Higit 200 kabataan, arestado, binugbog ng pulisya matapos ang protesta
Giit ni Karapatan deputy secretary general Maria Sol Taule, dapat palayain na ang mga kabataang inaresto ng pulisya na hanggang ngayo’y wala pang isinasampang kaso matapos ang higit 36 na oras.

Nasa 216 na kabataan ang binugbog at hinuli ng mga pulis matapos mabalot ng tensiyon ang paanan ng Mendiola Bridge sa Maynila sa pagtatapos ng mga kilos-protesta nitong Set. 21.
Pero dala ng galit sa matinding korupsiyon sa buong pamahalaan, hindi napigilan ng mga kabataan na mamato ng mga bote at bato sa pulisya nakaharang sa tarangkahan ng Palasyo ng Malakanyang.
Umabot ang bakbakan ng mga nagpoprotesta at mga pulis sa kahabaan ng Recto Avenue. At hinabol ang mga kabataan hanggang sa loob ng mga eskinita at establisimyento para paluin at arestuhin.
Bagaman hindi umano bahagi ng kanilang hanay, kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang marahas na panunupil ng pulisya sa mga kabataan.
Binatikos ng grupo ang mga awtoridad na “walang pag-uunawa sa dinadanas ng kabataan at ordinaryong Pilipino, mga nawalan ng pag-asa sa kasalukuyang kalagayan. Maximum tolerance sana [ang ipinakita ng pulisya]. Ang ipinakitang galit ng mamamayan ay dapat tapatan ng kahandaan na unawain ang kanilang hinaing.”

Dagdag ng grupo, kumukulo na ang galit ng kabataan. Tanong ng mga progresibo, bakit wala pang nakukulong sa mga nagbulsa ng trilyones mula sa mga proyektong flood control, pero agad-agad nanghuli ng mga kabataan?
Sa 216 na nakapiit, nasa 67 ang children in conflict with the law o may edad na mataas sa 15 pero mababa sa 18, at may 24 namang mababa pa sa 15 ang edad.
Wala pang isinasampang kaso sa mga inaresto. Sa labas naman ng Manila Police District (MPD) sa United Nations Avenue, naghihintay ang maraming sa kanilang mga kaanak, hindi makapasok at makausap ang kanilang mga anak.
“Kriminal” ang bansag ng Malakanyang sa mga nagprotestang kabataan. “Ang intensiyon nila’y pabagsakin ang gobyerno,” ani Presidential Spokesperson Claire Castro. Samantala, “utak adik” naman ang tawag ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga kabataan. Nagpataw din siya ng curfew sa Maynila matapos ang tensiyon.

Giit ng mga children’s rights advocate, hindi dapat ituring na kriminal ang sinumang naghahayag ng saloobin buhat ng malawakang korupsiyon at pagnanakaw ng mga opisyal sa kaban ng bayan.
“‘Wag natin kalimutan [na] bilyones ang kinurakot na sana nagpakain, nagpaaral at nagpagamot na sa milyong mga batang Pilipinong nangangailangan,” ani Trixie Manalo, tagapagsalita ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns.
Ayon sa mga saksi noong nagkagulo sa Recto Avenue, walang pinatawad ang mga pulis. Kahit ang mga hinablot at walang kalaban-laban na mga bata, pinagtulungan para paluin at bugbugin. Mismong ang isa sa staff ng Pinoy Weekly na nagkokober ng mga pangyayari ay biglang pinalibutan ng mga pulis at sinaktan kahit pa malinaw na miyembro siya ng midya.
Ngayong araw, Set. 23, pinigilan din ng MPD na papasukin si Maria Sol Taule, abogado at deputy secretary general ng grupong Karapatan. Giit ni Taule, mahigit 36 oras ng nakakulong ang mga inaresto na walang kaso at dapat na silang palayain.

“Garapalan na ho ang ginagawa n’yong paglabag sa karapatan ng mga nakakulong!” sigaw ni Taule sa labas ng MPD.
Dinalaw din ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang mga inaresto para makapagbigay ng anumang tulong.
Tanong ng mambabatas sa puliysa, “Bakit ang bilis hulihin ang mga mamamayang nagtatanggol sa kanilang karapatan, habang ang mga korap ay hanggang ngayon malayang nakakapagnakaw sa kaban ng bayan?”