close

5 makasaysayang lugar sa Kamaynilaan

Habang patuloy na nagbabago ang kabisera ng Pilipinas, marami pa rin ang nagsisikap na protektahan at pahalagahan ang mga pamana ng kasaysayan.

Marami sa atin ang dumadayo sa Maynila, kung hindi para sa pag-aaral, para sa mga kinakailangan mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na matatagpuan dito.

Ngunit nasubukan mo na bang mas maging konektado sa nakaraan ng lungsod? O tuklasin ang mga relikya ng kasaysayan? Habang patuloy na nagbabago ang kabisera ng Pilipinas, marami pa rin ang nagsisikap na protektahan at pahalagahan ang mga pamana ng kasaysayan.

“Lagi nating naririnig na kung hindi mo alam ang iyong nakaraan, hindi ka makakarating sa ‘yong paroroonan. Parang gasgas na lagi diba, I think kung dadagdagan ko yung statement na ‘yon, mas mabibigyan natin siya ng kulay at importansiya kung nakikita natin siya visually, meron siyang tangible manifestation, at makikita ‘yon sa mga heritage [structure] na ‘to,” wika ni Stephen Pamorada, head ng Heritage Walks Committee ng Renacimiento Manila.

Layon ng Renacimiento Manila na buhayin at ipreserba ang kultura ng Maynila. Binubuo ito ng mga boluntir na madalas nagsasagawa ng mga heritage walk sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Bukod sa pagbibigay kaalaman ukol sa nakaraan, nagbibigay din sila ng kamalayan tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng mga lumang istruktura at ang kahalagahan ng mga ito sa kasaysayan.

Isa sa kanilang mga proyekto ang Digital Manila, kung saan ipinapakita nila ang orihinal na modelo ng mga lumang istruktura.

Narito ang ilan sa mga makasaysayang lugar na maaaring bisitahin upang muling tuklasin ang ating kasaysayan sa Kamaynilaan:

Intramuros Administration

Itinayo noong 1571 ng mga Kastila sa mga labi ng Kaharian ng Maynila na pinamunuan ng Rajah Sulayman, nagsilbi itong kuwartel o imbakan ng mga sandata. Dito rin ibinilanggo Dr. Jose Rizal bago ang pagbitay sa kanya sa Bagumbayan (Luneta o Rizal Park ngayon).

Dito rin ipiniit ng mga sundalong Hapones ang mga Pilipinong bilanggo ng digmaan na pinahirapan at pinatay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ngayon, isang pasyalan ang Fort Santiago na bukas sa publiko mula 8 a.m. hanggang 10 p.m. tuwing Lunes hanggang Biyernes at 6 a.m. hanggang 10 p.m. naman tuwing Sabado at Linggo.

Mayroong regular entrance fee na P75 at discounted entrance fee na P50 para sa mga estudyante, senior citizen at may kapansanan, kaya ‘wag kalimutang dalhin ang inyong mga ID pati ang inyong mga payong.

Bahay Nakpil-Baustista via bahaynakpil.org

Matatagpuan sa A. Bautista St. sa Quiapo, Maynila ang tinatawag na “Tahanan ng mga Katipunero.” Itinayo noong 1914, naging tahanan ang Bahay Nakpil-Bautista ng ilan sa mga kilalang kasapi ng Katipunan.

Kasama rito si Gregoria de Jesus na Lakambini ng Katipunan at biyuda ni Andres Bonifacio; si Julio Nakpil, isang musikero, kompositor, heneral ng rebolusyon at ikalawang asawa ni de Jesus; si Francisco Nakpil, isang platero at kasapi ng La Liga Filipina; si Dr. Ariston Bautista, isang doktor ng medisina; at si Juan at Angel Nakpil na mga arkitekto.

Makikita rito ang exhibit ng mga memorabilia na may kinalaman sa mga dating residente, kasaysayan ng Katipunan, at silid na itinalaga sa Lakambini ng Katipunan na naglalaman ng aklatan para sa mga librong Filipiniana.

Bukas ang Bahay Nakpil-Bautista tuwing Sabado, mula 9:30 a.m. hanggang 4:30 p.m. at may entrance fee na P80. 

Ambeth Ocampo/Facebook

Matatagpuan sa isang kalye sa Binondo, Maynila ang panandang pangkasaysayan ng Ang Kalayaan, ang pahayagan ng Katipunan. Itinuturing ang pahayagan bilang isa sa mga nagpasimula ng makabayan at rebolusyonaryong peryodismo sa bansa.

Sa lugar na ito sa Binondo inimprenta ni Dr. Pio Valenzuela, kasama sina Ulpiano Fernandez at Faustino Duque, ang nasa 2,000 kopya ng kaisa-isang isyu ng Ang Kalayaan gamit ang Yokohama bilang lugar ng paglilimbag upang hindi matunton ng mga awtoridad na Kastila.

Sa kasamaang-palad, nireyd ang palimbagan habang inihahanda ang ikalawang isyu nang sumiklab ng himagsikang inilunsad ng Katipunan noong 1896.

Isa na ngayong warehouse ang dating bahay-palimbagan at natatakpan ng dilaw na bakod ang panandang pangkasaysayan.

Angelica Louise Nazario/Pinoy Weekly

Ginamit bilang modelong disenyo ng mga munisipyo o municipal hall na ating kilala ngayon ang Casa Tribunal de Naturales. Gawa ang unang palapag sa adobe habang gawa sa kahoy ang ikalawa.

Mayroong Casa Tribunal ang bawat bayan kung saan naroon ang tanggapan ng gobernadorcillo (katumbas ng alkalde o mayor ngayon), silid ng hukuman, arkibo, imbakan ng armas at bilangguan.

Sa mga arabal ng Maynila na Binondo at Santa Cruz, maraming Casa Tribunal batay sa mga gremyo o samahan—para sa mga katutubong Pilipino, mestisong Tsino at purong Tsino—upang mapadali ang koleksiyon ng tributo o buwis.

Tanging ang Casa Tribunal sa Binondo ang nananatiling nakatayo ngayon. Itinayo ito batay sa disenyo ng arkitektong si Juan Jose Hervas matapos masira ang orihinal na istruktura dahil sa malakas na lindol noong 1886.

Abandonado na ngayon ang nasabing gusali at nasa masamang kalagayan.

Raquel Valerio/Pinoy Weekly

Huli sa listahan ang pinakamatandang bahay sa Pasig City na itinayo noong 1846 at itinala bilang Important Cultural Property of the Philippines noong 2020.

Ipinatayo ni Don Cecilio Tech y Cabrera, tinagurian din itong “Freedom House” dahil binuksan nito ang mga pintuan sa parehong partido, kontra o maka-Marcos, noong panahon ng Batas Militar.

Naging pansamantalang barangay hall din ito sa isang punto ng kasaysayan. Matatagpuan din sa bahay ang imahen ng Santo Niño de Pasion. Naging paboritong lunsarang din ang bahay ng mga art exhibit at film showing.

Nakatira din hanggang ngayon dito ang ikapitong henerasyon ng mga kamag-anak ni Don Cecilio, kaya mahalaga ang maging maingat at marespeto sa pagpasok sa bahay.

Bukas ang Bahay na Tisa mula 9 a.m. hanggang 4 p.m., Lunes hanggang Biyernes, para sa mga gustong bumisita.


Para kay Pamorada, hindi lang mayaman ang Pilipinas sa lupa, kundi mayaman din ang kultura. Subalit hindi maikakailang napapabayaan at hindi nabibigyan ng sapat na pansin at halaga ang mga gusaling naging bahagi na ng ating kasaysayan at kultura.

Dagdag pa niya, “Although nag-eexist sila, napapabayaan sila, some of them are being demolished, kasi nga hindi alam ng mga tao na may importansiya pala ‘tong mga [structure] na ‘to.”

Isang paraan ang mga heritage walk ng grupo ni Pomarada upang magbigay ng kaalaman sa mga tao tungkol sa kahalagahan ng ating kasaysayan. Maaaring bisitahin ang Facebook o Instagram ng Renacimiento Manila para malaman ang iskedyul ng kanilang mga aktibidad.