Pagsunod na minimum?
Ang Kautusan ay hindi tanikala. Ito ay direksyon. At ang tunay na kalayaan ay hindi paggawa ng kahit ano, kundi kakayahang pumili ng mabuti.
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon – Sirak 15:16-21 (gr. 15-20)| Salmo 118| 1 Corinto 2:6-10 | Mateo 5:17-37 (o Mateo 5:20-22a, 27-28, 33-34a, 37)
Sa ating araw-araw na buhay, napapalibutan tayo ng mga batas at patakaran. May alituntunin sa bahay, may batas trapiko sa kalsada, may policies sa opisina at may guidelines sa paaralan. Madalas, kapag hindi natin lubos maintindihan ang dahilan, ang sagot na lang ay “Sumunod ka na lang.” At sa totoo lang, may mga sandali na pakiramdam natin pabigat ang batas, parang hinahadlangan tayo, parang may pumipigil sa gusto natin.
Pero kapag huminto tayo at nag-isip, maiintindihan natin na ang batas ay hindi ginawa para pahirapan ang tao. Ginawa ito para ayusin ang ugnayan, para protektahan ang buhay, para tiyaking ang kalayaan ng isa ay hindi magiging panganib sa iba.
Sa Mabuting Balita ngayon, malinaw ang sinabi ni Hesus: “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan. Naparito ako hindi upang pawalang-bisa kundi upang tuparin.” Hindi Siya dumating para burahin ang batas ng Diyos. Dumating Siya para ipakita ang tunay nitong kahulugan.
At dito nagiging mas seryoso ang usapan. Dahil kadalasan, ang tanong natin ay ito: Ano ang minimum para masabing okay ako? Hanggang saan ang bawal? Ano ang puwede basta hindi nahuhuli? Sanay tayo sa ganitong paraan ng pag-iisip. Legal pero hindi laging makatarungan. Tama sa letra pero kulang sa malasakit.
Ngunit nang tuparin ni Hesus ang Kautusan, dinala Niya ito sa mas malalim na antas. “Narinig ninyo na sinabi, ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo.” Hindi sapat na hindi ka pumatay; suriin mo ang galit sa puso mo. Hindi sapat na hindi ka nakiapid; bantayan mo ang pagtingin mo sa kapwa. Hindi sapat na may handog ka sa dambana; kung may sugat ang relasyon, unahin mo ang pakikipagkasundo.
Ibig sabihin, ang problema ay hindi lang kilos. Ugat ito ng puso. At ang nais tuparin ni Hesus ay hindi lang panlabas na kaayusan kundi panloob na pagbabago.
Ang batas ng Diyos ay hindi lang tungkol sa personal na kabanalan. Ito ay tungkol sa uri ng lipunang ating binubuo.
Sa unang pagbasa, inilagay ng Diyos sa harap natin ang apoy at ang tubig, ang buhay at ang kamatayan. May kalayaan tayong pumili. Hindi Niya tayo pinipilit. Ngunit ang bawat pagpili ay may direksiyon. At ang direksiyong iyon ay hindi lang personal. May epekto ito sa pamilya, sa komunidad at sa lipunan.
Dahil ang galit na hindi inaayos ay nagiging kultura ng paninira. Ang pagnanasa na hindi sinusuri ay nagiging kultura ng pagsasamantala. Ang maliit na kasinungalingang pinapalampas ay nagiging sistemang nabubuhay sa kasinungalingan. Ang batas ng Diyos ay hindi lang tungkol sa personal na kabanalan. Ito ay tungkol sa uri ng lipunang ating binubuo.
Sa ikalawang pagbasa, pinaalala ni Apostol San Pablo na may karunungan ang Diyos na hindi agad nauunawaan ng mundo. Kung naunawaan nila, hindi nila ipinako sa krus ang Panginoon. Ibig sabihin, maaaring maayos ang panlabas na sistema ngunit kung ang puso ay hindi nakaugat sa karunungan ng Diyos, kayang ipako sa krus ang katotohanan.
Ang pagtupad ni Hesus sa Kautusan ay umabot hanggang krus. Doon Niya ipinakita na ang batas ng Diyos ay hindi malamig na regulasyon kundi nag-aalab na pag-ibig. Isang pag-ibig na hindi lang umiwas sa kasalanan, kundi handang magbago at magbigay ng sarili.
Kaya ngayong Linggo, marahil ang tanong ay hindi kung may batas pa ba. Ang tanong ay ito: hinahayaan ba nating baguhin ni Kristo ang ating puso? O hanggang letra lang tayo, habang nananatiling matigas ang loob?
Madali ang hindi pumatay, mas mahirap ang magpatawad. Madali ang hindi mangalunya sa gawa, mas mahirap ang maging malinis sa pagtingin. Madali ang magsabi ng “Lord, Lord.” Mas mahirap ang magsabi ng malinaw na “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, kahit may kapalit.
Ang Kautusan ay hindi tanikala. Ito ay direksyon. At ang tunay na kalayaan ay hindi paggawa ng kahit ano, kundi kakayahang pumili ng mabuti.
Sa harap ng apoy at tubig, araw-araw tayong pumipili. Sana, hindi tayo makuntento sa minimum. Hayaan nating tuparin ni Kristo ang batas sa ating puso, upang ang ating pananampalataya ay hindi lang tama sa panlabas, kundi totoo hanggang sa kaibuturan.