close
Pop Off, Teh!

How to be you po?


Nakakain ka na ba sa plato o nakasandal ka na ba sa unan na Hermes? Nakaupo ka na ba sa upuang Louis Vuitton? Nagpagpag ng paa sa Dior na footrug? Nagtsinelas ng Chanel?

Kilala n’yo ba ang mga “nepo baby”? Sila ‘yong mga anak ng mga matataas ang katungkulan sa gobyerno o kaya ‘yong anak ng mga may kadikit sa gobyerno—mga contractor o crony.

Madalas itong mga nepo baby ay mga influencer na walang ibang trabaho kundi mag-shopping, magpost ng mga retrato at bidyo ng kanilang mga bagong gamit, bag at sapatos. Lahat ng mga gamit, designer na ni sa hinagap ay hindi kayang blihin ng karaniwang mamamayan, kahit pa paduguin mo. 

Nakakain ka na ba sa plato o nakasandal ka na ba sa unan na Hermes? Nakaupo ka na ba sa upuang Louis Vuitton? Nagpagpag ng paa sa Dior na footrug? Nagtsinelas ng Chanel?

Ito yung mga bagay na hindi mo aakalain na mayroon pala dahil sa sobrang mahal. Sa sobrang mahal ng mga ito, makapagpapatayo ka na ng isang klasrum. Nakapagpakain na rin ang perang ito ng mga batang nagugutom.

Bakit nga ba may mga nepo baby? Simple lang naman ang sagot. Ang mga magulang nila ay nagkakamal ng limpak-limpak na salapi mula sa kaban ng bayan. At makapal ang mukha nila, hindi nga nila kinikilala na may papel sila sa korupsiyon.

Sabi nga ng isang nepo baby, “Like hello? Wala kaming utang na loob sa mga Pilipino. This is not from taxpayers’ money, the government literally paid us for the service that our business provided. Gets?” Kundi ba naman sobrang kapal ng mukha, ano?!

Kung gayon, sapat na bang ang mga nepo baby ang pagbuhusan ng galit? Hindi, kasi may iba pang mas malaking kalaban. Oo, kasi bahagi naman sila ng pamilyang nakikinabang sa dugo’t pawis ng mamamayan.

O, wag na tayong lumayo. Sino nga ba ang mga orihinal na nepo baby sa Palasyo ng Malacañang, Senado, Kamara at mga pamahalaang lokal. Hindi ba’t pareho lang silang nakasuot ng magagara at mamahaling damit at gamit nila. Isang malaking sana all na lang talaga!

Hindi totoong walang pananagutan ang mga nepo baby. Nakikinabang sila sa pera at ibinabalandra pa nga ang mga mamahaling gamit nila. Tahimik din sila at hindi pa nga nagpapatinag sa mga galit na taumbayan. Hindi dapat sila isantabi dahil kasapakat sila sa mga maling gawi ng kanilang mga magulang at kamag-anak. Ang pananahimik at pagwawalang-bahala sa maling gawi tulad ng korupsiyon ay pagpahintulot na rin sa korupsiyon. 

Kaya ang nangyayaring bashing sa mga nepo baby ay may ipinapahiwatig sa atin: galit na ang mga tao at sinumang may kinalaman o sangkot sa katiwalian at korupsiyon ay dapat mapanagot.

Hindi dapat palampasin ang mga ito at lalong hindi natin dapat maging palamunin ang mga nepo baby at kanilang pamilya. Nalulubog sa baha at nababaon na sa pagkadayukdok ang mga Pilipino. Tapos sila, hayahay lang? How to be you po?