close
#KuwentongKabataan

Karangalan sa mga iregular


Hindi ko na pinansin ang mga kahihinatnan ng pagiging isang iregular noong sinagutan ko ang shifting form. Ang nasa isip ko lang noon ang makaalis na sa kursong sumira ng aking kalusugang pangkaisipan.

Parang meron kang iba’t ibang buhay kapag iregular kang estudyante. Nakikisalamuha ka sa mga estudyante ng iba’t ibang section o minsan pa nga, iba’t ibang taon at kurso. May mga pagkakataon na tatawagin mo silang “ate” o “kuya” dahil mas matanda sila sa ‘yo at may mga pagkakataon naman na sila ang tatawag nito sa‘yo.

Ganito ang buhay ko mula noong nagpalit ako ng kurso mula inhenyeriya papuntang peryodismo. Marami ang nagsabi sa akin na isa itong malaking pagbabago ng kurso mula sa dalawang magkasalungat na larangan. At habang sumasang-ayon ako rito, tingin ko, karaniwan sa ilang estudyante ang magkaroon ng sariling tunggalian sa pagitan ng agham at makataong sining.

Kumbinsido ako noon na wala akong ibang pagpipilian kundi tahakin ang propesyon kung saan sabi nila “may pera.” Ngunit para sa akin, walang saysay ang pagkakaroon ko ng titulo kung hindi talaga iyon ang aking kagustuhan at kakayahan. 

Hindi ko na pinansin ang mga kahihinatnan ng pagiging isang iregular noong sinagutan ko ang shifting form. Ang nasa isip ko lang noon ang makaalis na sa kursong sumira ng aking kalusugang pangkaisipan. 

Sa nakalipas na tatlong taon, natuto akong umangkop sa iba’t ibang ugali lalo tuwing may pangkatang gawain sa klase. Natuto rin akong ayusin ang aking iskedyul para masiguradong masusunod ko ang pangangailangan ng bawat asignatura. 

Marami akong naranasang bagay bilang isang iregular na hindi nararanasan ng isang regular na estudyante. Dahil mas marami ang asignaturang kinukuha namin sa isang semestre, hindi maipagkakailang mas marami ang kailangan naming gawin para makahabol. 

Ngayong nasa huling semestre na ako, napapabalik-tanaw ako at napapaisip kung paano ko nakayanan ang ganitong klaseng buhay kolehiyo. Marahil kasi sa suportang natatanggap ko hindi lang muls sa aking pamilya kundi sa aking mga kaklase, maparegular man o kapwa ko ring iregular. 

Ngunit kung titingnan sa isang silid-aralan, hindi naman kami naiiba sa mga regular. Pagdating sa mga gawain at pagsusulat, parehas lang din naman ang ginagawa namin sa kanila. May mga pagkakataon pa nga na kami ang namumuno sa mga pangkatang gawain.

Kaya tingin ko, walang saysay ang hindi pagsali sa mga iregular sa bigayan ng karangalan tuwing araw ng pagtatapos. Hindi dapat pagkaitan ng nararapat na parangal ang mga estudyanteng nasa ganitong landas dahil lang lumipat sila ng paaralan o kurso.

Oras nang baguhin ang ganitong patakaran sa mga unibersidad dahil hindi naman makaaapekto sa kanila ang pagbibigay din ng parangal sa mga iregular. Sa katunayan, lubos na pahahalagahan ito ng mga estudyanteng aligagang makisabay sa mga regular.

Para sa mga estudyanteng nag-iisip nang lumipat ng paaralan o kurso, huwag kang matakot na maging isang iregular na estudyante. Huwag mong isipin na maiiwan ka kapag naging iregular ka dahil lahat naman tayo ay may sariling panahon sa pag-aaral at pagkamit ng tagumpay sa buhay.

Sa aking sariling karanasan, sinubukan ng mga pangkat na pinasukan ko na tratuhin ako nang pantay. Kaya para naman sa mga opisyal ng mga unibersidad, sana dumating ang araw na mawala ang diskriminasyon sa mga estudyanteng tinutukoy pa ang kanilang landas sa buhay. Nararapat din sa mga iregular ang pagkakaroon ng karangalan.