2016
Ang pagkahilig natin sa nostalgia ay may dulot na lugod. Pinupuno nito ang pangangailangan natin sa koneksiyon at pagpapahalaga.
Nasaan ka noong 2016? Ano ang ginagawa mo noon? Marahil isa ka rin sa mga nag-post ng retrato sa social media—mga kuhang sumasalamin sa ‘di malilimutang sandali ng taong iyon. Akalain mo, isang dekada na pala ang lumipas. Nasa’n nga ba ako noon?
Nakaaaliw balikan ang mga larawan ng nakaraang dekada. May hatak ang pagbubukas ng baul ng alaala sa social media, isang uri ng sentimental na pagbabalik-tanaw na tila pinadadali ng mga “memories” feature ng mga plataporma.
Mabuti na lang at may ganitong paalala, sapagkat ang 2016 ay isa sa mga rurok ng social media age: masigla ang paggamit, mabilis ang daloy ng impormasyon at kasabay nito, naging masigla rin ang industriya ng disimpormasyon. Ito rin ang panahong ang pagiging troll ay naging hanapbuhay.
Paborito ko ang 2016 dahil wala ako noon sa kalakhang Maynila. Pinili kong magpunta sa Samar para sa isang proyektong post-Yolanda. Tahimik ang bayan kung saan kami naninirahan ng aking mga kasamahan sa NGO na malayo sa ingay at tensiyon ng eleksiyon.
Tuwing umaga, sinalubong kami ng sinag ng araw sa malalawak na palayan o kaya’y ng kumikislap na alon ng dagat sa mga coastal na komunidad. Sumakay kami sa bangkang halos tangayin ng alon. Naglakad ng halos dalawang oras upang makarating sa San Miguel. Naligo sa isang munting talon sa karatig barangay. Mga simpleng sandali, ngunit nanatili.
Ang pagkahilig natin sa nostalgia—na ayon sa diksiyonaryo ay isang sentimental na pananabik sa nakaraan, sa mga lugar at karanasang lumipas ay may dulot na lugod. Pinupuno nito ang pangangailangan natin sa koneksiyon at pagpapahalaga.
Kaya nga tayo nahuhumaling sa mga post at meme tungkol sa ating kolektibong alaala: pagiging batang ’90s, mga lumang pelikula, mga artistang minsang sumikat at ang ideya ng isang “mas simpleng” buhay—malayo sa mabilis at rumaragasang impormasyon ng kasalukuyan.
May kurot at lugod na dulot ang nostalgia, totoo. Ngunit nagiging mapanganib ito kapag ginamit upang baluktutin ang kasaysayan at pagandahin ang isang panahong dapat pagnilayan at kondenahin.
Nahihilig tayo sa nostalgia dahil sa pakiramdam na ibinibigay nito: may bahagi ng ating pagkatao na humuhugot ng kahulugan mula sa alaala at sa mga taong kaugnay nito.
Paano ko nga ba malilimutan ang Samar? Ang dagat at bundok, ang mahahabang biyahe, ang mga kasamahang naging malalapit na kaibigan at ang mga taong minsan naming nakasama.
Kapag binabalikan namin ang mga alaalang iyon, malinaw sa akin ang isang bagay: hindi na natin mauulit ang mga pangyayaring iyon, kahit pa bumalik tayo sa parehong lugar.
Ngunit hindi laging inosente ang nostalgia. May reputasyon din ito bilang kasangkapang politikal na ginagamit ng mga populistang grupo upang buhayin ang isang konserbatibo, mapatahimik at mapagparusang nakaraan sa ngalan ng “disiplina.”
Nang maupo si Rodrigo Duterte bilang pangulo, ginamit niya ang mga salitang “tapang” at “malasakit” at tahasang pinuri ang diktadurang Marcos Sr. bilang panahon ng kaayusan. Sa ilalim ng ganitong naratibo, naging talamak ang pamamaslang sa mga pinaghihinalaang sangkot sa droga, aktibista, magsasaka at katutubo.
Ang kabalintunaan: ipinakilala niya ang sarili bilang kakampi ng inaapi, bilang tagapagtanggol, isang bayaning tila muling nagising sa mahabang pagkakatulog sa nakaraan. Ngunit ‘di kalaunan, ang galit at pagmumura ay bumaling din sa karaniwang Pilipino.
Sa kasalukuyan, sa gitna ng mga alegasyon ng korupsiyon sa rehimeng Marcos Jr.-Duterte, muling ginagamit ng mga tagasuporta ni Duterte ang nostalgia: mas mabuti raw noon dahil kaya niyang puksain ang mga kurakot. Ngunit ano nga ba ang tunay na “mabuti” sa nakaraang rehimen?
May kurot at lugod na dulot ang nostalgia, totoo. Ngunit nagiging mapanganib ito kapag ginamit upang baluktutin ang kasaysayan at pagandahin ang isang panahong dapat pagnilayan at kondenahin.
Dapat tayong matuto sa nakaraan—hindi magpadaig sa sentimentalismo nito. Kaya nga ito tinatawag na nakaraan: nagdaan na.