close
#KuwentongKabataan

Hardin ng alaala


Sa tuwing makakabalik ako, napapansin kong unti-unting nawawala ang kulay ng hardin. Maging ang sigla sa mata ni lola, unti-unting napapalitan ng kalungkutan at pag-aalala.

Mula sa bintana ng lumang bahay ni lola, tanaw ko ang bughaw na kalangitan na tila walang katapusan. Sa hardin, sumasayaw sa hangin ang mga puno ng niyog at makukulay na bulaklak—rosas, bogambilya, corona de espina at lahat ng itinanim ni lola noong mga panahong masigla pa siya at puno ng saya.

Tuwing bakasyon, paraiso naming magkakapatid at magpipinsan ang lugar na iyon: habulan sa bakuran, tagu-taguan, paglalakad hanggang dalampasigan at meryendang halo-halo na may yelo’t gatas mula sa tindahan sa kanto.

Walang masyadong ingay noon sa aming maliit na baryo, maliban sa tawanan ng mga kapwa ko bata at maging ng matining na boses ni lola. Para sa akin, hindi lang tirahan ang bahay ni lola, ito ang sentro ng lahat ng masayang alaala ng aking pagkabata.

Habang tumatanda ako, mas bihira na ang mga pagbisita. Mahirap ang buhay, mahal ang pamasahe. Minsan, tuwing Pasko na lang kami nakakauwi o sa mismong kaarawan ni lola. Minsan pa nga, hindi na rin nakakauwi at pera na lang panghanda ang pinapadala naming regalo.

Sa tuwing makakabalik ako, napapansin kong unti-unting nawawala ang kulay ng hardin. Maging ang sigla sa mata ni lola, unti-unting napapalitan ng kalungkutan at pag-aalala.

Isang araw, dumating ang balita. Hindi ito dumaan sa pormal na pulong, walang konsultasyon, walang pasabi. Isang tawag lang ang nagsabing kailangan nang lisanin ng lahat ang lupain. Ibinenta na raw ang lupa at balak daw gawing pier ang lugar dahil malapit ito sa dagat.

Sa kalaunan, nalaman naming mas malawak pala ang plano ng San Miguel Corporation sa Quezon. Hindi lang pier ang itatayo. May mga pabahay para sa mga kinuhaan ng lupa—mga relocation site na siksikan, dikit-dikit ang bahay, walang espasyo para sa mga halaman ni lola at malayo sa dagat na kinagisnan.

Mayroon ding itatayong feed mill, fuel tank farm at iba pang proyekto sa ilalim ng expansion plans—gagawing bagsakan ng sariwang produkto mula sa buong Quezon. Sa mata ng kompanya, ito raw ay “progreso.” Pero para sa mga taga-Sariaya, isa itong dahan-dahang pagbura sa kanilang komunidad.

Marami ang tumutol. Isa si lola sa mga nanguna sa pagtutol. Hindi siya sanay sa lugar na magkakalapit ang bahay at masikip. Hindi niya matanggap na basta na lang mawawala ang bahay na ilang dekada niyang itinaguyod kaya pinili niyang lumaban.

Umabot ang laban nila sa tatlo o apat na pagdinig sa korte. Sa bawat pagdinig, paliit nang paliit ang halaga ng kapalit na lupa. Para bang hindi mahalaga sa kanila kung gaano katagal namuhay ang mga tao roon.

Sa bawat araw na lumilipas, mas kapansin-pansin ang pagbabago kay lola. Ang dating matikas niyang tindig, bahagyang nakayuko na; ang dating mabilis niyang mga paa, mabagal na; at ang dating matining niyang boses, mahina at halos pabulong na.

Hanggang sa kinailangan siyang isugod sa ospital. Nangayayat siya, namumutla at tila wala ng gana sa buhay. May ilang linggo siyang na-confine. Sa bawat araw sa ospital, mas nauunawaan kong hindi lang sakit sa katawan ang dahilan, kundi bigat ng isip at puso. Hanggang sa dumating ang kinakatakutan. Ang araw na tuluyan siyang nawala sa amin.

Pag-uwi mula sa ospital, tahimik ang bahay. Malungkot at nakakalbo na ang hardin. Ang hangin, tila mas mabigat at mas mainit kaysa dati. Wala na rin si lola para salubungin kami sa pintuan. Ang tanging naiwan ay alaala at isang bahay na patuloy na pinagbabantaan na mabura mula sa mapa.

Ngayon, mas malinaw sa akin na ang pagkawala ng bahay ni lola ay higit pa sa pagkawala ng isang tirahan. Isa itong paalala na sa bansang ito, madalas mas mahalaga sa mga makapangyarihan ang kita kaysa sa alaala at kabuhayan ng mga tao. Hindi lang kalikasan ang sinisira—kasama ring binubura ang kasaysayan, kultura at ugnayan ng mga pamilyang nakaugat doon.

At natutuhan ko rin na kapag tinanggal ang isang tahanan, hindi lang bubong at pader ang nawawala, pati ang isang bahagi ng pagkatao ng mga taong nakatira roon.

Sa mga proyektong para umano sa “kaunlaran,” dapat nating itanong kung kaninong pag-unlad ba ito? Dahil kung ang kapalit nito’y pagkasira ng buhay at alaala ng mga simpleng tao, baka hindi ito ang pagbabago, hindi ito progreso—baka ito ang pagguho.