close
Muni at Suri

Sine ni Mike de Leon


Sa kanyang paglisan, iniwan ni Mike de Leon ang mga pelikulang batbat ng diwa ng panlipunang kritika na nakatutok sa panlipunang institusyon at pormasyon.

Pumanaw noong nakaraang linggo ang batikang alagad ng sining ng pelikula na si Mike de Leon. Isa si de Leon sa mga prominenteng pigura ng tinaguriang “New Cinema” na umusbong noong dekada ‘70 hanggang dekada ‘80. Ito ang panahong kinikilala bilang Ikalawang Ginintuang Panahon ng Pelikulang Pilipino.

Kakaunti ang nagawang pelikula ni de Leon kumpara sa anyang mga kasabayan gaya nina Lino Brocka, Marilou Diaz-Abaya at Ishmael Bernal, ngunit kinikilala ang kalakhan sa mga ito bilang mga klasikong pelikula.

Paborito ko marahil sa mga pelikula ni de Leon ang “Kisapmata” na isang nakasisindak na alegorya ng pasismo. Sa pelikulang ito, inilugar ang dahas ng diktadura sa loob ng tahanan, kung saan nagtatalaban ang mga puwersang erotiko, paternal at relihiyoso upang bigyang-hugis ang politika ng pagpapasukob sa awtoridad. 

Mababanaag din ang pagsisiyasat sa pagpapatupad ng kapangyarihang awtoritaryan sa sityo ng relasyong interpersonal sa “Batch ’81”. Sa pelikulang ito naman, itinampok kung paanong ang uri ng kapatiran na inihahapag ng college fraternity ay umiiral bilang lunsaran ng marahas na pagpapasunod.

Sa kabila ng nakagigimbal na ehersisyo ng panggigipit na nakatala sa mga pelikula ni de Leon, mababanaag pa rin sa mga ito ang pulitika ng pagbalikwas.

Hindi maaaring makaligtaan ang “Sister Stella L.” na isang klasikong halimbawa ng pelikula ng protesta. Habang inilantad ni de Leon sa “Kisapmata”, “Itim” at “Kakabakaba Ka Ba?” ang iba’t ibang kontradiksyon ng relihiyon bilang estruktura ng panlipunang moralidad, tinurol sa “Sister Stella L.” ang isang progresibong pagbasa sa praktikang relihiyoso. Ito ay nakabatay sa panlipunang pakikisangkot at pagsusulong ng demokrasya at karapatang pantao.

Maging sa mga romantikong drama gaya ng “Kung Mangarap Ka’t Magising” at “Hindi Nahahati ang Langit”, mababanaag din ang ganitong diwa ng pagbalikwas sa mga normatibong pagtatakda at mga mapanggipit na nosyon ng moralidad na idinidikta sa loob ng mga pamilya.

Sa kanyang mga pelikulang inilabas ilang dekada matapos ang pagbagsak ng diktadurang Marcos Sr., nilunoy ni de Leon ang pag-uusisa hinggil sa bisa ng kasaysayan sa panahon ng malaong pambabaluktot dito.

Inilantad niya ang kontradiksyong kaakibat ng pagsasakaysayan ng Malalaking Tao sa pamamagitan ng mockumentaryong “Bayaning Third World”. Dito, binigyang-pansin ang krisis ng pag-aangkla ng pambansang alaala sa pigura ni Jose Rizal. Sa “Citizen Jake” naman, inusisa ang limitasyon ng pamamahayag kaugnay ng sala-salabit na sistema ng komplisidad at kawalan ng pananagutan ng mga naghaharing-uri sa mga krimen ng bumagsak at bumabalik na diktadura.

Sa kanyang paglisan, iniwan ni Mike de Leon ang mga pelikulang batbat ng diwa ng panlipunang kritika na nakatutok sa panlipunang institusyon at pormasyon gaya ng pamilya, simbahan, relasyong interpersonal at maging fraternity bilang mga sityo ng awtoritaryan na pagpapasunod.

Mula sa mga obrang ito, mababanaag ang mahalagang papel ng pelikula upang usisain ang lipunan, at makapaghiraya ng posibilidad na tunggaliin ang mga imprastraktura at sistema ng panggigipit.