close
Pop Off, Teh!

Fair na unfair


Hindi naman na nakapagtataka ang ganitong pangyayari lalo pa’t sa simula’t sapul, ang mga ganitong fair ay isinasagawa sa mall, isang lugar na pinamumugaran ng pantasya, panlilinlang at sala-salabid na pagsasamantala na pag-aari ng malalaking negosyante’t kapitalista.

Nitong nakaraang mga araw, nagpalabas ng pahayag ang The Indie Publishers Collab (TIPC), isang grupo ng mga independent at small press bilang tugon sa ‘di umano’y missent at maling komunikasyong ipinadala ng Manila International Book Fair (MIBF) at ang organisador nitong Primetrade na nagbabawal ng mga book signing sa mga booth na may 15 at mas mababa pang bilang ng booth. Nakakaabala ‘di umano ang mga pila sa mga book signing sa iba pang bumibili.

Ayon sa TIPC, ‘di patas ang ipinatutupad na alituntunin sa mga maliliit na palimbagan na hindi nga halos kayang bayaran ang 3×3 metrong booth na nagkakahalaga ng P74,000 kasama ang value-added tax. Sa kabila ng hirap na bayaran ang ganitong halaga, nagsisikap ang mga tulad ng TIPC upang maabot ang malawak na mambabasang publiko.

Umani ng batikos ang MIBF at Primetrade dahil sa lantarang pagpabor ‘di umano nito sa mga malalaking palimbagan at kapitalista. Agad namang ipinagtanggol ng mga grupong nakakabit sa MIBF ang mga organisador at sinabing “miscomm” lang at hindi naman totoong “ipinagbabawal” ang book signing.

Miscomm at maling email nga lang ba talaga? Ano ito, social media ng artista na nagsasabi ng kung ano-ano tapos upang ma-damage control ay sasabihing na-hack ang account? 

Hindi naman na nakapagtataka ang ganitong pangyayari lalo pa’t sa simula’t sapul, ang mga ganitong fair ay isinasagawa sa mall, isang lugar na pinamumugaran ng pantasya, panlilinlang at sala-salabid na pagsasamantala na pag-aari ng malalaking negosyante’t kapitalista.

Pabor na pabor sa mga kapitalista, ano? Isa pa’y ang mga ganitong fair ay pagbabalandra din ng kapasidad at kapangyarihan ng mga pabliser: malalaking pabliser, mga trader, mga independent na pabliser na may malalaking puhunan.

Ito’y kuwestiyon pa lamang ng lokasyon at kung sino ang lumalahok at hindi pa kasama ang iba pang praktika na lalong nagsasantabi sa mga manlilikha, manunulat, editor, artista, at iba pang instrumental sa pagpapatibay ng industriya ng paglilimbag.

Ang pagpasa sa larangang kultural sa pribadong sektor ay nangangahulugan ng pagpabor sa mga kapitalista’t negosyante. Hindi ba’t tungkulin ng gobyerno na kalingain ang mga inisyatibang magkapagsusulong ng panitikan at kasaysayan?

Maiintindihan din naman ang layon ng mga pabliser sa paglahok. Hindi sa lahat ng panaho’y may oportunidad upang magbenta at maisulong ang mensahe ng mga libro na gusto. Magandang larangan din naman ang mainstream para lumangoy at mag-iwan ng marka’t makita ang mga naisasantabi.

Para lang din naman itong paglahok sa mainstream na politika kung saan pinapasok pa rin ng mga progresibo upang matiyak na maisulong ang mga makamasang adyenda. 

Pero sige, agenda aside (kasi tiyak namang magkakaiba ang politika ng mga pabliser), maganda ring paglimian ng mga totoong independent at small press ang iba pang larangan na labas sa isang fair na nakakiling sa kung sino ang may kakayahang magbayad ng isang espasyong nililikha na pabor sa may pambayad.

Ang mahalaga’y hindi magpakalunod sa daluyong at palagiang maglimi kung hanggang saan ang hanggahan ng pakikilahok sa mga ganitong larangan. Kapag nasa punto na naikokompromiso na ang tindig, layon at haraya, kailangan nang magsalita, lumaban o kaya’y kumalas.

Higit sa lahat, ano ang papel ng gobyerno sa ganitong kalakaran? Bakit hindi sila ang mag-organisa at gawing equitable ang espasyo o kaya’y gawing mas abot-kaya ang mga ganitong gawain.

Ang pagpasa sa larangang kultural sa pribadong sektor ay nangangahulugan ng pagpabor sa mga kapitalista’t negosyante. Hindi ba’t tungkulin ng gobyerno na kalingain ang mga inisyatibang magkapagsusulong ng panitikan at kasaysayan?

Kung sabagay, hindi naman na nakapagtataka kung unti-unti ngang binubura ng kasalukuyang rehimen ang kasaysayan at katotohanan na madalas matatagpuan sa mga libro—mga librong madalas likhain ng mga maliliit na mamamayang madalas maisantabi at patahimikin ngunit nangangahas at lumalaban.