close
Pop Off, Teh!

Mula sa ikalawang palapag


Lumang tugtugin na ang “resilience.” Hindi sapat na lumikas lang at umuwi pagkatapos ng baha. Hindi sapat na palaging nagtitiis ang mga tao habang ang iba, tulad ng mga influencer, ay nagtatanong lang kung puwede bang mag-“floatie” sa baha dahil “it’s just water.”

Nagising ako dahil sa sigawan sa labas. Kumakaripas ang mga kapitbahay namin dahil ‘di umano, tumataas na ang tubig sa ilog malapit sa amin. Bandang alas-diyes ng umaga at rumaragasa ang buhos ng ulan. Red Warning, sabi sa text alert ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Ilang minuto pa, nariyan na ang maitim na tubig na unti-unting sinasakop ang makikipot na kalsada sa amin.

‘Yong kapitbahay naming nagbabasura, sama-sama nilang inayos ang mga nakolekta nilang kalakal, itinabi, ipinatong sa kariton. Inilikas na rin nila ang nanay nilang siguro’y nasa 80 na. May mga lalaking nagsihubaran ng pantaas at naligo sa ulan kahit na hanggang tuhod na ang tubig.

Bandang alas-dose nang tumaas na ng tatlong talampakan ang tubig. May mga lumulusong pa rin samantalang pumasok na sa mga bahay ng mga kapitbahay namin ang tubig. Walang tigil ang ulan—galit na galit, paminsan nga, may pagkulog pa. Kung titigil man ang ulan, mga dalawang minuto lang tapos bubugso na naman.

Nagsilutangan na ang mga basura—tsinelas, mga bote, galon, kaldero, kawali, timba at kung ano-ano pang gamit. Nagsipulasan din ang mga ipis. Dahan-dahan nang natutumba ang mga nakapatong sa kariton ng kapitbahay.

Wala na akong akses sa balita dahil nawalan na ng kuryente at halos wala na ring signal. Tanging sa mga alerto na lang ng NDRRMC ako nakasasagap ng balita—hapon na at Red Warning pa rin. Samantala, umabot na sa ikalawang baitang ng hagdan namin ang tubig. Malapit nang makarating sa ikatlo. 

Nang sumilip ako sa bintana, may isang lalaking lumulusong, halos nasa balikat na niya ang tubig. May mag-asawa ring magkahawak ng kamay na may nakapatong na supot sa kanilang ulo, baka lilikas sila’t pupunta sa evacuation center.

Maya-maya pa’y may babaeng sumigaw, “Bakla, tara na!” Sagot naman ng isang babae, “Saan tayo pupunta?” “T****, family outing ito!” sabay tawa habang nakapatong sa ulo niya ang isang supot ng mga gamit. Tapos napansin ko, sa kanto, nakalusong sa baha ang ilang kabataan at mga tambay dito sa amin, ayon, nagkakantahan ng “happy birthday” at nagto-toast pa nga ng beer. 

Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis pero nakabibilib ang mga taong ito, sa gitna ng ligalig na dulot ng bagyo, nakukuha pa nilang magtawanan at magdiwang. Alas-singko na nang tumila ang ulan at madilim na nang humupa ang nakakadiring maitim na tubig na nag-iwan ng malansa at nakasusulasok na amoy.

Pinanood ko ang mga kapitbahay naming nagsasalansan ng mga gamit, tinitingnan kung ano pa ang maisasalba. Saka ko sinimulan ko na linisin ang mga nabahang bahagi ng bahay namin. Tuloy ang buhay, gano’n na lang ba?

Napakatagal nang problema ng pagbaha sa Pilipinas. Ilang rehimen na nga ang nagdaan at kung ano-anong programa ang ginawa nila pero hindi pa rin natutugunan ang ugat ng pagbaha.

Kakat’wa lalo pa’t sa katatapos na State of the Nation Address (SONA), ipinagmamayabang ng gobyernong Marcos Jr. na may 5,000 flood control project na naipatupad. Nasa’n ang mga proyektong ito? Bakit naulit na naman ang danas ng mga tao noong Ondoy?

Hanggang salita’t paninisi lang sa pagbabago ng klima, sa basura at sa karaniwang mamamayan ang kayang gawin ng gobyerno. Puro chika, puro eme. Samantala, iniinda na lamang ng mga Pilipino—ng mga mahihirap—ang perhuwisyong dala ng bagyo at baha at itinatawa na lang. 

Lumang tugtugin na ang “resilience.” Hindi sapat na lumikas lang at umuwi pagkatapos ng baha. Hindi sapat na palaging nagtitiis ang mga tao habang ang iba, tulad ng mga influencer, ay nagtatanong lang kung puwede bang mag-“floatie” sa baha dahil “it’s just water.”

Kailangang singilin ang mga dapat managot lalo pa’t nagpapatuloy pa rin ang mga proyektong mapanira. Paano na lang kung makumpleto na Kaliwa Dam at iba pang dam? Handa na ba tayong malubog at malunod sa delubyo habang nagpipista at nagpa-fashion show lang ang mga opisyal natin noong SONA?