close

P35 umento, isang malaking insulto–KMU


“Nagpatawag ng wage review para tugunan ang panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod, tapos P35 lang ang ibibigay? Ni hindi pa sapat para sa isang kilong bigas!” sabi ni Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno.

Binatikos ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang kakarampot na P35 na umento sa minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa National Capital Region (NCR) matapos itong aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) nitong Hul. 1.

“Sa pangawalang taong anibersaryo ni [Ferdinand] Marcos Jr. sa puwesto, ang regalo niya sa mga manggagawa ay isang malaking insulto,” ani KMU secretary general Jerome Adonis.

Sa inaprubahang Wage Order No. NCR-25, magiging P645 na ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa NCR simula Hul. 16. Ngunit hindi pa rin ito sapat kung ibabangga sa family living wage na P1,197 sa pagtataya ng Ibon Foundation nitong Mayo.

Nagpatawag kamakailan ang RTWPB ng NCR ng isang public hearing para dinggin ang mga petisyon sa dagdag-sahod na mula P150 hanggang P750. Nanawagan ang mga sentrong unyon at grupo ng manggagawa na gawing P1,207 ang minimum na sahod para makaagapay ang mga manggagawa sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

“Nagpatawag ng wage review para tugunan ang panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod, tapos P35 lang ang ibibigay? Ni hindi pa sapat para sa isang kilong bigas!” sabi ni Adonis.

Ayon sa kanya, masahol pa sa barya ang inaprubahang umento at patunay umano ito ng kapalpakan ng Wage Rationalization Act at mga regional wage board upang tugunan ang karapatan sa nakabubuhay na sahod.

“P35 na dagdag-sahod, 35 taong kapalpakan ng regional wage boards. Hindi nakikinig sa daing at panawagan ng mga manggagawa, pawang interes ng mga employer ang pinapanigan. Walang ibang nararapat gawin kundi buwagin!” dagdag pa niya.

Nanawagan ang KMU sa manggagawang Pilipino na igiit ang isang national minimum wage na nakabatay sa family living wage para makapamuhay nang disente ang mga manggagawa’t kanilang pamilya.

Inanyayahan din ng sentrong unyon ang mamamayan na lumabas sa lansangan at magprotesta sa ikatlong State of the Nation Address ni Marcos Jr. sa Hul. 22 para igiit ang karapatan sa nakabubuhay na sahod.