close
Pop Off, Teh!

What if naging trans ka?


Madali para sa iba na sabihing tiisin na lang ang lahat dahil ‘di umano, ‘yon ang makabubuti. Paano’y nasanay na tayo sa mga umiiral na kaalaman at sistema kaya tinatanggap lang natin ang mga ito.

Palagi kong gustong itanong ito sa mga nangdudusta sa mga trans person. Paano kung ang pangalan mo ay Alden pero tinawag kang Kurdapio kasi ‘yon daw ang naaangkop na itawag sa iyo? O kaya’y sa mismong araw ng graduation mo, hindi ka payagang magsuot ng damit na binili mo kasi ang gusto ng principal o dekano ay naka-uniform ka at ikaw lang ang naka-uniform, ha? Palagay ko’y hindi mo magugustuhan. 

Sa isang lumang-bagong Facebook post ng isang opisyal ng isang unibersidad, binabanggit niya na dapat daw panatilihin ang pagiging pormal ng event at magbihis nang naaayon sa hinihingi ng event. Ibinahagi niya ang larawan ng isang babaeng transgender na nakadamit nang naaayon sa kasarian niya sabay bitbit ng isang panawagan. Marami ang sumang-ayon at ipinilit na “lalaki pa rin” ‘di umano ang babaeng yaon kasabay ng paggiit na dapat respetuhin ang solemnidad ng graduation.

“He” kung tawagin nila ang babae kahit pa ipinagsisigawan na ng kanyang panlabas na anyo na babae siya. Hindi na ako nagulat na ini-intellectualize ng mga akademiko ang konsepto ng pananamit sa araw ng pagtatapos. Hindi raw politikal ang graduation. At least, dahil iyon na ang nakasanayan natin. 

Ang graduation ay larangan para sa mga estudyante na sa huling pagkakataon, ipahayag ang kanilang nararamdaman – ang galak, lungkot, galit, pagkadismaya, at iba pa. Ang mismong mga graduation speech ay salimbayan ng iba’t ibang damdamin at madalas, politikal ang mensahe. Ano ang hindi politikal sa graduation kung gano’n? 

Mahirap maging trans. Ang buong buhay namin ay puno ng walang hanggang pakikipagtunggali hindi lang sa panlabas na arena kundi maging sa aming loob. Mahirap tumawid mula sa kasariang itinakda sa iyo ng lipunan patungo sa kasariang magbibigay ng kahulugan sa iyong pagkatao. Gaya rin ito ng mahirap mag-aral ng medisina na ipinipilit sa iyo gayong ang pangarap mo naman ay maging guro o manunulat.

Madali para sa iba na sabihing tiisin na lang ang lahat dahil ‘di umano, ‘yon ang makabubuti. Paano’y nasanay na tayo sa mga umiiral na kaalaman at sistema kaya tinatanggap lang natin ang mga ito. At kapag lumabas tayo sa mga nakasanayan nating sistema tulad ng kasarian na napatunayang hindi lang dalawahan kundi maramihan at sari-sari, ang ating tugon ay katulad ng tugon sa estado sa sinomang nanghahamon sa sistema: dahas. 

Walang eksaktong bilang ngunit maraming trans at gender nonconforming na indibidwal ang araw-araw na nakararanas ng dahas. Mula sa pagtawag sa kanila ng maling pangalan hanggang sa paulit-ulit na pandarahas sa kanila.

Si Jennifer Laude ay isa lang sa mga patunay na ang hindi pagkilala sa pagkakakilanlang pangkasarian ay nagdudulot ng sapot-sapot na dahas—ang deadnaming o pagtawag sa kanyang dating pangalan, misgendering o pagtawag sa kanya ng maling pronouns, at siyempre, ang victim-blaming na iuugnay sa pagiging trans niya.

Bukod kay Jennifer Laude, si Reyna Valmores din ng Bahaghari ay nakaranas ng red-tagging at misgendering noong bumubula ang bibig ng mga red-tagger sa SMNI. Sa social media, walang humpay ang pag-atake sa isyu ng kababaihang transgender na ‘di umano’y puwede nang sumali sa mga beauty pageant. Ayon sa mga nagkokomento (na madalas pa nga’y mga kabaro sa LGBTQIA+ community), “unfair” at ‘di naman “totoong babae” ang kababaihang trans. 

Mahirap maging trans. Mahirap mabuhay at sumulong sa mga espasyo at lugar na ang turing mga aming tumatawid ng kasarian upang mabuhay nang may kahulugan ay hindi kabilang sa lipunan at marapat itaboy. Ang totoo’y sa kasaysayan ng Pilipinas, naroroon ang mga trans sa katauhan ng mga babaylan na may mahalagang gampanin sa lipunan. 

What if ikaw ang naging trans? What if maranasan mo ang iba’t ibang klase ng dahas dahil lang sa iyong pamumuhay ng iyong totoong sarili? Bago ka magalit o masuklam sa mga trans, ilagay ang sarili sa aming kalagayan, saka mo mababatid ang halaga ng pagsasalita sa mga espasyo katulad ng graduation at kung saan pang larangan.