close
Editoryal

SONAsahol


Sa Hul. 22, nakatakda ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Malamang, ipangangalandakan na naman niyang umunlad na ang Pilipinas at maraming Pilipino ang nakinabang sa mga batas, proyekto, programa at kasunduang pinasok ng kanyang administrasyon sa nakalipas na dalawang taon.

Sa Hul. 22, nakatakda ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Malamang, ipangangalandakan na naman niyang umunlad na ang Pilipinas at maraming Pilipino ang nakinabang sa mga batas, proyekto, programa at kasunduang pinasok ng kanyang administrasyon sa nakalipas na dalawang taon.

Paniguradong babanggitin niya ang mga datos at pag-aaral na kung hindi makatotohanan ay walang katuturan para sa ordinaryong mamamayan. 

Ano nga bang ibig sabihin ng 5.7% paglago sa gross domestic product ng Pilipinas kung nananatiling baon sa utang ang bansa? Ano nga ba ang epekto ng datos sa pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong may trabaho kung sila’y napilitan maghanap ng dagdag na trabaho dahil sa napakasahol na arawang sahod? Anong katuturan ng pagbaba ng inflation rate kung sa reyalidad nagtataasan pa rin ang presyo ng mga bilihin at serbisyo?

Sa tala ng Ibon Foundation nitong Abril, umaabot na sa P15.02 trilyon ang utang ng bansa. Sa loob lang ng dalawang taon sa puwesto, nasa P101.2 bilyon na ang inutang ni Marcos Jr. Mas mataas ito sa kabuuang inutang ng mga rehimen nina Duterte (P95.1 bilyon), Aquino (P19 bilyon), at Arroyo (P21.2 bilyon).

Noong nakaraang taon, mismong gobyerno rin ang nagsabi na dumadami ang mga manggagawang napipilitang maghanap ng dagdag na trabaho o pagkakakitaan. Hindi na kasi nakasasabay ang sinasahod ng mga manggagawa sa arawang gastos at bayarin.

Napakalayo ng agwat ng minimum wage sa family living wage o halaga para mabuhay nang disente ang isang pamilyang Pilipino. Kamakailan lang, inaprubahan ang nakaiinsultong P35 dagdag-sahod sa National Capital Region na ibinase sa kahilingan ng mga negosyante’t kapitalista at inihabol para sa darating na SONA.

Sa kakarampot na sinasahod ng mga Pilipino, halos hindi na makabubuhay ng isang pamilya. Sa mga palengke, wala pa rin ang ibinidang P20 kada kilong bigas ni Marcos Jr., bagkus naglalaro sa P50 hanggang P80 ang tanging pagpipiliian ng publiko.

Sa halip kasi na suportahan ang lokal na produksiyon ng palay para suportahan ang mga magsasaka at mapababa ang presyo, pinirmahan niya ang Executive Order 62 na magbababa ng taripa sa imported na bigas at papatay sa kabuhayan ng mga magsasaka.

Sa SONA ni Marcos Jr., aasahang tatabunan ang tunay na kalagayan ng bansa’t sambayanan. Iduduyan niya ang madla sa ilusyon ng investment pledges mula sa kanyang mala-world tour na pagbiyahe sa abroad, ambisyosong mga programa na pakikinabangan lang ng kanyang pamilya at kroni, at mga pantastikong pangako sa itinutulak na “Bagong Lipunan” katulad ng ginawa ng kanyang amang diktador.

Kung ganito ang aasahan sa SONA, o sa gobyerno ni Marcos Jr. sa kabuuan, makatarungan ang paglaban ng sambayanan. Dapat lang siyang singilin sa kainutilan at kapabayaan niya sa nakalipas na dalawang taon. Lalo pa ngayong ipinahamak niya rin ang kapakanan ng mamamayan at soberanya ng bansa sa ngalan ng pagkatuta niya sa imperyalistang Estados Unidos.

At bagaman pumupusturang kontra-China sa usapin ng West Philippine Sea, hindi nito puspusang maisulong ang krusyal na mga aksiyon laban sa mga atake ng China at sa halip kinukunsinti ang mga negosyanteng Tsino sa pansasalaula sa ating bayan sa mga proyektong reklamasyon at online gambling.

Higit pa rito, kaliwa’t kanan ang naitalang kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa mga grupo at indibidwal na nagpapahayag ng disgusto sa kanyang administrasyon. Pinagpapatuloy nito ang madugong nasimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte gamit ang Anti-Terrorism Act of 2020 at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na makailang ulit nang ipinanawagang ibasura at  buwagin ng mga eksperto.

Sa Hul. 22, nakatakda rin ang People’s SONA sa kahabaan ng Commonwealth Avenue. Nanawagan ang mga grupo ng manggagawa, magsasaka, kabataan, propesyonal at maralita sa mga Pilipino na makilahok sa sama-samag pagkilos na ito para pasinungalingan ang mga retorika ni Marcos Jr. at ilantad ang tunay na kalagayan ng bayan.