Tuloy ang impeachment
Ayon sa mga alyado ng mga Marcos at Romualdez, hindi raw direkta mauugnay ang pangulo sa anumang anomalya. Katulad din ni Marcos Jr., nagmamaang-maangan ang kanyang mga kakampi.
Nagdeklara no’ng isang linggo ang Supreme Court (SC) na “unconstitutional” o labag sa Saligang Batas daw ang huling reklamong impeachment na isinampa ng Kamara kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte. Naging estrikto ang SC sa mga detalye at naglinaw na magkaiba ang calendar days at session days ng mga mambabatas.
Ang puno’t dulo nito’y higit na pagpapatibay ng one-year bar o paglilimita sa paghahain ng mga reklamo kay Duterte. Pero giit ng ibang mambabatas ng oposisyon, bola ng Kongreso at hindi ng SC ang pagtatakda ng mga proseso ng impeachment.
At habang muling papasok ang gobyerno sa panibagong serye ng mga debate tungkol sa kawastuhan ng proseso’t mga polisiya, para sa mamamayang naghahangad ng pagbabago, mapa-legal o extralegal, tuloy ang impeachment.
Muling ipinakita ng mga proseso ng pamahalaan na napakahirap mapangot ang mga nasa poder. At kahit pa sumalang na ang mismong complaint sa kamay ng mga mambabatas, may matinding unahan pa riyan. Sino ang nagsampa? Nauna? May pinakamabigat na batayan? Aling reklamo ang aabante at sisikat?
Iyan rin ang lumantad sa pagbasura ng Kamara sa reklamong impeachment ng Makabayan bloc laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ikalawang reklamong sinampa sa kanya at nangunang naningil sa papel ng kanyang opisina sa paglaganap ng korupsiyon sa mga flood control project at iba pa.
Ayon sa mga alyado ng mga Marcos at Romualdez, hindi raw direkta mauugnay ang pangulo sa anumang anomalya. Katulad din ni Marcos Jr., nagmamaang-maangan ang kanyang mga kakampi.
Kagaya ng SC, hadlang ang Kamara na may sinumang mataas na opisyal na managot. Kapag may nasampolan, takot silang magsunod-sunod na.
Kagaya ng iba pang hakbang tungo sa pagbabago sa ating bansa, nangangailangan ito ng matinding tulak mula sa ibaba, mula sa maliliit na tao na kapag nagsama-sama, nagiging makapangyarihan.
Tandaan natin, si Marcos Jr. mismo ang humarang sa impeachment noong unang reklamo kay Duterte noon pang 2024 hanggang 2025. At nakatulong ang kawalang aksiyon ng pangulo sa pagmamaliit ng mga burukrasya sa halaga ng pagpapababa kay Duterte.
Nitong Peb. 6, nagpasa ang Makabayan bloc ng sarili nitong impeachment complaint laban kay Duterte. Ito ang unang impeachment complaint laban sa bise ngayong 2026. Tinukoy ng Makabayan ang pandarambong ng Office of the Vice President ng P612.5 milyon kasabay ng serye ng mga anomalya sa mga rekord nito.
Tinawag itong “serial impeachment” ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, na parang nagpapasa lang ng impeachment para may maipasa at hindi dahil walang patid ang pangungurakot. Sa bisa ng impeachment complaint ng Makabayan, muling nabibigyan ng atensiyon ang pandarambong na natabunan lang rin ng iba pang kuwento ng pagnanakaw.
Pero hindi maiwasang lumutang ang tanong: Makakaasa nga ba tayong magtatagumpay ang impeachment?
Sa katunayan, wala pang sinumang nakaupong opisyal ng ehekutibo ang napababa ng impeachment, kahit pa’y huli sa pandaraya sa eleksiyon kagaya noon ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Kagaya ng iba pang hakbang tungo sa pagbabago sa ating bansa, nangangailangan ito ng matinding tulak mula sa ibaba, mula sa maliliit na tao na kapag nagsama-sama, nagiging makapangyarihan.
May legal na hakbang ang mga progresibong mambabatas. Pero higit na matimbang ang lakas ng panawagan ng mamamayan, para kahit tumagilid ang reklamo, mapapanagot pa rin ang may kaso. Diskarte sa dalawang larangan.
Ngayon, ibinasura na ang reklamo ng Makabayan bloc kay Marcos Jr. Tapos na ba ang laban? Nagpapatuloy ito sa iba pang mga larangan.
Dahil sistema ng gobyerno at lipunan ay may problema at hindi naglilingkod sa mamamayan, lalong pinahihirapan nito ang bawat hakbang sa pagkamit ng hustisya.
Mamamayan ang mapagpasya. Ititindig natin ang impeachment sa Kongreso, pero alam nating higit na mahalaga ang mismong pagtindig kaysa sa kung bigyang pansin man ang reklamong nakasulat sa kapirasong papel.