Katatagan sa gitna ng takot
Apat na taon akong boluntaryong guro sa mga paaralang Lumad. At sa loob ng panahong ‘yon, paulit-ulit kong tinanong sa sarili, “Bakit sa mainstream na paaralan, hindi natin pinag-uusapan ang tunay na kalagayan natin?”

“Titser Ken, puwede mo bang lakasan ang boses mo para hindi na namin marinig ang mga bomba?”
Hindi ko makakalimutan ang pangyayaring ‘yon. Ito ang pakiusap noon ng aking mga mag-aaral na Lumad-Manobo habang nag-aani kami sa sakahan ng paaralang Lumad. Isa itong tanong na sumibol sa gitna ng pag-aani, sa mga oras ng pangamba, sa hindi mabubuwal na pakikibaka.
Sa ilang taong pagiging boluntaryong guro sa mga Lumad, sa pagkakataong iyon ulit ako napatigil, napalingon. Ito ang mga panahong mas matinis pa sa ingay ng bomba ang sigaw ng mga batang nais matuto. Wala kasing humpay ang pambobomba ng militar sa lupang ninuno sa Andap Valley sa Surigao del Sur.
Sa totoo lang, gusto kong lakasan ang boses ko sa mga oras na ‘yon. Gusto ko sanang masapawan ang ingay ng pambobomba sa lugar. Pero hindi ko kaya. Mas malakas kasi ang putok ng kanyon kaysa sa kahit anong tinig ng guro.

Hindi insomnia ang dahilan ng hindi namin pagtulog, kundi drones ng militar. Hindi rin kami ginigising ng alarm clock sa panahong titilaok ang mga manok, kundi ng fighter jets, napakalakas at halos yanigin ang buo naming katawan. Ang yakap namin sa isa’t isa ang nagsilbing “kadigonan,” —ang katatagan habang iniinda ang takot.
Sa mga panahong ito, mas madalas pa ang serye ng pagbakwit, pagtatago at pagmamatyag para iwasan ang umuulan na bomba, kaysa sa makatapos ako ng isinusulat kong aralin sa pisara.
Kung aangkinin at isasalibro lang ang ating naratibo, gusto kong isulat na ang atakeng nararanasan namin ay para papasukin ng gobyerno ang dayuhang coal mining companies. Ang bomba ay para hubaran ang kagubatan at bihisan ng mapaminsalang monocrop palm oil plantations.
Ito kasi ang katotohanang hindi kayang madurog ng bomba. Kalagayang katulad ng nararanasan ng kabataang Palestino, kung saan, ang kapalit ng buhay ay negosyo para sa iilan.
Pero sa gitna ng karahasan, nanatili kaming matatag. Matagumpay na ipinagtatanggol ng mga Lumad ang kanilang lupang ninuno sa isang mapangahas na pagkilos na kahit drone ay kayang sipatin ang mga makasaysayang pagdepensa, buhay man nila ang nakataya.
Dito ko unang nakita na ang pag-aaral ay hindi simpleng libro, lapis at papel, kundi militanteng pakikibaka. Sa mga paaralang Lumad, hindi lang basta inaaral ang kalagayan ng lipunan—hinihimay ito, kinukuwestiyon, sinusuri at higit sa lahat, binabago.

Sa paglipas ng mga araw, winasak ang mga sakahan, ngunit hindi ang alaala ng katatagan sa gitna ng kawalan. Marahil, sa papel ko na lang isusulat at sa dedikasyong ito ang aking kasaysayan bilang guro ng bayan na nakasaksi na posible palang magkaroon ng alternatibong edukasyon.
Isang edukasyong hindi hiwalay sa buhay. Isang edukasyong buhay at kolektibo—naglilinang ng lupa, nagsusulong ng katarungan at humihiraya ng tunay na paglaya.
Apat na taon akong boluntaryong guro sa mga paaralang Lumad. Apat na taon akong nagturo, natuto at namulat. At sa loob ng panahong ‘yon, paulit-ulit kong tinanong sa sarili, “Bakit sa mainstream na paaralan, hindi natin pinag-uusapan ang tunay na kalagayan natin?”
Bakit parang may hiwalay na mundo sa pagitan ng eskuwela at ng reyalidad? Ikaw, ano ba dapat ang edukasyon para sa ’yo?
Mula Diliman, hanggang kanayunan, hindi ako nag-Ikot o Toki jeep lang. Binagtas ko ang katotohanan at nalagpasan ang nakasanayan kong imahen ng isang guro.
Ang guro doon, hindi lang nagtuturo. Siya rin ay magsasaka, community development worker, paralegal, mananaliksik, health worker, tagaluto, documentor, cultural worker, negotiator, alliance worker at marami pang iba.
At higit sa lahat—siya ay mag-aaral ng masa.
Natuto akong makipamuhay at makibaka. Natutong maglakad kasama ang mga bakwit. Natutong tumindig laban sa coal mining at palm oil plantations. Natutong makipag-aralan sa mga lumalaban.

Hindi teleserye ang totoong buhay. Dahil dito, ako at marami pa sa amin, ay ipinakulong ng berdugong si Rodrigo Duterte, dahil tumutol kami sa Martial Law sa Mindanao.
Binansagan kaming “terorista,” isinama sa mga wanted poster at tarpaulin. Ilang beses akong hinold sa mga checkpoint, tinutukan ng baril, tinakot, pinagbantaan na itigil na ang pagtuturo.
Pero hindi takot ang nanaig—kundi determinasyon. Kadasig.
Hindi kami ang tunay na nagdadala ng “terror” sa mamamayan. Ang terror ay nasa kamay ng estadong natatakot sa sama-samang lakas ng bayan. Tugma ba? Pinalayang taludturan iyan mula sa mga hinabing kuwento sa amin ng estado para pasinungalingan ang kawalang katarungan na nangyayari sa mga kabundukan.
Noong sapilitang ipinasara ni Duterte ang mahigit 200 paaralang Lumad at patuloy ang banta sa buhay namin, pinili kong pansamantalang lumayo at muling magbalik sa unibersidad. Para huminga. Para maghilom. Sa lugar kung saan una akong namukadkad. Bumalik para muling magpanday ng kaalaman. Para sa muling pagbabalik sa mga komunidad, higit na ang tatag.
Sa paglalakbay at muling pagbabalik sa University of the Philippines (UP), bitbit ko ang mga aral, alaala at pag-asang balang araw, muli tayong makapagtatayo ng isang mapagpalayang edukasyon.
At sa UP ako sasablay, hindi sa paninindigan. Sablay na inaalay ko sa mga kapwa ko guro ng bayan na sina Chad Booc, Jurain Ngujo III, Darwin Tejero, Kevin Castro, Emerito Samarca at lahat ng gurong buong buhay na inialay ang sarili sa paglilingkod sa mga Lumad at sa sambayanang Pilipino.
Sa paglipat natin sa sablay, umaasa ako na ililipat din natin ang ating talino at husay sa mga komunidad para paglingkuran ang sambayanan—na tunay na dangal ng pagiging iskolar ng bayan.