close
Pop Off, Teh!

Pride and Possibility


Sa pagbubukas ng Pride Month, mayroon akong partikular na taong gustong alalahanin. Si F.

Pride Month na naman. Tiyak na gugunitain na naman ito ng maraming porma ng iba’t ibang kilusan at grupo upang patuloy na ipaglaban ang pantay na karapatan at pagpasa ng SOGIE Equality Bill.

Palaging naririnig sa mga pagmamartsa na ang pride ay protesta: resulta ito paglaban sa diskriminasyon, LGBT-phobia at dahas na umiiral. Walang pride kung walang mga kilusan sa pagpapalaya sa mga bakla, lesbiyana, bisekswal, transgender at mamamayang may sari-saring sexual orientation, gender identity, expression, at sex characteristics (SOGIESC).

Sa pagbubukas ng Pride Month, mayroon akong partikular na taong gustong alalahanin. Si F. Tuwing unang araw kasi Hunyo ang kaarawan niya. E ano naman? Si F ay isa sa mga malalapit kong kaibigan na nagpatingkad sa kulay bahaghari sa Ilocos noong kapwa pa kami kumikilos sa nasabing rehiyon.

Lesbiyana si F at isang rebolusyonaryo. Asawa ng matalik kong kaibigan. Naging biktima siya ng mala-tokhang na pamamaslang sa malagim na gabi ng araw ng mga puso bago mag-lockdown.

Nang una siyang dumating sa opisina taong 2010, ako na lang ata ang ‘di nakakakilala sa kanya. Malakas ang boses niya at maraming korni na jokes (nag-knock-knock ba naman at pinagsama-sama ang mga gulay para kantahin ang Empire State of Mind). Rumipeke sa opisina ang pagtatagisan nila ni Adele ng boses sa pagkanta ng “nevermind, I’ll find someone like you.”

Mabuting kasama si F, sa sobrang buti niya, commit nang commit at g na g sa mga rali (malakas ang boses siyempre). Sumasama sa mga fact-finding mission at kung saan-saang gawain sa komunidad.

Higit sa lahat, mabuti siyang kaibigan. Nahihingahan, nakikinig at kumakalinga sa mga kasamang dumaranas ng kung ano-anong krisis, drama at pasabog.

Hindi batid ni F na lesbiyana siya noong una. Ang totoo, sa mga kuwentuhan sa pagitan ng mga gawaing produksiyon namin, ikinukuwento niya na gusto niyang magka-jowa ng lalaki. Kaya bilang mga girls na walang jowa, ang ultimate goal namin noong kade-deploy pa lang niya’y magkaroon kami pareho ng jowa (kung saan namin hahanapin, ay ewan!).

E kaso may kung anong gayuma ang tabako sa Ilocos at sa paggawa nila ng bidyo tungkol sa magsasaka ng tabako, nakilala ni F ang kanyang oryentasyong seksuwal at isang araw, kasabay ng pag-anunsiyo sa mundo na umiibig siya. Kinilig kaming lahat sa opisina, siyempre lalo pa’t matalik kong kaibigan ang naging karelasyon niya. Na-upstage pa nga nila ‘yong kilig ko sa crush ko sa pag-anunsiyo na nagmamahal na siya!

Ang kahanga-hanga kay F ay prinoseso niya sa sarili niya ang kanyang nararamdaman sa kasama. Sa jargon nga ng mga aktibista, tinimbang at sinuri ang mga batayan—ang class love at sex (romantic) love.

Hindi naging madali ito sa kanya: pinag-usapan, pinag-aralan at pinagtunggalian din. Sa huli, pinanghawakan niya ang kanyang pasya. Makalipas ang ilang taon, nagpakasal sina F at kanyang karelasyon at namuhay sila nang maligaya sa piling ng masang magsasaka (cue in: Rosas ng Digma).

Ang kuwento ni F ay patunay na ang Pride ay isang rebolusyon. Na hindi lalaya ang bayan kung hindi rin lalaya ang sari-saring kasarian. Upang matiyak ito, ang solusyon ay paghulagpos patungo sa mga mapagpasyang porma ng paglaban.

Masalimuot ang digmaan at hindi ito titigil hangga’t walang tunay na lunas ang ugat ng problema ng bayan. At kasing salimuot ng digmaan ang pagkilala at pagpapalaya sa sarili: sa dami ng tatawiring ilog at lalakarang tinik at aakyating matatarik na bundok, tila walang katapusang pagbagtas at paggalugad ito sa mga espasyong inaangkin ng iilan. 

Pero ang buhay ni F, maikli man, ay isang larawan ng maraming posible: makilala ang sarili, magmahal, maging masaya at lumaya. Rebolusyonaryo ang tradisyon ng Pride.  Nawa’y panghawakan at ituloy natin ang tradisyong ito.

Isang makabuluhan at palabang Pride season!