Gamay ko na ang enlistment
Agawan at pasuwertehan kung maibibigay ang kursong kailangan mong kunin para sa semestre. Hindi ko akalaing una pa lang ito sa marami pang suliraning darating.

“Kung iisipin mo, ‘di naman dati ganito. Kay bilis kasi ng buhay, pati tayo natangay.”
Oh, napakanta ka ba? Isa ang “Burnout” sa mga paborito kong kanta, at parehas sa pelikulang soundtrack ito, ang “I’m Drunk I Love You”. Nakaka-amats siya, lalo pa’t UP student ang main character. Bukod sa pangunahing tema ng pag-ibig, ipinapakita ang isyu ng pagiging delayed sa Peyups. Normal na dahil sa kakulangan ng slots, ngunit hindi dapat.
Isa ito sa mga reyalidad na sumampal sa’kin pagtungtong sa unibersidad. Bumungad ang komplikadong proseso ng pag-eenrol sa CRS o Computerized Registration System. Agawan at pasuwertehan kung maibibigay ang kursong kailangan mong kunin para sa semestre. Hindi ko akalaing una pa lang ito sa marami pang suliraning darating.
Lumaki akong malusog na bata at hindi masyado nagkakasakit. Anyare ngayong kolehiyo? Hindi ko gets kung bakit halos buwan-buwan na lang akong dinadapuan ng lagnat, sipon at mahapding lalamunan. Sumasakit din tiyan ko dahil sa constipation, diarrhea at gastroenteritis o acid reflux. Sa mga konsultasyon, sinasabing puwedeng dahil sa stress, hindi pagkain nang maayos at kawalan ng sapat na tulog. Ngunit hindi ito maiiwasan lalo na tuwing midterms at finals na sabay-sabay ang mga deadline at pagsusulit.
Gayunpaman, umiikot ang mundo ko, hindi lang sa mga pinagdaanan, kung hindi sa kung paano ito nakayanan. Kung ibubuod ang kuwento ng aking pagiging kolehiyala, pinakamalaking bahagi nito ang mga kaibigang mapalad kong nakilala. Sa tuwing sunod-sunod ang mga nangyayari sa personal kong buhay at hindi na kayang harapin pa ang mundo, nariyan si Merry na umaaalay hanggang umayos na ako.
Lalong higit kong pinanghawakan ang mga magagandang alaala kasama sila nitong mga nagdaang linggo—kasagsagan ng internship. Habang pauwi galing sa coverage ng Pride event sa UP Diliman, na-snatch ang aking selpon na naglalaman ng mga audio recording at ilang mga bidyo para sa aming ipapasa na reels. Stipend ko pa naman mula sa scholarship ang pinambili. Ilang araw ang lumipas, nasira naman ang screen ng aking laptop.
Sa lahat ng ito, lumala rin ang kondisyon ni Mama. Mas kumalat sa kanyang katawan ang rashes na nasa kamay at braso lang noon. Mayroong araw rin na hindi siya nakapasok sa trabaho dahil sa sobrang pagkahilo.
Matindi ang aking naging burnout hindi dahil sa pag-aaral mismo, pero dahil sa sala-salabid na mga isyung hindi lang sa aking pamilya nangyayari kung hindi sa marami pang mga Pilipino.
Sa kabila ng pagiging empleyado ng gobyerno sa higit kumulang dalawang dekada, walang natatamasa ang aking ina na dekalidad na serbisyong medikal. Wala ring ganoon para sa kanyang mga beneficiary.
Karaniwan din sa mga guro ang pagiging baon sa utang dahil sa hindi sapat na sahod kahit pa halos araw-araw ang overtime dahil sa paperwork. Sa aking isip, kung mayroong mas maayos na sistema, hindi ganito kalala ang epekto sa aking pamilya ng mga problema. Kung pag-aaral lang din ang aking iniisip, hindi magiging ganito kalala ang pagod.
Enlistment na naman at pasukan na ulit. Sa tuwing nagdaragdag ng kurso sa CRS, sumasagi sa aking isipan kung ano na namang hatid ng panibagong semestre. Pero hindi kagaya noon, gamay ko na ang pag-eenlist. Sana magamay ko rin ang aking huling taon sa kolehiyo sa kabila ng mga pinagdaraanan. Sana magamay ko ang lahat ng nangyayari kahit gaano pa ito kahirap.
Sana hindi na kailangang gamayin pa ng mga manggagawang Pilipino ang masalimuot na sistema upang mabuhay.
Kung mayroon mang magiging “‘Di na tayo katulad ng dati, kay bilis ng sandali,” sana ang ibig sabihin nito, hindi na katulad ng dati na nabu-burnout, naghihirap at walang pampagamot kapag may sakit.