close
Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Layuan mo ako

Ngayong Unang Linggo ng Kuwaresma, ang tanong ay hindi lang kung ano ang iiwasan natin. Ang tanong ay sino ang ating pagtitiwalaan.

Unang Linggo ng Kuwaresma – Genesis 2:7-9; 3: 1-7| Salmo 50 | Roma 5:12-19 (o Roma 5:12, 17-19) | Mateo 4:1-11

May isang lumang awiting Pilipino na nagsisimula sa matatag na pangako: “Tapat ang puso ko, at ito’y hindi magbabago.” Wagas ang pag-ibig, buo ang loob, tila walang makapaghihiwalay. Ngunit sa parehong awit ay may pag-amin: “Pagka’t ako’y tao, may puso’t damdamin.”

At sa huli, nangingibabaw ang katotohanang madalas nating maranasan—ang tukso ay madaling nagwawagi. Kaya sa chorus, inilalarawan ang bunga nito: mga tahanang nawasak, mga matang pinaluha, mga pusong sinugatan, at ang desperadong panalangin ng tao: “O, tukso, layuan mo ako.” Parang salamin ito ng ating sariling buhay. Marunong tayong mangako ng katapatan, ngunit alam din natin kung gaano kadaling madapa.

Sa Unang Pagbasa mula sa Genesis, hindi inilalarawan sina Adan at Eba bilang mga halimaw. Sila’y tao—hinubog mula sa alabok ngunit hiningahan ng Diyos—may dangal, ngunit may hangganan; may kalayaan, ngunit may kahinaan.

Ang tukso ay hindi agad mukhang masama. Para sa kanila, maganda at kaaya-aya sa paningin ang bunga at mukhang makabubuti. Ang problema, nagsimula silang magduda sa kabutihan ng Diyos. Doon nagsimula ang kasalanan. At ang naging bunga nito’y hindi lang personal na pagkakamali. Nagkaroon ng hiya. Nagkaroon ng pagtatago. Nagkaroon ng pagkasira ng relasyon.

Iyan ang kuwento ng tao hanggang ngayon. Ang kasalanan ay hindi lang paglabag sa utos, ito’y paglayo sa pagtitiwala. Kapag natakot tayo na hindi sapat ang Diyos, nagsisimula tayong kumapit sa sariling paraan. At ang mga personal na pagpiling ito, kapag paulit-ulit, nagiging kultura, nagiging sistema. Ang maliit na kasinungalingan ay nagiging normal. Ang maliit na pandaraya ay nagiging “diskarte.” Ang pansariling interes ay nagiging patakaran. Ang kasalanang nagsimula sa puso ay lumalawak at naaapektuhan ang buong lipunan.

Kaya ang tugon ng Salmo ay hindi depensa sa sariling karupukan kundi pagsisisi ng isang taong tunay na naghahangad magbago: “Isang pusong tapat sa aki’y likhain.” Hindi natin kayang ayusin ang sugat ng mundo kung hindi muna natin haharapin ang sugat sa loob. Kaya pinapaalala sa atin na ang Kuwaresma ay hindi panahon para sisihin ang iba, kundi panahon para amining, “Ako rin ay nagkukulang.” Ang pagsisisi ay hindi kahinaan; ito ang simula ng paghilom.

Sa ikalawang pagbasa, sinabi ni San Pablo sa mga taga-Roma na kung paanong sa isang tao pumasok ang kasalanan, sa isang tao rin dumating ang kaligtasan. Sa pag-iisip ng mga Hudyo, ang kinakatawan ng isa ay nagiging kapalaran ng lahat. Kung paanong nadamay tayo sa sugat ni Adan, nadadamay din tayo sa biyaya ni Kristo. Ibig sabihin, hindi kasalanan ang huling salita. Mas makapangyarihan ang grasya kaysa pagkakamali.

At sa Mabuting Balita, makikita natin na si Hesus mismo ay tinukso. Nagutom at napagod Siya. Hindi Siya ligtas sa karanasan ng tukso. Kaya naiintindihan Niya tayo. Ngunit pansinin ang mga tukso. Gawing tinapay ang bato—tuksong nagtutulak na gawing sentro ang pagkain at seguridad. Magpakitang-gilas sa templo—tuksong gawing palabas ang pananampalataya. Sambahin ang kasamaan kapalit ng mga kaharian ng mundo—tuksong gamitin ang kapangyarihan upang kontrolin ang lahat.

Hindi ba pamilyar ito? Isang mundong umiikot sa pera at pagkonsumo. Isang relihiyong minsan nagiging palabas. Isang politikang naniniwalang kailangang manupil upang maghari. Ang tukso ni Hesus ay hindi lang personal; ito ang hangin na nilalanghap ng lipunan.

Sa pagtanggi ni Hesus, ipinakita Niya na may ibang paraan. Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao. Hindi kailangang subukin ang Diyos para patunayan ang sarili. Hindi kailangang yumukod sa mali para magtagumpay. Ang tunay na kapangyarihan ay nakaugat sa pagtitiwala at pagsunod.

Kaya ngayong Unang Linggo ng Kuwaresma, ang tanong ay hindi lang kung ano ang iiwasan natin. Ang tanong ay sino ang ating pagtitiwalaan. Mananatili ba tayo sa lumang kuwento ng takot at pagkamkam, o papasok tayo sa bagong kuwento ng tiwala at pagsunod kay Kristo?

Ang kasalanan ay totoo. Ang tukso ay malapit. Ngunit mas malapit ang biyaya. At kung kay Adan nadamay tayo sa sugat, kay Kristo maaari tayong madamay sa buhay. Ang Kuwaresma ay paanyaya na lumabas sa pagtatago at bumalik sa Diyos na patuloy na humihinga ng buhay sa ating alabok.

Kaya marahil ngayon, mas malinaw ang panalangin ng awit: “O, tukso, layuan mo ako.” Hindi ito sigaw ng takot kundi paninindigan ng tiwala. Hindi lamang pag-iwas sa kasalanan kundi paglapit sa Diyos. Sapagkat ang tunay na katapatan ay hindi nakasalalay sa tibay ng ating pangako, kundi sa grasya ng Diyos na nagbibigay sa atin ng lakas upang tumanggi, tumayo muli, at pumili araw-araw ng buhay kasama Niya.