ngunit mas mababa noong Marso 2023.

Tinatayang nasa 2 milyon ang bilang ng mga walang trabaho na 15 taong gulang pataas. Nangangahulugan na tumaas ng 205,000 ang bilang ng mga walang trabaho.

Ayon kay National Statistician Dennis Mapa, ang industriya ng agrikultura, transportasyon, konstruksiyon at mga serbisyong pang-administratibo at suporta ang may pinakamalaking pagbaba ng trabaho mula Pebrero hanggang Marso.

Dagdag niya, ang sektor ng agrikultura’y lubhang naapektuhan ng El Niño. Noong Marso mula noong nakaraang buwan, nalagas ang 318,000 na trabaho na may kaugnayan sa pagtatanim at pag-aani.

Samantala, nanindigan naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) na bumubuti ang sitwasyon ng trabaho sa bansa sa kabila ng dami ng mga Pilipinong walang trabaho.

Ayon kay Secretary Bienvenido Laguesma, ang mataas na bilang ng mga bagong pasok sa lakas-paggawa ay humantong sa pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho.

Aniya, mas maraming Pilipino ang makakakuha ng trabaho sa mga darating na buwan at mas maraming trabaho ang malilikha sa tulong ng iba’t ibang job fair na inilunsad ng gobyerno at pribadong sektor.

Ngunit wika ni Kilusang Mayo Uno (KMU) secretary general Jerome Adonis, ang mga job fair ay band-aid solution lang.

Aniya, hindi na nakapagtataka ang paglaki ng bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas dahil ang ekonomiya ng bansa ay nakaasa sa dayuhan. Dahilan din ito kung bakit palaging apektado ang bansa sa anumang galaw sa pandaigdigang ekonomiya.

“Magpundar tayo ng sarili nating industriya para hindi tayo buong-buo na nakaasa sa dayuhan. Sa pamamagitan nito unti-unti nating malulutas ang unemployment at iba pang kaakibat na problema,” sabi ni Adonis.

Ayon pa sa kanya, dapat magbigay ang gobyerno ng ayuda sa mga magsasaka na naapektuhan ng tagtuyot. Bilang ang sektor ng magsasaka ang pangunahing apektado sa pagkatuyo ng lupang sakahan, natural na lumiliit ang bilang ng nagtatrabaho rito.

Bukod sa ayuda, ipinahayag din niya ang dapat na pag suporta sa produksiyon ng pagsasaka sa bansa, pagpatigil ng importasyon ng lahat ng produktong agrikultural, pagbasura sa Rice Tariffication Law at pagtiyak sa maayos at gumaganang mga irigasyon.