close
Editoryal

Atake sa mga sumaklolo


Hindi naman talaga nagkakalayo ang mga administrasyong Marcos Jr. at Duterte, kahit pa paulit-ulit magparinigan at mag-umpugan ang dalawang pamilya. Parehong naninindigan ang dalawa na gumagana ang mga sistema ng hustisya sa bansa, kahit pa nagagamit ang batas bilang bala sa mga makatwirang kritisismo.

Kung tunay na nasa panig ng katotohanan ang hustisya, madaling makita kung sino ang mga salarin sa pinagdusahan ng mga batang Lumad noong nakaraang dalawang administrasyon. Sa isang bansa kung saan nagsusumikap makapag-aral ang milyong mga bata sa kabila ng kahirapan at kabiguan ng gobyerno, nasusuklian pa ng kalupitan ang mga nangangahas umagapay sa kabataang Pilipino.

Hulyo 2017 nang gamitin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang State of the Nation Address para pagbantaang bobombahin ang mga paaralang Lumad, dahil sa walang pruweba niyang paratang na tinuturuan doon magrebelde ang kabataan. 

Higit isang taon makalipas, sa tugatog ng pandarahas ng paramilitar na Alamara, lumikas ang 11 guro at 16 na mag-aaral na Lumad sa kanilang paaralan sa Talaingod, Davao del Norte. Anila, kinailangan nilang lumikas dahil sa walang awat na pambobomba, militarisasyon, at kawalan ng makataong tugon mula sa gobyerno.

Dahil sa banta ng Alamara na susunugin ang paaralan, naging rescue mission ang dapat na solidarity mission kung saan magdadala ng relief goods at mag-iimbestiga sa sitwasyon sina ACT Teachers Rep. France Castro, dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at iba pa.

Anim na taon makalipas, hinatulang may sala ng Tagum Regional Trial Court (RTC) sina Castro, Ocampo at 11 pang iba sa paglabag umano sa batas na pumoprotekta sa kabataan laban sa abuso. Bahagi sila ng binansagang Talaingod 18, na umaani ngayon ng suporta mula sa iba’t ibang organisasyon na naninindigan para sa karapatang pantao.

Tulad ng maraming gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista at kritiko, malaking hamon para sa mga akusado ang pagpapatunay sa panig nila. Umapela na sila sa Tagum RTC Branch 2 para ipasa ang kaso sa Court of Appeals. Ayon kay Castro, hindi katanggap-tanggap ang naunang desisyon lalo na’t nagpapatuloy ang atake sa mga komunidad ng Lumad.

Lalo ring tumitindi ang pangangailangan na tumindig sa kabila ng kaliwa’t kanang atake at pagpapatahimik, dahil malawak ang saklaw ng kasong ito. Malinaw kina Castro at Ocampo na magkakaroon ng epekto ang kasong ito sa mga Lumad, mga gurong boluntir sa kanilang komunidad at pati na rin sa kalayaan ng iba pang mga indibidwal at organisasyon.

Kilala si Castro bilang isa sa iilang boses sa Kongreso na hindi takot sa kapangyarihan ng mayorya at ng ehekutibo. Nang magpaulan ng paratang at banta si Duterte, sinagot ito ni Castro gamit ang pagsampa ng kaso na agad namang pinawalang-saysay ng korte. At halos isang buwan matapos ianunsiyo ni Castro ang pagtakbo sa Senado sa 2025, sumambulat itong hatol ng Tagum RTC.

Kung ganitong paulit-ulit na binibigo ng mga korte ang tunay na mga inaapi, ano na lang ang aasahan ng sambayanang Pilipino?

Patunay lang ito na hindi naman talaga nagkakalayo ang mga administrasyong Marcos Jr. at Duterte, kahit pa paulit-ulit magparinigan at mag-umpugan ang dalawang pamilya. Parehong naninindigan ang dalawa na gumagana ang mga sistema ng hustisya sa bansa, kahit pa nagagamit ang batas bilang bala sa mga makatwirang kritisismo.

At taliwas sa panawagan mula sa lokal at pati mga eksperto mula United Nations, ayaw pa ring buwagin ni Marcos Jr. ang iniluwal na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) ni Duterte, na naging pundasyon ng mga tulad ni Lorraine Badoy na hinatulang may sala sa red-tagging.

Hangga’t nandito pa ang NTF-Elcac at hindi pa napapawalang-bisa ang mga polisiyang iniluwal nito, lalong naibubulsa ng iilan ang hustisya para sa bayan. Tunay ngang baon pa rin ng kasalukuyang administrasyon ang mapangdahas na pundasyon ng nagdaan. Tulad ng inaasahan, walang pagkatuto para sa gobyernong ito.

Ngayong nagsimula na ulit ang klase, palatandaan itong kaso na nananatiling pribilehiyo ang karapatan sa pag-aaral at karapatan sa sariling pagpapasya. Anong mabuting asal ang maituturo sa kabataan gayong nakikita nila sa labas ng paaralan na malaya ang mga mamatay-tao at nasa palad ng iilan ang bisa ng batas?