close
Pop Off, Teh!

Atrasado


Hindi dapat paatras ang kalagayan ng kababaihan kundi pasulong at tungo sa tunay na paglaya.

Sa unang tingin, tila simpleng datos lang ang inilabas na resulta ng sarbey ng Social Weather Stations (SWS). Ayon sa ulat, 83% ng mga Pilipino ang naniniwalang ang trabaho ng lalaki ay kumita ng pera habang ang trabaho ng babae ay alagaan ang bahay at pamilya.

Ngunit kung pagninilayan, isa itong nakababahalang salamin ng pananaw ng lipunan at isang malinaw na hakbang paatras para sa bansang matagal nang ipinagmamalaki ang mataas na ranggo sa gender equality.

Kung tutuusin, hindi na bago ang ganitong kaisipan. Daang taon nang nakakabit sa kababaihan ang papel bilang tagapangalaga ng tahanan. Ngunit ang tanong ay bakit hanggang ngayon ay tila hindi pa rin ito nagbabago. Sa kabila ng pag-usbong ng diskurso tungkol sa karapatan ng kababaihan at sa kabila ng mga batas at programa para sa gender equality, nananatiling malalim ang ugat ng ganitong pagtingin.

Ang problema rito ay hindi lang ang paghahati ng gawain sa loob ng pamilya. Ang mas malalim na usapin ay kung paano minamaliit ang gawaing bahay at pagkalinga sa pamilya. Kapag ang mga gawain tulad ng pag-aalaga ng anak, pagluluto, paglilinis at emosyonal na pag-aaruga ay itinuturing na natural na tungkulin ng babae, nawawala ang pagkilala sa halaga ng mga ito.

Dahil mababa ang tingin sa gawaing bahay, mababa rin ang tingin sa mga taong inaasahang gagawa nito at kadalasan ay kababaihan. Tila hindi kinikilala na ang gawaing pambahay ay pundasyon ng lipunan. Ang pagpapalaki ng mga anak, ang pag-aalaga sa pamilya at ang pagpapatakbo ng tahanan ay hindi maliit na bagay. Ito ang mga gawaing nagpapatuloy sa mismong buhay panlipunan. Ngunit madalas itong tinitingnang mababa o walang halaga.

At paano naman ang mga kalalakihang nagpasyang manatili sa bahay? Sa parehong lohika, tila minamaliit din ang kanilang pagkatao. Kapag ang gawaing pambahay ay itinuturing na pambabae at mababang uri ng gawain, ang lalaking gumagawa nito ay agad na hinuhusgahan. 

Sa mas malawak na larawan, repleksiyon ito ng kung paano gumagana ang sistemang piyudal at patriyarkal sa lipunan: ang kababaihan ay madalas itinuturing na mas mababa o pangalawa lang sa kalalakihan. Makikita ito sa kung paanong tratuhin ng mga politiko ang kababaihan. 

Isang halimbawa nito ang mga binitiwang salita ni Bong Suntay kay Anne Curtis. Ang Hindi lang simpleng pambabastos sa isang artista kundi malinaw na halimbawa kung paano tinatrato ng mga nasa kapangyarihan ang kababaihan. Ang ganitong mga pahayag at ang mga sarbey na nagpapakita ng makalumang pananaw ay parehong sintomas ng mas malalim na problema sa kultura at istruktura ng lipunan.

Mas nagiging mahalaga ang usaping ito ngayong Buwan ng Kababaihan. Nakababagabag kapag may mga datos na tila nagbabalik sa atin sa lumang pagtingin sa kababaihan. Ang mga ganitong sarbey ay hindi dapat maging dahilan upang tanggapin ang atrasadong pananaw bilang normal.

Sa halip, dapat itong magsilbing babala na marami pang kailangang baguhin. Ang tunay na pag-unlad ng lipunan ay hindi lang nasusukat sa ekonomiya o ranggo sa pandaigdigang ulat. Nasusukat ito sa kung paano natin kinikilala ang dignidad at kakayahan ng bawat tao.

Hindi dapat paatras ang kalagayan ng kababaihan kundi pasulong at tungo sa tunay na paglaya. Hindi ba’t habang hinahayaan nating ganito ang mga talakayan, lalo lang nating pinatatagal ang sistemang matagal nang dapat binabago?