close

FEU, UST, nag-walkout laban sa korupsiyon


Nagdaos ng walkout ang mga mag-aaral ng Far Eastern University at University of Santo Tomas sa kani-kanilang kampus sa Maynila nitong Set. 29 bilang pagkondena sa lumalalang korupisyon at anomalya sa mga proyektong flood control.

Nagdaos ng walkout ang mga mag-aaral ng Far Eastern University (FEU) at University of Santo Tomas (UST) sa kani-kanilang kampus sa Maynila nitong Lunes, Set. 29 bilang pagkondena sa lumalalang korupisyon kaugnay ng kaliwa’t kanang anomalya sa mga proyektong flood control.

Hindi napigilan ng malakas na ulan ang nag-aalab na damdamin ng mga Tomasino para ipahayag ang kanilang panawagan tungkol sa hindi tamang paggamit ng pampublikong pondo na napupunta lamang sa bulsa ng mga sakim na opisyal.

Nagtipon ang lahat ng mga estudyante sa Fr. Roque Ruaño Building bago simulan ang kanilang snake rally na nagtapos sa Plaza Mayor. Habang naglalakad, kanilang isinisigaw ang katagang, “Mga kurakot, go to jail!” sa tono ng kanilang “Go Uste!” na cheer.

Binigyang-diin rin ng mga estudyante na apektado sila ng palagiang pagbaha tuwing tag-ulan tuwing pumapasok sila sa kani-kanilang pamantasan na parehong nasa Sampaloc, Maynila.

“Imbis na papasok ako ng tuyo ang paa, nababasa ito dahil sa baha lalo na at tag-ulan na naman ngayon,” malungkot na sabi ni Janine Fuentes, 21, isang estudyante sa UST.

Bukod sa pagbaha, tinik rin sa dibdib ng mga estudyante ang mga nawawalang kaban ng bayan na nagagamit sana sa pagkaroon ng maayos, matibay at mabisang na imprastruktura laban sa pagbaha.

Samantala, makalipas ang 30 taon, muling nagsagawa ang FEU ng walkout para kondenahin ang malaganap na korupsiyon sa bansa kasama na rin rito ang ghost flood control projects at ang brutalidad ng pulisya sa protesta noong Set. 21.

Kadalasang nagsasagawa ang mga pamantasan ng protesta tuwing araw ng Biyernes, pero pinili ng FEU na isagawa ang kanilang walkout sa araw ng Lunes.

Kaugnay ito ng kanilang kampanya laban sa pagpapatupad ng hybrid learning setup alinsunod sa CHED Memorandum No. 4, Series of 2023 na matagal na nilang tinutulan, ayon kay Raezon Gonzales, pangulo ng FEU Central Student Organization.

Pinapahintululutan ng memorandum na ito ang pagkakaroon ng 50% na face-to-face na klase at 50% na online class kahit tapos ang pandemya.

“[Lubhang nakakapagod] ‘yong ganitong [paraan ng pag-aaral] para sa mga estudyante,” dagdag pa ni Gonzales.

Nagpahiwatig rin ang mga mag-aaral ng FEU na hindi natatapos sa isang walkout ang laban ng mga estudyante dahil magpapatuloy pa sila sa pagsasagawa ng mga protesta laban sa lumalalang korupsiyon sa bansa.

“Natuwa ako kasi suportado ng university namin ‘yong mga [aktibidad lalo na dahil ito ang tamang panahon para iparinig ang aming boses sa gobyerno],” ani Arianne Velez, 19, isang freshie na estudyante sa FEU.

Para naman kay Gonzales, ito ang simula ng pagsasagawa nila ng mga walkout dahil naniniwala siyang kailangang maging kritikal ng lahat lalo na ang mga estudyante.