close
Editoryal

Munting tagumpay laban sa sensura


Mahirap man ang dinanas ng Bulatlat at Pinoy Weekly sa labang ito, nanaig pa rin ang katotohanan at katuwiran. Walang anumang uri ng kasinungalingan ang hindi kayang pangibabawan at pagtagumpayan sa laging pagsandig sa katapatan at katarungan.

Habang ikinagagalak ng pahayagang ito ang paborableng desisyon ng korte sa Quezon City sa kasong isinampa ng Bulatlat laban sa website blocking memorandum ng National Telecommunications Commission (NTC) noong 2022, nananatili ang panawagan sa depensahan ang mga kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag.

Ang panawagang ito’y hindi lang para sa Bulatlat, Pinoy Weekly at marami pang organisasyong midya sa bansa, kundi para sa lahat ng mamamayan na may karapatan sa malayang akses sa makabuluhan at makatotohanang impormasyon.

Sa gitna ng mga kasinungalingang inilalako ng mga nasa estado poder at kanilang mga alipores para lansihin ang mamamayan, nananatili ang paninindigan ng mga peryodista na maghatid ng napapanahong balita sa kabila ng mga banta sa kanilang mga karapatan at kalayaan.

Sa simula ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte naglathala na ang Pinoy Weekly ng mga kuwento ng biktima ng Oplan Tokhang. Mula ang mga ito sa talakayan kasama ang mga apektadong komunidad, mga tanggol-karapatan at mga naulila.

Nang arestuhin at dalhin sa The Netherlands si Duterte, nilayon ng Pinoy Weekly na muling itampok ang lahat ng lathalain na may kinalaman sa giyera kontra droga pero hindi ito naging posible. Naka-block ang website at hindi mabitbit ng mirror website ang libo-libong kuwento mula sa nagdaang mga taon. Sa publiko online, parang naglaho ang higit dalawang dekada ng panulat.

Hindi na bago ang sensura sa malayang pamamahayag, ngunit tumitindi ang mga atake lalo na sa panahon ng matinding pampolitikang krisis. Sa kasaysayan ng peryodismo sa Pilipinas, laging puntirya ng mga nasa kapangyarihan ang mga pahayagang matapang na naglalantad sa kabulukan ng naghaharing sistema.

Sa panahon ng new media, lalong tumitindi ang pagpapakalat ng misinpormasyon at disimpormasyon para linlangin ang taumbayan. Mahalaga ang papel ng midya sa panahong ito para labanan ang mga kabalbalang naglipana sa internet.

Ngunit paano mapupuksa ang mga kasinungalingan kung mismong ang mga tagapagtaguyod ng tunay na boses ng naghihirap na mamamayan ay binubusalan at pinatatahimik ng estado?

Ganito ang nangyari sa Bulatlat at Pinoy Weekly. Dahil sa tapang na ilahad ang mga nangyayaring paglabag sa mga karapatan ng mamamayan, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan, naging madaling target para paratangang “sumusuporta sa mga terorista” at limitahan ang akses sa aming mga website.

Sa loob ng higit dalawang dekada, maaasahang boses ng aping mamamayan ang dalawang alternatibong organisasyong midya.

Kabi-kabilang atake ang hinarap ng Bulatlat at Pinoy Weekly sa loob ng mga nagdaang taon, kasama na dito ang mga cyber attack at red-tagging, ngunit nananatiling matapat sa tungkulin para sa boses ng mga marhinadong komunidad.

Nariyan din ang mga insidente ng pangungumpiska at pagsira ng mga ahente ng estado sa limbag ng pahayagan ng Pinoy Weekly dahil sa “subersibo” umano ang mga nilalaman nito.

Pareho lang ang walang batayang paratang, lalo na nina Hermogenes Esperon Jr. at Eduardo Año, sa pahayagang ito: tagasuporta at rekruter umano ang Pinoy Weekly ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA) dahil sa paglalathala nito ng mga istorya tungkol sa ugat ng armadong pakikibaka sa kanayunan, lalo na ang mga paksa ng kahirapan, abuso sa poder at kawalan ng katarungang panlipunan na ugat ng tunggalian. Hindi rin terorismo ang paglathala ng kuwento ng paglahok ng mamamayan sa armadong rebolusyon.

Hindi lang naman Pinoy Weekly ang naglalathala ng mga ganoong klaseng istorya. Sa katunayan, naglalabas din ng mga kahalintulad na istorya kahit ang dominanteng midya. Ibig sabihin ba noo’y rekruter at tagasuporta rin sila ng CPP-NPA?

Patunay ang hatol ng korte para ipawalang bisa ang memorandum ng NTC sa mahalagang papel ng alternatibong midya sa pampublikong diskurso sa pamamagitan ng pagtatampok sa mga boses ng mga isinasantabing mamamayan ng mga nasa kapangyarihan.

Malaking sampal sa mga sinungaling na ahente ng estado, lalo na kina Esperon at Año, ang munting tagumpay na ito para sa malayang pamamahayag.

Mahirap man ang dinanas ng Bulatlat at Pinoy Weekly sa labang ito, nanaig pa rin ang katotohanan at katuwiran. Walang anumang uri ng kasinungalingan ang hindi kayang pangibabawan at pagtagumpayan sa laging pagsandig sa katapatan at katarungan.

Hanggang may mga paglabag sa karapatan kahirapan at inhustisya, hinding-hindi mangingimi ang pahayagang ito na isiwalat sa mas maraming mamamayan ang tunay na kalagayan ng lipunan sa pamamagitan ng aming mga inilalathalang istorya na mula mismo sa mga mamamayang nasa laylayan.

Kaya ngayon, malinaw ang panawagan ng pahayagang ito: tumalima sa atas ng korte at agarang ibalik ang akses sa aming website. Sama-sama at patuloy nating itaguyod ang malaya at mapagpalayang midya para sa mas mabungang demokrasya.