close
Main Story

P1.2 trilyon, tinangay ng baha ng korupsiyon


Nabuking ang talamak na korupsiyon sa likod ng flood control projects ng administrasyong Marcos Jr. Bumubuhos ngayon sa lansangan ang galit na mamamayan para manawagan ng pananagutan sa kapabayaan at pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Nasa P1.2 trilyon na ang ginastos ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa flood-control projects mula 2022 hanggang 2025. Pero paulit-ulit pa ring sinasalanta ng mga lumalala pa ngang pagbaha ang maraming Pinoy.

Kabisado ni John Kairo Santos, 20, ang iskedyul ng baha sa Hagonoy, Bulacan. Karaniwan nang tumaas ang tubig tuwing high tide sa umaga at bumababa kapag low tide sa hapon. Kahit sanay na, pahirap pa rin sa pagpasok niya sa eskuwela ang palagiang pagbaha.

“Kailangan tiyempuhan mo ‘yong taas ng tubig. Pumapasok ako, sabihin na nating tumataas na ‘yong tubig, kawawa ka kasi mahirap na maghanap ng tricycle,” aniya.

Pangalawa ang Bulacan sa may pinakamalaking pinaglaanan ng pondo para sa flood control projects. Higit P43.7 bilyon ang ginastos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 668 proyekto sa buong lalawigan, P3.05 bilyon dito ay para sa 43 proyekto sa Hagonoy. Karamihan dito, naitalang natapos na sa pagitan ng 2023 hanggang 2025.

“Parang wala naman kaming naramdaman dito. Mas lumala pa nga ‘yong nararanasan namin,” sabi ni Santos. “Hindi naman umayos ‘yong buhay namin dito.”

Napilitang lumikas sina Santos noong Hulyo. Umabot ng lampas-baywang ang baha sa kanila nang manalasa ang sunod-sunod na mga bagyong Crising, Dante at Emong na pinalakas na habagat.

Inamin naman ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na P5.9 bilyon ang nagastos sa “ghost projects” sa buong Bulacan.

Sa pag-aaral ng Pro-People Engineers and Leaders (Propel) sa mga proyekto sa Bulacan, nasilip na may mga itinatayong proyekto kontra-baha sa mga hindi naman binabahang lugar, habang may mga bahaing lugar namang wala o kulang ang flood control projects.

Mahigit 5,000 estudyante ng University of the Philippines Diliman ang nag-walkout sa klase laban sa korupsiyon noong Set. 12, 2025. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Ayon sa College of Science Student Council ng University of the Philippines (UP) Diliman, malawak na ang mga pag-aaral at pagtukoy sa mga high risk na lugar, pero hindi naman tumutugma ang plano sa pondo sa mga hazard map.

“Ito ay sakunang nilikha ng kasakiman at korupsiyon. Politika, hindi siyensiya, ang nagdidikta kung saan itatayo ang mga proyekto,” pahayag ng konseho.

Idineklara namang natapos na noong Hunyo 2024 ang Angat River Flood Control Structure ng Waowao Builders sa Plaridel, isang hig risk na lugar. Pero Agosto 2025 lang ito sinimulan.

Ang P96 milyong halagang proyekto, hindi kasama sa National Expenditure Program (NEP) at sa General Appropriations Bill. Pero naisingit ang pondo ng ilang senador at kongresista bago ipasa ang pambansang badyet sa pamamagitan ng bicameral insertion.

“Hindi mga bagyo at baha ang pinakamasahol na kinakaharap nating sakuna ngayon, kundi ang sistematikong korupsiyon at kultura ng kawalang pananagutang ipinatutupad ng administrasyong Marcos Jr.,” sabi ng konseho ng mga mag-aaral.

Dahil sa lumalalang pagbaha, nalantad ang talamak na korupsiyon at katiwalian sa flood control projects ng gobyerno. Kaliwa’t kanan ang mga imbestigasyon sa Senado at Kamara para gisahin ang ilang tinukoy na mga kontratista sa mga maanomalyang proyekto.

Noong Agosto, pinangalanan ni Marcos Jr. ang 15 kompanyang nakakuha ng lahat ng kontrata sa flood control ng kanyang administrasyon. “Galit na galit” siya sa aniya’y substandard at ghost projects ng naturang mga kontraktor.

Pinakamarami ang nakuhang kontrata ng 13 kompanya ng mag-asawang Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya na may 421 proyektong nagkakahalaga ng P31.3 bilyon.

Pinakamalaki namang nakuha ng isang kompanya ang P10 bilyong kontrata ng Sunwest Inc. nina Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at kapatid niyang si dating Ako Bicol Partylist Rep. Christopher Co. Sa kanila rin ang Hi-Tone Construction & Development Corp. na may P4.6 bilyong kontrata, habang may P1.2 bilyon naman ang 13 proyekto ng FS Co Builders and Supply ng kapatid nilang si Albay Vice Gov. Farida Co.

Si Rep. Zaldy Co ang chairperson ng Appropriations Committee ng Kamara, na may kapangyarihang magtakda ng paglalaanan ng pambansang badyet, mula Hulyo 2022 hanggang Enero 2025.

Protesta ng mga progresibong grupo para igiit ang pananagot ng mga tiwaling opisyal at kontratista sa Batasang Pambansa noong Set. 5, 2025. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Sa pagsisiyasat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), nakitang iilang kompanya lang ang laging nakakuha ng kontrata sa pinakamalalaking proyektong pang-imprastruktura sa nakalipas na 20 taon. Karamihan dito, paulit-ulit na ring nasangkot sa anomalya at katiwalian.

Nalantad rin sa ulat ng PCIJ na higit 18 senador at kongresista ang may-ari o konektado sa mga tinukoy na kompanyang kontratista.

Ilan sa mga lumutang ang mga kontratistang nagpondo sa mga kampanya ng ilang senador noong 2022 gaya ng Centerways Construction and Development Corp. para kay Sen. Chiz Escudero at New San Jose Builders Inc. para kay Sen. Joel Villanueva.

Tatay ni Sen. Bong Go ang may ari ng CLTG Builders habang sa kapatid niya sa labas ang Alfrego Builders and Supply.

Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Senado, pinangalanan ng mag-asawang Discaya ang mga kongresista at opisyal ng DPWH na sangkot sa kanilang proyekto, kabilang si House Speaker Martin Romualdez.

Sa pagdinig naman ng Kamara, ikinanta ni dating DPWH Bulacan District Engineer Brice Hernandez na tumatanggap ng kickback sa mga proyekto sa Bulacan sina Sen. Villanueva at Sen. Jinggoy Estrada, na kapwa dati nang nasangkot sa “Pork Barrel Scam” kasama ng noo’y senador pang si Marcos Jr.

Para sa Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan), naipakita sa mga pagdinig sa Kamara at Senado ang sistematikong “criminal enterprise” mula sa pinakamataas hanggang mababang opisyal ng gobyerno.

“Ang pagkabulgar ng mga mambabatas—sa sarili nilang tradisyon, halos lahat ng mga senador at kongresista, ay kumukubra ng [10% hanggang 30%] mula sa flood control projects, ginagamit pa ang pangalan ni Speaker Romualdez at  iba pang makapangyarihang broker, ay patunay na hindi lang ito ‘iilang bulok na mansanas,’” pahayag ng grupo.

May nakatalang P545 bilyong halaga ng 9,855 flood control projects sa sumbongsapangulo.ph, website na binuksan ni Marcos Jr. para iulat ang mga maanomalyang proyekto. Pero bukod sa kulang ang datos, hindi rin malinaw kung saang distrito nakalaan ang mga pondo.

Sa pagbusisi ng Ibon Foundation, lumalabas na 45% o P245 bilyon sa naturang pondo ang napunta sa distrito ng mga kongresistang kasapi ng Lakas-CMD, partido nina Romualdez at Rep. Gloria Arroyo.

Sa mga taga-National Unity Party (NUP) ng mga Villafuerte napunta ang P86.7 bilyon, sa Nationalist People’s Coalition (NPC) ni Danding Cojuangco ang P79 bilyon, sa Nacionalista Party ng mga Villar ang P50 bilyon, sa Partido Federal ng Pilipinas ni Marcos Jr. ang P37.8 bilyon, P16.3 bilyon naman ang sa Liberal Party, habang pinaghahatian na ng iba pang partido ang natitirang P25.3 bilyon.

Tinanggal din anila sa website ang P656.1 bilyong halaga ng mga proyekto.

Kinumpirma ni Sen. Panfilo Lacson na may P355 milyong pondo para sa flood control project sa Bulacan ang naisingit bago naipasa ang 2025 budget. Tugma aniya ito sa akusasyon ni Hernandez na minaniobra ni Estrada ang higit P350 milyon para sa unang distrito ng Bulacan.

Sinugod ng mga progresibong grupo ang opisina ng St. Gerrard Construction ng mga Discaya sa Pasig City, gabi ng Set. 15, 2025. Marc Erlwin Flores/Pinoy Weekly

Ayon sa Right to Know Right Now Coalition (R2KRN), pinopondohan ang maanomalyang mga proyekto sa pamamagitan ng bilyong pisong insertion sa General Appropriations Act, na ginagawa ng Senado at Kamara, at pinipirmahan ng pangulo mula pa 2010.

“Ang dating tinatawag na pork barrel, Priority Development Assistance Fund, at congressional initiatives allocation, ngayon ay isang mahiwagang salita na lang: insertions,” pahayag ng koalisyon.

Umaabot sa 14.5% hanggang 24% ang naisisingit na pondo sa pambansang badyet taon-taon mula 2022. Noong 2024, siningitan ng P174.591 bilyon ang pondo ng DPWH. Sa ilalim ni Marcos Jr., lumobo ng P449 bilyon ang pondo ng ahensiya sa pamamagitan ng mga insertion na ginagawa sa “closed door” na pulong ng “small committee” ng Senado at Kamara.

Para sa Center for People Empowerment in Governance (Cenpeg), “guilty” ang parehong Senado at Kamara sa pandarambong. Nakaukit na anila ang korupsiyon at katiwalian sa buong pampolitikang sistema ng bansa.

“Ang ipinaparadang ‘paglaban sa korupsiyon’ sa katotohanan ay pampolitikang teatro lang para pagtakpan ang mas malalim na katotohanan: ang parehong bulwagan ay matagal nang sangkot sa sistematikong pandarambong sa pera ng mamamayan,” pahayag ng Cenpeg.

Tinawag naman ng Ibon na “performative” o pasikat lang sa publiko ang paglaban sa korupsiyon ni Marcos Jr. dahil tina-target lang nito ang mga kalaban sa politika o mga alyadong sumasalungat sa kanya.

“Hindi totoo ang tila pagsugpo ni Marcos Jr. sa korupsiyon kung ito ay may pinipili,” sabi ni Ibon Executive Director Sonny Africa.

“Sinasabi nila kadalasan na hindi na daw masosolusyonan ‘yong pagbaha dito sa Hagonoy, pero I believe mayroon pang tiyansa. Siguro kaya pa maresolba ‘yong hometown ko,” ani Santos.

Para sa mga mag-aaral ng UP Diliman College of Science, kailangang pakinggan ng gobyerno ang mga siyentista. Anila, dapat nakabatay sa siyensiya ang mga hakbangin kontra-baha at hindi sa korupsiyon.

Nauna nang pinuna ng siyentistang si Dr. Mahar Lagmay na nakapagpatindi ng mga pagbaha at epekto ng climate change ang mga proyektong pang-imprastruktura na bumabara sa natural na daluyan ng tubig. Marami rin aniya sa mga flood control project ng gobyerno ay pinapasikip imbis na pinapaluwag ang mga daanan ng baha.

Pero mahigit P2 bilyon ang kinaltas sa budget ng UP ngayong 2025, na ayon sa konseho ng mag-aaral ay makakabawas sa kakayahan ng UP Resilience Institute at Project NOAH, mga institusyong pinamumunuan ni Lagmay sa UP, na paunlarin ang paghahanda sa mga sakuna.

Sa taya ng grupong Greenpeace, umabot sa P1.089 trilyong pondo para pagtugon sa climate change ang nalustay sa korupsiyon mula 2023.

“Hindi ito katanggap-tanggap. Hindi lang nila dinarambong ang kaban ng bayan, pinipilay rin nila ang kakayahan ng milyong Pilipino na makaligtas mula sa lumalalang krisis sa klima,” sabi ni Jefferson Chua, campaign officer ng Greenpeace.

Black Monday Protest sa Polytechnic University of the Philippines sa Maynila noong Set. 15, 2025. Pher Pasion/Pinoy Weekly

Para naman sa Kalikasan, hindi lang baha at bagyo ang nananalanta sa mamamayan, kundi daluyong ng na nagsisimula sa Malacañang hanggang mga barangay.

“Laging ang mga mahihirap—mga magsasaka, mangingisda, urban poor, katutubo—ang nagbabayad para sa pandarambong na ito. Ang mga pondo para sa ‘proteksiyon,’ proyektong kontra-baha, at ‘aksiyong pangklima’ ay ginagamit bilang bagong larangan ng lumang kasakiman at pagwasak ng kalikasan,” pahayag ng grupo.

Noong Set. 8, nagprotesta sa tanggapan ng DPWH Malabon-Navotas District Engineering Office ang mga mangingisda para kondenahin ang korupsiyon sa flood control projects ni Marcos Jr. Ayon sa grupo, mahigit P4 bilyon ang halaga ng mga proyekto sa Navotas City pero sila pa rin ang isa sa pinakamatinding tinataman ng pagbaha.

“Tinanggalan na nga ng kabuhayan dahil sa mga proyektong reklamasyon at konbersiyon, ngayon ay biktima pa rin kami ng baha dahil sa kapalpakan ng gobyernong ito,” sabi ni Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas chairperson Fernando Hicap

“Sa Navotas, kaunting ulan lamang ay tumataas na agad ang tubig sa mga komunidad na nagdudulot ng lalong pagpapahirap at pagkakasakit sa aming pamilya,” dagdag niya.

Mahigit 5,000 estudyante at alumni naman ng UP Diliman ang lumahok sa walkout laban sa korupsiyon noong Set. 12. Ito ang isa sa pinakamalaking pagkilos sa loob ng UP sa nakalipas na dekada. Kinondena nila ang pagkaltas ng badyet ng unibersidad sa harap ng malalang korupsiyon sa mga proyektong pang-imprastruktura ng DPWH at mga nakatenggang maanomalyang proyekto sa loob mismo ng unibersidad.

Ngayon, nananawagan ang Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (Tama Na) sa mamamayan na lumahok sa “Baha sa Luneta,” isang malaking protesta laban sa nabulgar na korupsiyon sa flood control projects na gaganapin sa Set. 21. Ayon sa alyansa, pangungunahan ng mga kabataan ang naturang protesta para ipanawagan ang pagpapanagot sa lahat ng mga sangkot sa korupsiyon at katiwalian.

Sabi ng Kalikasan, “Dapat mas tumaas ang baha ng galit ng mamamayan kaysa sa baha ng korupsiyon.” /May ulat mula kay Katrina Jane de Castro