close
Editoryal

Kuwento ng pagkuwenta kung magkano ang Pilipinas


Higit sa mga mala-teleseryeng linyahan at kuwento ng pangugulila sa ina, kailangan itulak ang imbestigasyon sa ilegal na pagtatayo at pamamalakad ng mga Philippine Offshore Gaming Operator sa bansa.

Tampok ngayon sa pamilihan ang presyo para magmay-ari ng mga kompanya, ng lupain, ng likas yaman at lakas-paggawa, at ng karapatang umasenso sa buhay dito sa Pilipinas. Ano pa ba ang hindi ipinagbibili?

Madaling mapanood online ang mga pagdinig sa Senado para masiwalat ang katotohanan sa nakaraan ni Alice Guo, alkalde ng Bamban, Tarlac. Kamakailan lang, idineklara ng Ombudsman na suspendido si Guo at dalawa pang iba sa mga posisyon nila sa Bamban, habang may imbestigasyon sa kung nararapat bang humawak ng posisyon sa gobyerno si Guo, at ang kanyang koneksiyon sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) o internet gaming licensees.

Sa likod mismo ng munisipyo, naroon ang Baofu compound ng Zun Yuan Technology Incorporated kung saan nagsagawa ng raid ang pulisya noong Marso 13 hawak ang search warrant para sa mga kaso ng human trafficking at serious illegal detention. Isa sa mga sasakyang natagpuan doon dahil sa raid, nakapangalan kay Guo.

Si Guo ang isa sa apat na incorporator ng Baofu Land Development Inc. at ang Baofu sa Bamban ang pinakamalaking POGO compound doon. Si Guo ang aplikante sa building permit ng Baofu, at iba pang mga permit ayon sa Senado. Sa mga papeles na sinama ng Rappler sa kanilang report, makikita na kay Guo ipinadala ang electric bill ng compound na nagkakahalaga ng P15.1 milyon para sa Setyembre 2023 hanggang Pebrero 2024.

Trending na ngayon sa social media ang paulit-ulit na pagtanggi ni Guo na may alam siya tungkol sa kanyang nakaraan, para patunayang hawak niya ang kwalipikasyon para maging alkalde ng bayan, at tungkol sa naging ilegal na mga gawain sa Baofu. Wala daw siyang kinalaman at wala siyang alam bukod sa Pilipino siya at may puso para sa mga taga-Bamban. Pero hindi dapat malingat ang publiko—hindi ito isyu ng anumang family drama.

Malaking eskandalo ito para sa gobyerno, dahil kung mapapatunayan sa imbestigasyon na si Guo bilang mayor ang pumirma sa mga business permit ng sarili niyang kompanya, o pumirma siya ng mga business permit para sa mga POGO na kulang ang dokumento, lalabas na lumabag siya sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Sa bisa ng batas na ito, nagsampa na ang Department of the Interior and Local Government ng kriminal na kaso laban kay Guo.

Laman rin ng mga usap-usapan ang koneksiyon ng iba pang mga halal na opisyal sa iba’t ibang POGO compound sa bansa. Halimbawa na nito ang mga Remulla ng Cavite, na dating nagmamay-ari ng Island Cove resort sa Cavite. Ngayon, POGO compound na ito. Nag-alok pa si Cavite Gov. Jonvic Remulla ng gantimpalang P10 milyon sa sinumang magpapatunay na sangkot sila sa operasyon ng POGO sa Island Cove.

Higit sa mga mala-teleseryeng linyahan na ito at kuwento ng pangugulila sa ina, kailangan itulak ang imbestigasyon sa ilegal na pagtatayo at pamamalakad ng mga POGO sa bansa. Paanong naitatayo ang mga compound nang walang nakakaalam kung tungkulin ng gobyerno ang masusing pag-aaral sa mga permit? 

Sa Senado, pinag-uusapan na katakot-takot ang mistulang pagsalakay ng China. Totoo na dapat, ngayon higit kailan, igiit ng Pilipinas ang soberanya nito. Pero hindi na dapat nagugulat ang gobyerno sa krisis na sila mismo ang nagtimpla. Sa mga tampok na pamilihan at mga mall, at paminsan kahit sa mga palengke at talipapa, kailangan pang makipagsapalaran ng Pilipino para makasabay sa mga produkto at serbisyo ng mga dayuhang kompanya.

Ito ang nagagawa ng dekada nang proyekto ng pagdepende sa dayuhang puhunan, hindi lang mula China, kung hindi pati sa United States at iba pa. 

Mismong si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang sadyang nagpapasok ng samu’t saring maruruming pamumuhunan, impluwensya sa politika at maging krimen mula sa China. At hanggang ngayo’y umiiral at hindi napapanagot ng gobyernong Marcos Jr. 

Imbis na nakatutok sa serbisyong pampubliko, nag-aastang broker ang gobyerno—tingi-tinging inilalako ang likas yaman at lakas-paggawa sa Pilipinas, sa ngalan umano ng paglikha mas maraming trabaho (na madalas ay hindi makatao at mababa pa magpasahod) at pagpapababa ng presyo ng mga bilihin (kapalit ang seguridad ng lokal na mga prodyuser).

Hindi ba’t halimbawa na nito ang hindi maawat na world tour ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.? Sa limang buwan ng 2024, nakaanim na foreign visit na si Marcos Jr.—at   sumatotal na 25 mula nang maging pangulo—baon ang mga sinasabing investment pledge at memorandum of understanding na binansagan na noon ng mga ekonomista bilang listahan ng mga pangako.

Pero ano na ang nangyari sa pangako ng pag-asenso, hindi ng dayuhan, pero ng karaniwang Pilipino?