Tariff o taripa
Isang uri ng buwis na ipinapataw sa mga produkto na inaangkat mula sa ibang bansa na papasok sa isang bansa o mga produktong ilalabas sa isang bansa.

Tariff o taripa – Isang uri ng buwis na ipinapataw sa mga produkto na inaangkat mula sa ibang bansa na papasok sa isang bansa o mga produktong ilalabas sa isang bansa.
Ngayon muling umupo si Donald Trump bilang pangulo ng United States (US), agad siyang umatake hindi lang sa China at Mexico, kundi pati sa Pilipinas. Simula Ago. 1, 2025, itataas ni Trump ang taripa sa mga produktong galing Pilipinas mula 17% hanggang 20% dahil umano sa hindi patas na kalakalan at banta sa ekonomiya at pambansang seguridad ng US.
Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa White House upang pag-usapan ang kalakalan sa Pilipinas, inihayag ni Trump ang bagong kasunduan noong Hul. 22 sa kanyang social media platform na Truth Social na nagtakda mula sa 20% ibinaba sa 19% na taripa sa Pilipinas sa bagong trade deal. Ang isang porsiyento ay isang napakaliit na konsesyon lang.
Tinukoy pa ni Trump ang planong pagpapataw ng taripa sa mga import sa Amerika bilang bahagi ng kanyang tinatawag na “Araw ng Pagpapalaya” na inihayag noong Abril.
Kung susuriin, hindi “Araw ng Pagpapalaya” sa mga mamamayan ng Amerika, ito’y malalagay lang sa mabigat na pasanin ng mas mataas na mga taripa. Ito’y kadalasang darating sa pamamagitan ng mas mataas na presyo para sa mga imported na produkto at mas mataas na presyo para sa mga domestic goods na nakikipagkompitensiya sa mga import.
Tinuligsa naman at ginamit ng Ibon Foundation ang terminong “economic bullying” upang ilarawan ang relasyon ng Pilipinas sa mga dayuhang interes sa ekonomiya, partikular na ang US.
Ayon sa Ibon, economically bullied ang Pilipinas at ang gobyerno’y nauuwi sa pagsusumamo. Naniniwala ang Ibon na ang pagsunod sa mga dayuhang interes ay hindi isang mahusay na diskarte at dapat unahin ng Pilipinas ang soberanya sa mga patakarang pang-ekonomiya.
Ang mga sektor na pinakaapektado ng mas mataas na taripa ay ang mga minoryang produktong pang-export ng Pilipinas sa US tulad ng langis ng niyog, prutas at gulay, iba pang produktong agrikultural, mga tela at damit kung saan ang mga prodyuser na Pilipino ay may higit na presensiya.
Samantala, ayon sa Ibon hindi pinatawan ng US ng taripa ang mga sektor ng mahalaga sa sarili nitong ekonomiya, tulad ng semiconductors, piyesa ng sasakyan, bakal at aluminum. Ang mga produktong ito’y hawak ng mga dayuhang kapitalista at bultong iniluluwas sa US.
Ang pananaw na ito’y nagmula sa pagsusuri ng Ibon na ang ekonomiya ng Pilipinas na hinimok sa pag-export, na lubos na umaasa sa mga dayuhang pamilihan at pamumuhunan, ay ginagawa itong bulnerable sa mga pagbabago sa panlabas na patakaran, bilang ebidensiya ng mga taripa ng US na ipinataw sa mga produkto ng Pilipinas.
Nagsusulong ng Ibon ang isang umaasa sa sariling ekonomiya na hinihimok ng domestic purchasing power at isang malakas na baseng industriyal ng Pilipino.
Ang pundasyon ay nangangatuwiran na ang patakarang pang-ekonomiya ay dapat na muling ituon sa pagbuo ng malakas na produksiyon sa loob ng bansa, pagsuporta sa mga kompanyang pang-industriya ng Pilipino, at muling pagpapatibay ng regulasyon ng estado upang mabawasan ang pag-asa sa dayuhang kapital at mga pamilihan.
Naniniwala din ang Ibon na ang dayuhang pamumuhunan ay dapat na mahigpit na i-regulate at isama sa isang pambansang patakaran sa industriyalisasyon upang tunay na makapag-ambag sa domestikong pag-unlad.
Panahon na at nararapat lang na umalis na ang Pilipinas sa anino ng Amerika. Pero hindi lang sila ang mundo.
Bakit hindi natin palawakin at palakasin ang ating merkado sa Asia, Europa, Australia, Canada at iba pang mga bansa? Bakit hindi tayo maghanap ng mga bansang tunay na interesado sa ating produkto na hindi tayo nilalamangan at pinagsasamantalahan?
Ito ang tunay na independiyenteng kalakalan at ugnayang panlabas, hindi nakasandal at umaasa lang sa US.