Simpleng paraan sa paggawa ng pasta sauce
Sa susunod na magluluto ng pasta, subukang gumawa ng sauce mula sa simula. Malay mo, ito na ang maging paborito mong tradisyon sa kusina.
Ngayong nalalapit na ang Disyembre, dumarami ang mga imbitasyon sa mga Christmas party at iba pang mga kasiyahan. Isa sa mga hindi nawawala sa handaan ang paboritong pasta. Maaaring ihain ang pasta na may cream-based, oil-based o tomato-based na sauce.
Sa panahon ngayon, napakaraming produktong nagpapadali sa pagluluto ng spaghetti o carbonara. Mabilis na mabili sa mga suking supermarket ang mga ito. Madalas ding makita sa telebisyon o online ang mga patalastas na nagtatampok ng mga ready-made sauce na nasa sachet—bubuksan na lang at iinitin.
Tunay nga namang nakakatulong ito lalo na sa mga abala at may maraming kailangan asikasuhin, kaya mas nagiging uso ang instant, pinaikli at pinabilis na paraan ng pagluluto ng pasta.
Ngunit may kakaibang saya at lalim ng lasa kapag ikaw mismo ang gumawa ng sauce mula sa simpleng mga sangkap. Hindi lang ito mas masarap, mas kontrolado mo rin ang lasa, kalidad at pagka-fresh ng bawat sangkap.
Ito ang isang recipe na puwedeng pag-eksperimentuhan at gawan ng sariling bersiyon:
Mga pangunahing sangkap
- 1 kilong hinog na kamatis, siguraduhin na mapula ang mga ito
- Isang buong sibuyas na puti o pula, manipis ang hiwa
- 3-4 pirasong bawang na dinurog
- 2-3 kutsara ng mantika
- Asin at paminta, ayon sa panlasa
- Dried Italian seasoning
Kung mayroong sa kusina at swak sa panlasa:
- Kaunting asukal na pantanggal ng sobrang asim
- 1-2 kutsaritang tomato paste na pampalapot at pampalasa
Paraan ng paggawa
- Hugasang maigi ang ang mga kamatis. ‘Pagkatapos, hiwain na pa-cross ang ibabaw nito. Huwag sagarin; may katamtaman lang ang pagkakahiwa.
- Sa hiwalay na kaldero ay magpakulo ng tubig. Kapag nagsimula na kumulo, ilagay ang mga kamatis dito. Pakuluan ng 3 hanggang 5 minuto.
- Kumuha ng isang malaking mangkok na magkakasya ang napakuluan na kamatis. Lagyan ito ng yelo at ilagay ang pinakuluan na kamatis. Itabi muna hanggang 5 minuto.
- ‘Pag lumamig na, simulan alisin ang balat ng kamatis.
- Magpainit ng mantika sa isang kaldero. Igisa ang bawang at sibuyas hanggang mag-iba ang kulay at maging mabango tapos idagdag ang mga nabalatang kamatis.
- Durugin ang ginisang kamatis habang hinahalo para lumabas ang katas nito.
- Lutuin sa mahinang apoy ng 20 hanggang 30 minuto. Mas matagal, mas malalim ang lasa.
- Lagyan ng isang basong tubig. Lagyan ng tomato paste kung gusto ng mas makapal at rich na flavor.
- Timplahan ng Italian seasoning, asin, paminta at kaunting asukal kung sobrang asim.
- Pagkatapos, maaari na itong ilagay sa paboritong pasta noodles. Puwede rin muna i-blender kung gusto ng mas pino na sauce.
Ang paggawa ng sariling pasta sauce ay hindi lang pagluluto—ito ay isang ritwal ng pag-aalaga sa sarili at sa mga taong magsasalo nito. Sa bawat paghalo at paghintay, pinapainit nito ang puso, tulad ng ginagawa ng simpleng pagkain na may malalim na pinagmulan.
Hindi man ito kasing bilis ng pagbukas ng bote, ang lasa, aroma at karanasang kaakibat ng paggawa nito ang magpapatunay na ang mga bagay na binibigyan ng panahon ay may espesyal na bunga.
Kaya sa susunod na magluluto ka ng pasta, subukan mong gumawa ng sauce mula sa simula. Malay mo, ito na ang maging paborito mong tradisyon sa kusina.