close

Alyansa kontra abuso ng pulisya, inilunsad


Layunin ng pagtatatag sa Alyansa laban sa Korapsyon at Brutalidad ng Pulis (AKAB) ang pagtataguyod ng pagkakaisa ng mga biktima at tagasuporta laban sa brutalidad ng pulisya at korupsiyon korupsiyon sa hanay ng mga opisyal ng gobyerno.

Binuo noong Okt. 12 ang Alyansa laban sa Korapsyon at Brutalidad ng Pulis (AKAB) matapos magtipon ang mga biktima ng ilegal na aresto, detensiyon at tortyur ng pulis sa kaugnay ng kilos-protesta sa Mendiola Street, Maynila noong Setyembre 21.

Dumalo sa pagtitipon ang mga dating inaresto kasama ang kanilang mga pamilya at mga tanggol-karapatan ng Karapatan. Kasama rin dito ang mga abogado mula sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), Public Interest Law Center (PILC), Pro-Labor Assistance Center (Place) at Sentro para sa Tunay na Repormang Agraryo (Sentra)

Naroon din ang mga paralegal mula sa Center for Trade Union and Human Rights  (CTUHR) at mga kinatawan ng iba’t iba pang mga grupo tulad ng Bayan Muna, BPO Industry Employees Network (BIEN) at Hiphop United Against Corruption.

Layunin ng pagtatatag sa AKAB ang pagtataguyod ng pagkakaisa ng mga biktima at tagasuporta upang ipanawagan ang hustisya at pananagutan sa mga kasong may kinalaman sa brutalidad ng pulisya at korupsiyon sa hanay ng mga opisyal ng gobyerno.

Ayon sa Karapatan, marami pa ring nakakulong at may mga kasong patuloy na kinakaharap, samantalang ang ilan ay patuloy na nagpapagamot mula sa tinamong mga sugat at pinsala.

Marami sa mga inaresto ay kabataan, manggagawa at residente na nakilahok o nanuod lang ng kilos-protesta nang sila’y dakpin. Ilan sa kanila’y nawalan ng trabaho at kabuhayan matapos ang ilegal na detensiyon. 

Ipinahayag ng Hiphop United Against Corruption na ang karanasang ito’y patunay ng patuloy na pasismo at kawalang hustisya sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan. Anila, hindi mananahimik ang mga biktima at patuloy pa rin ang kanilang laban habang may mga kailangang tulungan at ipanawagan ang hustisya.

Nananawagan ang AKAB ng tuloy-tuloy na suporta mula sa publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon, tulong pinansyal at tulong legal para sa mga biktima. Paninindigan ng alyansa na ipagpatuloy ang laban para sa hustisya at pananagutan ng mga abusadong pulis at tiwaling opisyal ng gobyerno.