‘Nanay Magsasaka’
Ipinakikilala ni Nanay Thess ang Lupang Ramos kung saan ang kanilang mga ninuno at sila at kanilang pamilya ay naninirahan na simula noong ika-19 na siglo.
Bibihira o halos walang magsasaka, lalo na ang babaeng magsasaka ang naglalathala ng libro. Ang pagsusulat kasi ay isang gawaing nangangailangan daw ng panahon at marahil, kasanayan.
Sa panitikan na pawang dominado ng mga propesyonal na manunulat at mga nasa akademya. Kaya naman, maituturing na pag-alagwa ang pagkakalathala ng libro ng tula ni nanay Marites Nicart, isang lider-kababaihan sa Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite. “Nanay Magsasaka,” isang angkop na titulo para ilarawan ang gawain ng kababaihan kapwa sa pagkalinga ng pamilya at sa produksiyon.
Nagmula ang proyekto mula sa notbuk ni Nanay Thess na sinimulan niyang isulat mula 2019 hanggang 2022 at inilathala ng Gantala Press. Inilusad ang aklat noong kalagitnaan ng Oktubre, sa panahon ng Buwan ng Magbubukid. Malaking bahagi ng panulaan ni Nanay Thess ay patungkol sa kasaysayan at pakikibaka ng magsasaka ng Lupang Ramos.
Ipinakikilala ni Nanay Thess ang Lupang Ramos kung saan ang kanilang mga ninuno at sila at kanilang pamilya ay naninirahan na simula noong ika-19 na siglo.
Sa kabila ng matagal na pananatili sa mga lupain, may mga nagtatangkang agawin ang Lupang Ramos mula noong dekada ‘60. Deka-dekada nang nakikibaka sina Nanay Thess at mga magsasaka ng Lupang Ramos mula sa paulit-ulit na pagtatangka na kamkamin ang lupa nila.
Sa kanyang pambungad na tula na “Lupa”, matapang na nagsasalita ang babaeng magsasaka upang ipaglaban ang kanilang lupa: Lupang ilang dekadang binungkal/ Sa pamilya ay ibinuhay/ Pinagyamang lupa, minana pa sa magulang/ Nabubuhay kami nang may dangal/ Ngayon ay gayon na lamang/ Ang paghahangad ng iilan.
Simple at madaling basahin ang mga tula ni Nanay Thess at mahahawakan na tulad ng lupa ang talinghaga nito—mga kamay na nagbubungkal, mga palad na nakakuyom, mga bisig na lumalaban.
Mahalaga ang tinig ni Nanay Thess sapagkat ang danas niya bilang babae at magsasaka ay salamin ng kolektibong danas ng mga magsasaka: ang patuloy na pangangamkam sa lupa, pagwasak sa mga organisasyon magsasaka at ang pag-atake at pananakot ng estado.
Kapansin-pansing hindi pansarili at indibidwal na naratibo ang mga tula—tungkol sa pagpapalakas ng kilusan, pagsasama-sama-sama, at kolektibong pakikibaka ng mga magsasaka. Isa itong indikasyon na lumalampasb siya sa personal na politika.
Sa kanyang tulang “Makasaysayang Lupang Ramos”: Dito ay may samahan, KASAMA-LR ang ngalan/ Tunay na reporma sa lupa ang kinakailangan/ Upang maraming magsasaka ang makinabang./ Sila ay samahan, samahang legal/ Dahil kapakanan ng marami ang ipinaglalaban.
Simple lang ang wika ngunit ang tatas at tapang ay mababasa sa bawat tula.
Mahalaga ang tinig ni Nanay Thess sapagkat ang danas niya bilang babae at magsasaka ay salamin ng kolektibong danas ng mga magsasaka: ang patuloy na pangangamkam sa lupa, pagwasak sa mga organisasyon magsasaka at ang pag-atake at pananakot ng estado.
Ipinaalala sa atin ni Nanay Thess sa kanyang tulang “Misyon” na may mahalagang tungkulin ang mga magsasaka: Lahat tayo ay dadaan lamang/ Dito sa mundong ibabaw/ Ngunit tayo ay may misyon/ Misyong sa kapwa ay makatulong.
Marami sa mga tula ni Nanay Thess ay puno ng pag-asa sa lakas at kakayahan ng mga magsasaka na kumilos at isulong ang kanilang mga karapatan.
Isang mahalagang babasahin ang “Nanay Magsasaka.” Matagal na panahon nang walang espasyo ang mga tulad ni Nanay Thess sa panitikan. Sa kanyang unang libro, mababatid ng mambabasa na nagpapatuloy pa rin ang daantaong usapin ng mga magsasaka: ang kawalan ng lupa, pag-atake ng estado, at patuloy na kahirapan.
Binubuksan muli ni Nanay Thess ang mga larangan upang manumbalik ang imahinasyon at pagkamalikhain ng mga magsasaka, katulad ng paghaharaya ng isang lipunang malaya ang mga magsasaka mula sa pagkakagapos. Marami pa sanang mga Nanay Thess ang patuloy na magsulat at maglathala ng libro.