close
#KuwentongKabataan

Kailan mahuhubad ang maskara?


Hindi talaga kinikilala sa amin ang pagiging bading. Paano ba naman, parehong lider ng simbahan ang mga magulang ko. Pareho pang mga bruskong sundalo ang mga kapatid ko.

Araw-araw pa rin akong nagsusuot ng maskara sa harap nina Mama at Papa. 

Natutunan ko itong isuot simula pa pagkabata. Hindi dapat nila makita ang kalamyaan at kaartehan sa aking mga kilos at salita. Hindi naman ako papaluin o hahambalusin ng kung anong bagay. Pero dama ko na hindi nila gusto ang ilang sa mga gawain ko. Hindi daw ito “normal” para sa mga lalaking tulad ko.

Noong bata pa ako, minsan akong napatili nang may makitang ipis. Nahuli na rin akong kumekembot-kembot sa harap ng salamin. Hindi ko maiwasang mapansin ang talim ng kanilang tingin sa akin tuwing nakikita nila ang mga ganoong kilos ko.

Madalas, pinagsasabihan din nila ako nang nakakunot ang noo: “Anak, magagalit ang Diyos diyan.” Magmula noon, tinuruan ko ang sarili kong huwag ipakita ang tunay kong kulay at mamuhay sa maskarang taglay ang imahen na gusto nilang makita sa akin. 

Hindi talaga kinikilala sa amin ang pagiging bading. Paano ba naman, parehong lider ng simbahan ang mga magulang ko. Pareho pang mga bruskong sundalo ang mga kapatid ko.

Kaya kapag ako ay “babakla-bakla” noong bata, madalas akong tinutukso—ng pamilya, mga kalaro at ng mga tao sa paligid ko. Mahirap para sa akin na kinailangan kong itago kung sino ako para hindi na masabihan pa ng kung ano-ano.

Ganunpaman, isa raw sa pinaka-LGBT-friendly na bansa sa Asya ang Pilipinas. Mataas raw ang social acceptance rate sa mga lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual (LGBTQIA+) sa bansa, ayon sa ulat ng University of California, Los Angeles, School of Law’s Williams Institute noong 2021.

Sabi pa ng Pew Research Center, hindi bababa sa 73% ng mga Pilipino ang nag-iisip na dapat tanggapin ng lipunan ang LGBTQIA+.

Pero hindi maikakaila na talamak at dama pa rin ang iba’t ibang klase ng diskriminasyon sa aming mga LGBTQ+ hanggang sa ngayon. Para bang pinahihintulutan kang mabuhay kung papaano ka man, pero hindi isandaang porsiyentong tanggap kung sino ka.

Danas ko ito sa tuwing susubukan kong ipahayag ang sarili ko gamit ang mga makukulay na damit at sa panakanakang pagpilantik ng katawan dahil sa kilos kong minsang parang babae.

Nariyang nakakarinig pa rin ako ng “Ay bakla!” sa tonong mapanuya sa ilang makakasalubong ko na lalaki sa daan. O iyong mga matang mapanghusga sa tuwing lalakad at makikipagtawanan ako kasama ang mga kaibigan kong babae.

Kaya nga, sana maisabatas na ang panawagang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill na unang naipanukala sa Kongreso taong 2000 pa. Noong 2019, muling binuksan ang diskusyon dito upang maipasa na sa Senado ngunit nakakalungkot na hanggang ngayon, hinahadlangan pa rin ito.

Dapat itong matutukan dahil nangangako ito ng angkop na legal na proteksiyon para sa aming parte ng LGBT community. Partikular itong proteksiyon, para sa mga minoryang nakakaranas ng partikular na pang-aapi.

Nilalayon ng SOGIESC Equality Bill na magbigay ng patas at pantay na pagkakataon para sa lahat sa pag-access sa mga pangunahing serbisyong panlipunan, ayon sa Amnesty International Philippines.

Kinikilala at sinisira din ng nasabing panukala ang mga hadlang na umiiral para sa mga taong may magkakaibang SOGIE, dagdag pa nila.

Nakakapagod mamuhay sa paraang hindi ko naipapakita kung sino akong talaga sa harap nina Mama at Papa. Umaasa akong dumating na ang araw na lumuwag na ang tali ng maskara na aking sinusuot at nang maipakita kong lubos ang tunay na ako sa kanila.

Palagay ko mas maliliwanagan sila, kung may pagkilala na sa batas ang usaping ito. Masisimulan lang rin ito sa pamamagitan ng agarang pag-apruba sa SOGIESC Equality Bill.