close
Editoryal

Taliwas sa danas ng bayan


Nagpaulan si Ferdinand Marcos Jr. ng mga numero’t estadistika para kunwari’y may signipikanteng napagtagumpayan bilang pangulo. Ngunit nananatili ang katotohanang walang halaga ang mga ibinuladas na numero’t bilang sa mamamayang nagugutom, naghihirap at pinagsasamantalahan sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Kagaya ng inaasahan, ibinida ni Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang mga nagawa at mga gagawin pa para umano sa kapakanan ng mamamayan.

Ipinagmalaki niya ang kanyang mga nagawa kuno para tugunan ang krisis sa agrikultura’t pagkain, kawalan ng lupa ng mga magsasaka, krisis sa klima, pagtaas ng presyo, kalunos-lunos na serbisyong panlipunan, krisis sa sektor ng edukasyon, mababang sahod, kawalan ng trabaho’t kabuhayan at marami pang suliraning pasan ng mamamayang Pilipino.

Nakikinig naman daw ang gobyernong Marcos Jr. sa mga hinaing ng taumbayan. Pero sa katotohana’y hindi naman akma at sapat ang mga patakaran at programang ipinatutupad. Madalas pa, mas nakakiling ang mga ito sa pangnegosyong interes.

Nagpaulan siya ng mga numero’t estadistika para kunwari’y may signipikanteng napagtagumpayan bilang pangulo. Ngunit nananatili ang katotohanang walang halaga ang mga ibinuladas na numero’t bilang sa mamamayang nagugutom, naghihirap at pinagsasamantalahan sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Sa krisis sa pagkain, bagaman tumaas ang produksiyon ng lokal na palay, all-time high ang importasyon ng bigas imbis na ibuhos ang suporta at pondo sa lokal na agrikultura’t produksiyon ng pagkain para masiguro ang sapat na suplay at abot-kayang presyo.

Mataas na presyo ng pagkain sa mga palengke? May Kadiwa Centers naman daw. Pero kahit bawat bayan pa ang may Kadiwa Center, hindi nito kayang abutin ang bawat pamilya lalo na sa mga malalayong lugar. At mas madalas, mahal pa sa palengke ang tinda sa Kadiwa!

Nasa 4 milyong Pilipino raw ang guminhawa ang buhay dahil sa mga dagdag-sahod na ipinatupad sa iba’t ibang rehiyon. Ngunit sa pinakabagong sarbey ng Social Weather Stations, umakyat ang self-rated poverty sa 58% o 16 milyong pamilya nitong Hunyo mula sa 46% o 12.9 milyong noong Marso.

Ipinagmayabang rin niya ang mga dambuhalang proyektong imprastruktura at ipinagmalaki pa ang mga kontrobersiyal na proyekto kagaya ng Jalaur Mega Dam sa lalawigan ng Iloilo na matagal nang tinutulan ng mamamayang Ilonggo dahil sa panganib na dala nito sa mga katutubong mamamayan sa Panay.

Pinakamalaking pambobola sa SONA ang huling tinuran ni Marcos Jr. na tuluyang pagbabawal sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa at pag-aatas sa Philippine Gaming and Amusement Corporation na wakasan na ang operasyon ng mga POGO sa katapusan ng taon.

Todo-todo ang pagmamalaki at pagmamayabang ni Marcos Jr. Kung titingnan ang mas malalim na konteksto, halalan na sa susunod na taon at kailangang magpakitang-gilas para makatiyak na mananalo ang mga alipores sa Senado, Kamara at pamahalaang lokal.

Inanunsiyo rin kamakailan ng pinsan ng pangulong si Speaker Martin Romualdez ang tumataginting na P6.352 trilyon na panukalang badyet sa 2025. Mas mataas ito ng P584 bilyon kumpara sa pambansang badyet sa kasalukuyang taon na P5.768 trilyon.

Inaasahang gagamitin ang higanteng pondo sa susunod na taon para sa pagpapabango ng rehimen sa eleksiyon at pagpapanalo ng mga kroni at kaalyado sa politika na susunod sa bawat kagustuhan ng mga Marcos.

Kinokonsolida ngayon ng pangkating Marcos ang pampolitikang lakas nito para sa halalan, nang masiguro ang pagkapanalo ng malaking bilang ng kandidato sa lehislatura para bigyan ng lehitimidad ang mga kontra-mamamayang batas at patakarang ipapatupad sa susunod na tatlong taon.

Hindi rin dapat kalimutan ng sambayanan ang Charter change (Cha-cha) na isang nakatutok na punyal sa leeg ng naghihingalong demokrasya’t karapatan ng mamamayan dahil nangangahulugan ito ng pagpapanatili ng mga Marcos sa poder.

Paraan din ito para pigilan ang pangkating Duterte na maagaw ang kapangyarihan sa tuluyang pagkalusaw ng UniTeam. At sa awayan ng dalawang dinastiko’t despotikong pamilya, mamamayan ang kawawa.

Sa madaling sabi, binola lang ni Marcos Jr. ang taumbayan sa kakatapos na SONA para lumikha ng paborableng kondisyon sa mga Marcos sa susunod na halalan, matupad ang Cha-cha at manatili sa kapangyarihan.

Kailangang maging mapagmatyag ang mamamayan sa mga susunod na gagawin ng rehimen at mapagpasyang kumilos para labanan ang pagkatuso ng mga pangkating Marcos at Duterte.

Taumbayan ang lilikha ng isang kaayusang magsisilbi sa mga demokratikong interes ng mas nakararaming masa para mapawi ang kahirapan, kagutuman at kaalipustahang nararanasan.