close
Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Pananatili sa preview

Para bang gusto nating tumira sa preview, sa silip ng kaluwalhatiang darating, kaysa harapin ang mahabang daloy ng istorya.

Ikalawang Linggo ng Kuwaresma – Genesis 12:1-4a | Salmo 32 | 2 Timoteo 1:8b-10 | Mateo 17:1-9

May isang kakaibang ugali ang henerasyon natin kapag nanonood ng series. Kapag patapos na ang isang episode at biglang lalabas ang preview ng susunod, doon tayo lalong napapako. Isang mabilis na montage, isang eksenang puno ng tensiyon, isang linyang bitin—at bigla tayong sabik.

Minsan mas pinag-uusapan pa ang teaser kaysa sa buong kuwento. Inuulit-ulit natin sa isip ang mga eksenang hindi pa nangyayari. Para bang gusto nating tumira sa preview, sa silip ng kaluwalhatiang darating, kaysa harapin ang mahabang daloy ng istorya.

Sa Mabuting Balita ngayong Ikalawang Linggo ng Kuwaresma, parang binigyan din ng preview sina Pedro, Santiago at Juan. Dinala sila ni Hesus sa mataas na bundok at doon Siya nagbagong-anyo. Nagliwanag ang Kanyang mukha, pumuting parang busilak ang Kanyang damit, at naroon sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa Kanya.

Isang sandali ng malinaw na kapahayagan: ito ang Anak. Ito ang kaluwalhatian. Ito ang wakas ng kuwento. Kaya hindi kataka-taka na sabihin ni Pedro, “Panginoon, mabuti pa’y dumito na tayo.” Parang gusto niyang i-freeze ang eksena, magtayo ng kubol at manatili sa preview ng tagumpay.

Ngunit ang tinig mula sa ulap ay hindi nag-utos na manatili sila roon. “Ito ang minamahal kong Anak, pakinggan ninyo siya.” At si Hesus mismo, matapos ang liwanag, ay inakay sila pababa ng bundok. Ang preview ay hindi pahingahan kundi paghahanda. Sapagkat ang susunod na kabanata ay hindi agad kaluwalhatian kundi krus.

Sa Unang Pagbasa, si Abram ay binigyan din ng isang uri ng preview. “Pararamihin kita. Gagawin kitang isang malaking bansa. Magiging pagpapala ka.” Wala pang lupang hawak, wala pang anak, wala pang kongkretong katiyakan, pangako pa lang.

Ngunit hindi nagtayo ng kubol si Abram sa salita ng Diyos. Hindi niya ginawang inspirasyonal quote ang pangako. Siya ay umalis. Iniwan ang bayan, ang tahanan ng ama, ang seguridad ng nakasanayan. Ang preview ng pagpapala ay nagtulak sa kanya sa paglalakbay, hindi sa pananatili.

Dito tayo hinahamon ng Salmo: “Poon, pag-asa ka namin.” Hindi preview ang ating pag-asa, kundi ang Diyos mismo. Sa kultura nating nahuhumaling sa highlights at curated images, madaling gawing emosyonal na sandali ang pananampalataya.

Gusto natin ng transfiguration moments—mga retreat high, mga viral homily, mga sandaling dama ang presensiya ng Diyos. Ngunit kapag ang pagsunod ay nangangahulugan ng pag-alis sa komportable, pakikibahagi sa paghihirap o pagtindig laban sa mali, bigla tayong nagdadalawang-isip.

Kaya malinaw ang paalala ni San Pablo kay Timoteo: “Makihati ka sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita.” Ang kaligtasan na inihayag kay Kristo ay hindi produkto ng ating gawa kundi ng layunin at kagandahang-loob ng Diyos.

Ngunit ang pakikibahagi natin dito ay may kasamang pakikibahagi sa paghihirap. Ang liwanag ng bundok ay hindi hiwalay sa dilim ng Golgota. Ang preview ng kaluwalhatian ay totoo, ngunit daraan muna sa landas ng pagtitiis at katapatan.

Marahil ito ang sakit ng ating panahon: gusto natin ng pagbabagong-anyo nang walang pagtalikod sa sarili, ng kaluwalhatian nang walang krus, ng pangako nang walang pag-alis. Ngunit ang Diyos ng Genesis, ng Salmo, ng Ebanghelyo ay Diyos na tumatawag ng pagkilos. Kay Abram: umalis ka. Sa mga alagad: bumaba tayo. Kay Timoteo: makihati ka. At sa atin: magtiwala ka.

Ang Kuwaresma, kung gayon, ay hindi pananatili sa preview ng kaligtasan. Ito ay paglakad sa direksiyon ng pangako. Hindi tayo tinawag upang magtayo ng kubol sa sandaling maganda ang pakiramdam.

Tinawag tayo upang pakinggan ang Anak at sumunod, kahit ang daan ay pababa ng bundok. Sapagkat ang tunay na pag-asa ay hindi nakasalalay sa liwanag na sandali nating nasilayan, kundi sa Diyos na nangakong ang huling salita ay hindi krus kundi buhay.