Impeachment ni Sara Duterte, aprubado na ng Kamara
Nananawagan ang iba’t ibang progresibong grupo sa Senado na agarang magsagawa ng impeachment trial at hatulan si Sara Duterte para panagutin sa mga krimen sa taumbayan.

Bumoto na ang Kamara para iendorso sa Senado ang impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
Sa 306 na mga mambabatas, 215 ang bumoto para aprubahan impeachment kay Duterte. Nangangailangan lang sangkatlo o 102 na mambabatas para sa impeachment sunod sa Saligang Batas.
Kung mahahatulang guilty ng Senado na tatayo bilang impeachment court, mapapatalsik si Duterte sa puwesto at pagbabawalang humawak ng posisyon sa gobyerno kung boboto ng pabor sa impeachment ang hindi bababa sa 16 na senador.
“Ang impeachment na ito ay bunga ng matinding panawagan ng mamamayan para papanagutin si Vice President Sara Duterte sa pang-aabuso sa pondo ng bayan at malawakang katiwalian,” ani Gabriela Women’s Party first nominee at isa sa mga nagsampa ng reklamo sa Kamara na si Sarah Elago.
Sa articles of impeachment na opisyal nang tinanggap ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. mula kay House Secretary General Reginald Velasco, sinasabing nakabase ang reklamo sa “paglabag sa Saligang Batas, pagkakanulo sa tiwala ng bayan, reklamong graft, korupsiyon at iba pang mabibigat na krimen.”
Nakatutok ngayon ang atensiyon sa Senado na nag-anunsiyo ng adjournment o pagtigil ng regular na sesyon hanggang sa Hun. 2.
Nananawagan ang iba’t ibang progresibong grupo sa Senado na agarang magsagawa ng impeachment trial at hatulan si Duterte para panagutin sa kanyang mga krimen sa taumbayan.