close
Main Story

3 taon ni Marcos Jr., pasakit sa Pinoy


Walang bago sa “Bagong Pilipinas.” Sa tatlong taon ni Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang, patuloy lang na lumulubha ang krisis na dinaranas ng mamamayang Pinoy sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Nangalahati na ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa nalalapit na State of the Nation Address sa Hul. 28, tiyak na ipagyayabang niya ang mga nagawa sa nakalipas na tatlong taon.

Ngunit sa kabila ng mga sinasabing tagumpay ng kanyang rehimen, nananatiling hikahos ang mamamayan. Tulad ng mga nagdaang administrasyon, bingi pa rin ang gobyerno sa hinaing ng taumbayan habang inuuna ang interes ng mga lokal at dayuhang malalaking negosyo.

Kapos ang sahod at kita ng mamamayang araw-araw na kumakayod para may maipambuhay sa pamilya, kulang ang suporta sa lokal na agrikultura at wala pa ring sariling lupa ang mga magbubukid sa kanayunan, mataas pa rin ang presyo ng langis at pangunahing bilihin at serbisyo, at patuloy ang mabangis na pagtapak sa mga karapatan ng mamamayang nangangahas lumaban sa inhustisya.

Nakita rin natin ang walang patumanggang nagpapakatuta ang anak ng diktador sa United States (US) sa pamamagitan ng mas malawak presensiya ng mga baseng Amerikano sa ating bansa sa tabing ng pagtatanggol umano mula sa banta ng China sa West Philippine Sea.

Hindi maikakaila na walang bago sa ipinagmamalaking “Bagong Pilipinas” na islogan ng rehimen. Wala naman talagang bago, bagkus ay lumala pa ang kalagayan ng mga Pinoy sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Nang mahalal si Marcos Jr., ipinangako niya ang isang masaganang ekonomiya, maraming trabaho at ginhawa para sa bawat Pilipino. Ngayong tatlong taon na siyang nanunungkulan at nasa kalagitnaan ng kanyang termino, tanong ng taumbayan: Nasaan ang ipinangakong ginhawa? Para sa mga manggagawa, malinaw ang sagot—wala.

Isa si Jerusalen Viaje, 20, sa mga kabataang nagsimulang magtrabaho sa unang taon ng panunungkulan ni Marcos Jr. Nang makatapos ng senior high school noong 2023, agad siyang pumasok sa isang kilalang BPO company.

Aniya, kahit papaano’y may pagkukunan para sa pamilya: nakakatulong siya sa gastusin sa bahay at hindi na umaasa sa baon mula sa mga magulang. Nakaipon pa siya para sa kagamitan pang-aral sa Polytechnic University of the Philippines.

Sa kabila ng mga ito, dama pa rin ni Jerusalen ang bigat ng mataas na presyo ng bilihin.

“Doon ko naintindihan na kapag namimili ng grocery, ganito pala siya kamahal. Kailangan ko nang magcalculator, para mabayaran yung mga kailangan,” ani Jerusalen.

Gaya niya, milyon-milyong manggagawa ang nagsusumikap araw-araw at pilit ipinagkakasya ang kakarampot na sahod.

Sa loob ng tatlong taon, itinambol ng mga obrero ang panawagang nakabubuhay na sahod sa pambansang antas. Pero taon-taon, panay barya-baryang taas-sahod ang naaprubahan. May P40 noong 2023, P35 noong 2024 at P50 ngayong 2025—at iyon ay para lang sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Patuloy na giit ng mga manggagawa ang nakabubuhay na sahod sa mga pagkilos ng mga obrero nitong Mayo 1, 2025. Macky Macaspac/Pinoy Weekly

“Isa itong token para pabanguhin ang imahen ni Marcos [Jr.],” ayon sa pahayag ng independent think tank na Ibon Foundation na naniniwalang kapos pa rin ang sahod ng karaniwang Pilipino.

Sa kasalukuyang minimum wage na P695 sa NCR, ang tunay na halaga nito ay tinatayang nasa P560.72 lang dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Kulang ito ng mahigit P522 para maabot ang kailangang P1,217 na family living wage para sa pamilyang may limang miyembro ayon sa pag-aaral ng Ibon.

Asiwa din ang kasalukuyang administrasyon sa pagsasabatas ng pambansang dagdag-sahod. Isinantabi ni Marcos Jr. ang panukalang P200 across-the-board minimum wage increase at umayon sa posisyon ng kanyang economic team na pinangungunahan ni Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go, nagsilbing chief executive officer ng Robinsons Land Corporation, ang developer ng Robinsons Malls bago maging parte ng administrasyon ni Marcos Jr.

Ipinagkait ng gobyerno sa mga manggagawa ang dapat sana’y kauna-unahang pambansang dagdag-sahod sa loob ng 36 na taon. Katulad ng iba, pinapahirapan ng administrasyon ang manggagawa sa rehiyonal na sistema ng sahod.

Ipinagmamalaki rin ni Marcos Jr. ang pagdami umano ng trabaho at pagbaba ng implasyon, ngunit sa danas ng mga manggagawa, wala pa ring makabuluhang pagbabago.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba man ang unemployment rate sa 4% noong Abril 2024 mula sa 6% noong 2022, nananatiling mataas ang underemployment sa 11.9%, indikasyon na maraming Pilipino ang may trabaho nga ngunit kulang ang kita o hindi akma ang trabaho sa kanilang kakayahan.

Nagpapatuloy rin ang kontraktuwalisasyon. Sa pribadong sektor, tinatayang tatlo sa bawat 10 manggagawa ay hindi regular ayon sa datos ng Department of Labor and Employment.

Sa kabila ng mga pangako, walang naging kongkretong hakbang upang maisulong ang Anti-Endo Bill, kaya milyong obrero pa ring ang walang seguridad sa trabaho, benepisyo o karapatang mag-unyon.

Hindi rin natitigil ang red-tagging at karahasan laban sa mga unyon at organisador. Ilan sa mga naitalang insidente ng Center for Trade Union and Human Rights ang pagdukot kay William Lariosa noong 2024, ang patuloy na pagkawala nina Loi Magbanua at Elgene Mungcal, ang pagkakakulong ng 23 tanggol-obrero, at ang pagpaslang kay Jude Thaddeus Fernandez noong 2023.

Sa halip na protektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa, naging kabahagi pa ng panunupil ang estado, katuwang ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), na kilala sa walang habas na red-tagging laban sa mga unyonista at labor organizers.

Kahit pa nagkaroon ng High-Level Tripartite Mission ang International Labour Organization noong maagang bahagi ng 2023 na nagsabing kailangang imbestigahan ng gobyerno ang mga paglabag sa mga karapatan ng mga manggagawa, wala pa ring signipikanteng hakbang ang gobyerno sa mga rekomendasyon ng misyon.

Sa pagtatapos ng kanyang ikatlong taon, pinatunayan ni Marcos Jr. na siya’y kontra-manggagawa. Ang pangako’y nananatiling hungkag—hindi para sa masa, hindi para sa obrerong Pilipino, kundi para sa pagtitiyak ng supertubo at interes ng mga malalaking lokal at dayuhang kapitalista.

Hindi man naging pasimuno si Marcos Jr. sa Rice Liberalization Law (RLL), lalo naman niyang pinagtibay ang matagal nang pagkakadena ng bansa sa importasyon. Sa kalahati ng kanyang termino, naghihintay pa rin ang lahat sa pangakong P20 kada kilo ng bigas. Masakit na palaisipan pa’y kung bakit habang tumatagal, tumataas pa nga ang presyo ng pagkain.

Sa average na presyo sa pamilihan, nasa P41 kada kilo ang bigas ngayon—mas mataas pa ng P2 kumpara noong naupo si Marcos Jr.

Mauugat ang maraming usapin, mula presyo ng pagkain at kalakalan, sa kalagayan ng magsasakang Pilipino. Mula mismo sa dalawang Labor Force Survey ng PSA noong Nobyembre 2023 at Nobyembre 2024, nabawasan ng 2 milyon ang mga manggagawa sa agrikultura at 276,000 naman ang umalis sa pangingisda.

Matagal nang panawagan ng mga magbubukid ang pagsuporta sa lokal na produksiyon, lalo na tuwing sakuna o tagtuyot. Pero nananatiling sa importasyon ang diin ng gobyerno. Aminado mismo ang Department of Agriculture na halos 98% ng abono sa bansa ay inaangkat pa. Dagdag pa, nananatiling numero unong importer ng bigas ang Pilipinas sa kabila ng napakalawak na lupang taniman sa buong kapuluan.

Protesta noong Hun. 30 sa Maynila sa ikatlong taon ni Ferdinand Marcos Jr. sa poder. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Kung mas mahal ang pagkain, ‘di nakapagtatakang kagutuman ang dulot nito kapwa sa magbubukid at sa lahat ng maralitang Pilipino. Sa huling ulat ng United Nations (UN) Food and Agriculture Organization, pangatlo sa pinakamataas ang Pilipinas sa severe at moderate food insecurity o kakulangan sa pagkain sa buong Timog Silangang Asya. Lamang lang ang Timor-Leste at Cambodia. Nasa 51 milyong Pilipino ang arawang nakakaranas ng matinding gutom.

Binabarat ng gobyerno ang magsasakang Pilipino, sabi ng Amihan National Federation of Peasant Woman, samahan ng mga kababaihang magbubukid. May P14 bilyong pondo ang gobyerno, P9 bilyon mula sa National Food Authority (NFA) at P5 bilyon mula sa Office of the President, para bilhin ang palay direkta mula sa mga magsasaka. Lalabas na nasa P23 kada kilo at makukuha ang 608,695 metric tons ng palay o 3% ng buong lokal na produksiyon ang mabibiling palay

“Napakalayo nito sa panawagan nating bilhin ng NFA ang [20% hanggang 25%] ng lokal na produksyon para mapababa ang presyo ng bigas sa mga palengke at matulungan ang mga magsasakang kumuta nang sapat sa kanilang aning palay,” ani Cathy Estavillo, secretary general ng Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas.

Panawagan ng grupo, direktang bilhin ng NFA sa magbubukid ang kanilang inaani para matiyak ang direktang suporta sa kanilang kabuhayan at mabawasan ang napapataw na presyo sa pamilihan.

Ulit-ulitin man ni Marcos Jr. ang mga pangako para sa murang presyo at pagkain, hindi naman naloloko ang sikmura. 

Sa umpisa ng rehimeng Marcos Jr., tinangka nitong ipinta ang larawan na mas bubuti ang kalagayan ng mga karapatang pantao. Ngunit sa kabila ng mga sinasabi ng Malacañang hinggil dito, nananatili at nagpapatuloy ang mga mababagsik na patakarang iniwan ng mga nagdaang rehimen laban sa mamamayan.

Sa tala ng human rights watchdog na Karapatan mula Hulyo 2022 hanggang Marso 2025, may 124 kaso ng extrajudicial killing, 261 na illegal or arbitrary arrest, 15 kaso ng enforced disappearance, higit 66,000 indiscriminate firing, higit 51,000 indiscriminate bombing, at mahigit 5 milyong insidente ng threat, harassment at intimidation.

Sa loob ng tatlong taon—kasabwat ang pulisya, militar at iba pang ahensiya ng pamahalaan—walang tigil ang rehimeng Marcos Jr. sa pag-abuso at pagyurak sa mga pundamental na karapatang pantao sa kampanya nito para gupuin ang paglaban ng taumbayan sa mga makadayuhan at kontra-mamamayang patakaran.

Habang sinasabi ng administrasyon na pananagutin ang mga abusado, tuloy-tuloy ang mga pagpaslang, ilegal na pag-aresto, sapilitang pagkawala, walang habas na pamamaril at pambobomba, at pagbabanta, panliligalig at pananakot.

Ipinagmamalaki pa ng rehimen na naaresto at naipadala si Rodrigo Duterte sa International Criminal Court sa The Netherlands para harapin ang kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera kontra droga.

Si Llore Pasco, ina ni Crisanto at Juan Carlos Lozano na pinaslang ng estado, sa isang pagkilos sa pagkakaaresto kay Rodrigo Duterte. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Ngunit kung hindi dahil sa paggigiit ng mga pamilya ng mga biktima at pagkilos ng mamamayan para sa katarungan, hindi makakasuhan, maaaresto at mapipiit si Duterte.

Dagdag pa rito ang dumarami pa ring kaso ng pagpatay sa mga operasyong kontra droga ng unipormado o ‘di tukoy na mga armadong grupo, ayon sa datos ng Dahas Project ng University of the Philippines Third World Studies Center. Kung pagbabasehan lang ang administrasyong Marcos Jr., may 10% pagtaas sa dami ng pinatay noong 2024.

Samakatuwid, hindi buo ang paninindigan at pabalat-bunga lang ng rehimen na itigil ang mga paglabag sa mga karapatan at imbestigahan at panagutin ang mga may sala.

Sa mga komunidad sa kanayunan, namamayani ang takot at pangamba dahil sa umiigting na operasyong militar tulad sa mga isla ng Negros, Mindoro at Masbate kung saan walang kaabog-abog ang mga pamamaslang at pag-akusa ng militar sa mga residente na pinaghihinalaang miyembro at tagasuporta ng New People’s Army.

Walang patid din ang pagtugis at panggigipit ng rehimen sa mga aktibista, mamamahayag, taong simbahan at manggagawang pangkaunlaran sa pamamagitan ng red-tagging sa pangunguna ng NTF-Elcac at pagsasampa ng mga imbentong paglabag sa Anti-Terrorism Act at Terrorism Financing Suppression and Prevention Act.

Sa kasalukuyan, may 227 indibidwal ang kinasuhan sa ilalim ng dalawang batas. Nasa 30 dito ang nakapiit, kabilang ang mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio, mga manggagawang pangkaunlaran na sina Marielle Domequil at Emilio Gabales, taong simbahan na si Aldeem Yañez, at tanggol-kalikasan na si Miguela Peniero. Tatlo naman sa mga kinasuhan, sina Elgene Mungcal, Norman Ortiz at Lee Sudario, ang sapilitang iwinala.

Protesta noong Hun. 30 sa Maynila sa ikatlong taon ni Ferdinand Marcos Jr. sa poder. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Ginigipit din ng gobyerno ang mga non-government organization (NGO) gamit ang bagsik ng magkakambal na batas. Sa ngayon, naka-freeze ang mga bank account ng iba’t ibang NGO na naglilingkod sa mahihirap tulad ng Paghida-et Development Group sa Negros, Community Empowerment and Resource Network sa Cebu, Leyte Center for Development at Rural Missionaries of the Philippines.

Sa pamamagitan ng Anti-Money Laundering Council, pinipilay ng pamahalaan ang gawain ng mga NGO para maghatid ng mga batayang serbisyo at tulungan ang mga komunidad na hindi naaabot ng gobyerno.

Sa mga nagdaang taon din, nagkaroon ng opisyal na pagbisita ang dalawang eksperto sa karapatang pantao ng UN, si dating Special Rapporteur on human rights in the context of climate change Ian Fry at si Special Rapporteur on freedom of opinion and expression Irene Khan para imbestigahan ang kalagayan sa Pilipinas.

Sa kani-kanilang ulat sa UN Human Rights Council, pareho nilang nirekomenda sa gobyerno ng Pilipinas na panagutin ang mga may sala sa mga paglabag, buwagin ang NTF-Elcac at ibasura ang Anti-Terrorism Act.

Pilit pang nagpapalusot ang gobyerno sa mga ulat ng mga eksperto ng UN. Pinipilit nitong ipakita sa daigdig na may kalayaan at natatamasa ng mamamayan ang kanilang mga karapatan kahit paulit-ulit nang pinatutunayan ng mga tanggol-karapatan na matindi ang mga pag-abuso.

Magkasamang nagpatrolya sa West Philippine Sea (WPS) ang kabibili lang na FA-50 light combat aircraft ng Philippine Air Force (PAF) at F-35 stealth fighter jet ng US Pacific Air Forces (Pacaf) noong Hul. 7, simula ng pinakamalaking Cope Thunder war games ng US at Pilipinas ngayong taon.

Ikalawang Cope Thunder na ito ngayong 2025. Unang ginanap ang naturang war games noong 1976. Nahinto ito nang mapalayas ang mga base ng US sa Clark at Subic noong 1991, at ibinalik nitong 2023 bilang bahagi ng pinalapot na ugnayan ng US at Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Protesta laban sa US-RP Balikatan Exercises sa US Embassy sa Maynila noong Abril 9. Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly

Kinondena ni Propesor Roland Simbulan, tagapangulo ng Center for People Empowerment in Governance (Cenpeg) at eksperto sa ugnayang US-Pilipinas, ang ginawang joint patrol ng PAF at Pacaf.

Pagtataksil aniya sa soberanya ng Pilipinas ang papalaking presensyang militar ng US sa bansa. Lalo din nitong itinatali ang Pilipinas sa “agresibong adyendang militar” ng US.

“Nababansot tayo sa pagiging tau-tauhan sa tagisan sa kapangyarihan ng US at China, gayong ang totoong kailangan natin ay isang independiyente, mapayapang patakarang panlabas na nagtatanggol sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino,” ani Simbulan.

Sa nakalipas na tatlong taon ni Marcos Jr., ipinihit niya ang patakarang panlabas ng Pilipinas pabor sa US. Pinalawig niya ang Enhanced Defense Cooperation Agreements (EDCA) at nagbigay ng apat na dagdag na pasilidad para ang tropang militar ng US.

Pinangunahan din ng Pilipinas malalakihang Balikatan Exercises at iba pang pagsasanay militar, at pinahintulutan ang pagpasok ng paparaming tropa at armas nito sa teritoryo ng bansa.

Katuwiran ng administrasyon, sinusunod lang ni Marcos Jr. ang nakasaad sa US-Philippines Mutual Defense Treaty. Makakatulong din umano ang US sa pagdepensa ng teritoryo ng Pilipinas laban sa “pambu-bully” ng China.

Pero “hostage” na ng US ang soberanya ng Pilipinas, ani Simbulan. Dahil wala aniyang kakayahan sa panlabas na depensa, ipinaubaya ni Marcos Jr. ang pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas sa kamay ng US na may sarili namang pakay sa Asya-Pasipiko.

Pakay ng Indo-Pacific Strategy ng US na palibutan ng lakas-militar ang China para sawatahin ang lumalawak na pang-ekonomiya at pampolitikang impluwensiya nito. Mahigit 50 base militar ng US sa Asya-Pasipiko ang nakatutok sa China.

“Naging bahagi na tayo ng pandaigdigang makinarya sa giyera ng US,” ani Simbulan.

Nakaposisyon na sa Pilipinas ang dalawang Typhon missile launcher at ang Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS) ng US. Itinutulak pa ngayon ng US Congress ang pagtatayo ng pabrika ng bala sa Subic para sa mabilis na pagsuplay sa tropa nito sa rehiyon. Inanunsiyo na rin ng US ang pagtatayo ng pagawaan ng mga barko at underwater drone sa Oyster Bay Naval Base sa Palawan.

“Hindi ito mga hakbang ng pagdepensa. Hakbang ito ng mapanganib na pagpapanatili ng dayuhang kapangyarihang  militar sa ating kalupaan,” ani Simbulan.

Nagpapalakas ng presensyang militar ang China sa South China Sea para kontrahin ang pagkordon ng US. Ginamit din nitong dahilan ang pagiging “tau-tauhan” ni Marcos Jr. ng US para sa pinatinding agresyon sa WPS.

Naging agresibo ang China sa pag-angkin at pagtatayo ng mga pasilidad sa mga isla at bahura sa teritoryal na katubigan at exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, na itinakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos) at naipanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration noong 2016.

Mula Enero 2023, naitala ang pinakamaraming insidente ng panghaharang, pagbangga at pambobomba ng tubig ng mga barko ng China laban sa mga barko ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa katubigan ng WPS.

Lampas 200 diplomatikong protesta na ang isinampa ng Pilipinas laban sa China sa ilalim ni Marcos Jr.

Sa kanyang mensahe sa ika-127 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas noong Hun. 12, ibinida ni Marcos Jr. na nagbunga ng pag-ulad ang kanyang “indipendiyenteng patakarang panlabas” na “friend to all, enemy to none.”

Pero tinatayang 80% na nawalang kita ng mga manggisdang Pinoy dahil sa tumitinding militarisasyon sa WPS. Sa katubigang saklaw ng EEZ ng Pilipinas nanggagaling ang 10.8% ng pagkaing isda ng bansa. Mahigit 20-30% nito ay mula sa Scarborough o Panatag Shoal, na inangkin na ng China mula pa 2012.

“Slingshot diplomacy” o diplomasyang gumagamit ng tirador sa mas malakas na kalaban, ang tawag ni Simbulan sa mga hakbang ni Marcos Jr. kontra-China sa WPS.

“Para tayong may tirador para ma-provoke o gumanti sa ginagawang harassment ng China. Pero nagagawa natin ‘yon, kaya malakas ang loob natin, kasi andyan si Uncle Sam,” aniya.

Ayon sa Ibon Foundation, higit $741.2 milyon ang nakuhang ayuda ng Pilipinas mula sa US noong 2024, pinakamalaki sa buong Timog Silangang Asya. Nakalaan sa kagamitang pandigma ang 73% o $542.4 milyon nito. Kalakhan nito ay galing sa $500 milyong dagdag-pondo ng US para sa Indo-Pacific Supplemental Appropriations Act.

Nagbabala naman si Simbulan sa panganib na dala ng presensya ng US sa Pilipinas. Aniya, nagiging magnet ng atake ng mga bansang kaaway ng US ang mga pasilidad at armas nito sa Pilipinas.

Sumugod sa US Embassy sa Maynila ang mga organisasyong kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan noong Hun. 12 para kondenahin ang pagpapakatuta ni Marcos Jr. sa US. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

“Sa pagpayag na magtayo sila ng base militar sa pamamagitan ng EDCA, naging bahagi na tayo ng mapanghimasok na imprastraktura ng US war machine. Marami sa kalaban ng US, kayang gumanti,” ani Simbulan.

Dagdag niya, bilang bahagi ng makinarya sa digma ng US, damay din ang Pilipinas bilang kasabwat sa mga giyerang interbensiyon at “habambuhay na giyera” nito sa iba’t ibang bansa, gaya ng Iran, Palestine, Lebanon at iba pa.

Binomba ng Iran ang base militar ng US sa Qatar bilang ganti sa mga airstrike at deklarasyon ng giyera ni US President Donald Trump laban sa Iran nitong Hunyo.

Noong 2024, naiulat ang balak ng Russia na magposisyon ng mga missile sa Asya bilang tugon sa Typhon ng US sa Pilipinas.

Kinondena naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang panganib at takot na dulot sa mga magsasaka ng live-fire exercise ng mga HIMARS (High Mobility Artillery Rocket System) at Apache helicopter sa isinagawang Salaknib Exercises sa Nueva Ecija nitong Hunyo.

Nakakabawas naman sa tiwala at respeto sa Pilipinas ng mga kaugnayang bansa ang pagdepende ni Marcos Jr. sa US.

“Alam ng ibang bansa na ikaw nakaasa ka sa iyong ‘kuya’ na US, papaano ka nila irerespeto? Pagtingin nila, lahat ng galaw mo kuya mo ang nag-uutos. Paano ka magkakaroon ng mapagkaibigang ugnayan sa mga kapitbahay na nangangamba sa presensya ng kanilang kaaway?” ani Simbulan.

Pampolitikang “insurance” o kaseguruhan din ang nasa likod ng pagpapagamit ni Marcos Jr. sa US. Alam niyang dapat dumikit siya US para mapanatili ang suporta ng Armed Forces of the Philippines.

“‘Di niya makalimutan nangyari sa tatay niya, nawala yung basbas ng US. Walang permanenteng kaibigan ang US, mayroon lang itong permanenteng interes. Kung natapos na niya ang pakinabang niya, ilalaglag na siya,” sabi ni Simbulan.