Ang mga multo sa kaban ng bayan
Kung ang batas ay sandata ng makapangyarihan, masisisi ba ng gobyerno ang mga naniningil ng hustisya hindi sa korte, kundi diretso sa mga kalsada?
Mauuna pa bang pumuti ang mga uwak bago mabilanggo ang mga kurakot? At hindi lang mga kasangkapan at kasabwat nila, kung hindi ang mga punong kurakot na may makapangyarihang apelyido; silang may galamay sa iba’t ibang sangay ng gobyerno.
Para silang mga multo na mahirap hagilapin kapag singilan na pero pasiklaban kapag kampanya. Samantalang ang balita ng pagpapawalang-sala, sumusulpot na parang kabute habang abala ang taumbayan sa sirko ng politika at pahirap na dala ng nagtataasang presyo ng mga serbisyo at bilihin.
Ganito ang kaso kay Juan Ponce Enrile, dating senador at kasalukuyang chief presidential legal counsel sa edad na 101. Higit isang dekada ang lumipas bago ang desisyon ng Sandiganbayan na mabisang ipinapawalang-sala siya sa lahat ng kasong may kinalaman sa pork barrel scam o Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.
Ang hatol: walang pagkakasala si Enrile, si Janet Lim Napoles na nakabilanggo para sa iba pang mga kaso, at ang kalihim ni Enrile na si Gigi Reyes, sa 15 bilang ng graft na aabot ng P172 milyon.
Sangkot rin dito sina Sen. Jinggoy Estrada at dating Sen. Bong Revilla. Nauna nang napawalang-sala si Revilla, habang si Estrada, may nakabinbin pang mga kaso ng graft.
May ilang mga dating opisyal na napatawan ng parusa sa mga kasong sibil at kailangang magbayad ng higit P300 milyon sa korte. Hindi kasama si Enrile dito. Hindi rin naglagi ng isang dekada sa kulungan si Enrile dahil 2015 pa lang ay hinayaan na siya magpiyansa dahil sa edad at kalusugan.
Bukod na pinagpala si Enrile. Ipinaalala rin ni National Union of Peoples’ Lawyers president Ephraim Cortez ang kaso ni Antonio Molina, bilanggong politikal na hindi pinayagan mag-hospital arrest kahit may stomach cancer. “Hindi siya nabigyan ng parehong pribilehiyo na ibinigay kay Enrile. Namatay siya sa kulungan noong Nobyembre 2021.”
Tungkulin na ngayon ng kahit sinong may konsensiyang Pilipino ang makilahok sa mga protesta kontra korupsiyon.
Sa nagdaang mga dekada na lahat may kanya-kanyang sumikat na kaso ng korupsiyon, wala pa tayong nakikitang mataas na opisyal na napanagot sa kasong plunder na walang piyansa at may parusang habambuhay na pagkakakulong.
Nariyan ang NBN-ZTE scandal na kinasangkutan ni Benjamin Abalos at Mike Arroyo na parehong napawalang-sala at ang kasong plunder ng P377 milyon mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office kung saan napawalang-sala si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nakatanggap rin ng hospital arrest.
Nakatengga pa rin ang kaso ng pandarambong sa gitna ng pandemya kasabwat ang Pharmally, kung saan ang financer nito na si Michael Yang ang siya ring financial advisor ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Dagdag pa sa listahan ang pautay-utay na mga kaso sa nakaw na yaman na naipapanalo ng pamilya Marcos. At ngayon, ang kaliwa’t kanang korupsiyon sa mga proyektong pang-imprastruktura.
Pilipinas ang isa sa tatlong bansa sa buong mundo na may pinakamaraming nagsisiksikan sa kulungan. Pero wala tayong mahahanap na mataas na opisyal sa ni isang selda. Nanginginig na dapat sa galit o hiya ang mga alagad ng batas.
Kung ang batas ay sandata ng makapangyarihan, masisisi ba ng gobyerno ang mga naniningil ng hustisya hindi sa korte, kundi diretso sa mga kalsada?
Kahit pa sinagot ng gobyerno ng dahas ang mga militanteng pagtitipon noong Set. 21, handa na ulit ang taumbayan sa sunod-sunod na kilos-protesta kada Biyernes hanggang sa malawak na tipon sa Nob. 30, Araw ng Masang Anakpawis.
Hindi na nakakagulat na makakapaglaan pa ng lakas at panahon para sa protesta ang mga Pilipino, lalo na ang kabataan. Ginagamit nilang panulak ang poot at pagod sa pagkabigo sa mga bulwagan ng kapangyarihan at ang walang pakundangang pagnakaw sa kinabukasan ng taumbayan.
Tungkulin na ngayon ng kahit sinong may konsensiyang Pilipino ang makilahok sa mga protesta kontra korupsiyon. At para mas mabisa at pangmatagalang tugon sa panahon, maigi ring suportahan, kilalanin o samahan pa ang mga makabayang organisasyon at mga tanggol-karapatan na naroon. Sama-sama, dahil lahat tayo biktima ng inhustisya.