close
Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Mula sa libingan… buhay!

Ang paanyaya ay hindi lang magnilay, kundi kumilos.

Ikalimang Linggo ng Kuwaresma – Ezekiel 37:12-14 | Salmo 129 | Roma 8:8-11| Juan 11:1-45 (o Juan 11:3-7, 17, 20-27, 33b-45)

May mga eksena sa mga teleserye o pelikulang Pilipino na paulit-ulit nating nakikita: may karakter na “akala mo patay na,” iniiyakan na, inilibing na sa alaala, pero biglang babalik. Minsan literal, minsan hindi. Minsan ang namatay ay hindi katawan kundi pag-asa, relasyon o pangarap. At kapag dumating sa puntong iyon, may tanong na bumabalot sa ating mga puso: may babalikan pa ba? May bubuhay pa ba?

Kung tutuusin, iyon din ang tanong na hinaharap ng mga pagbasa ngayong Linggo. Hindi lang ito tungkol sa kamatayan bilang katapusan ng buhay, kundi tungkol sa mga anyo ng “pagkamatay” na nararanasan natin bilang tao at bilang lipunan. At higit sa lahat, ito ay tungkol sa Diyos na hindi tumitigil sa pagbibigay-buhay.

Malinaw ang paglalarawan ni propeta Ezekiel sa unang pagbasa. May isang lambak na puno ng mga buto. Dito, may mga libingang bubuksan, mga taong ibabangon, hihingahan muli ng buhay. Ito ang pangitain ng tuyong mga buto—isang bayan na nawalan na ng pag-asa, parang patay na sa gitna ng pagkawasak at pagkakatapon. Pero ang mensahe ng Diyos ay radikal: “Ibabangon ko kayo.” Ibig sabihin, walang sitwasyon na sobrang patay para sa Diyos. Walang libingan na hindi Niya kayang buksan.

At parang sinasalo ito ng Salmo. Isang tinig mula sa kailaliman ang sumisigaw: “Sa gitna ng paghihirap, tinawag ko ang Panginoon.” Ito ang dasal ng taong nasa kailaliman—sa bigat ng kasalanan, sa lalim ng lungkot, sa pakiramdam na wala nang pag-asa.

Pero hindi siya tumigil sa pagtawag sa gitna ng kanyang pagtatangis. Dahil naniniwala siya na ang Diyos ay hindi lang hukom kundi mapagpatawad, hindi lang makapangyarihan kundi mahabagin. Kahit gaano kalalim ang “libingan” ng tao, may Diyos na nakikinig at handang bumaba upang magligtas.

Pagdating sa Ikalawang Pagbasa, parang binibigyan tayo ni San Pablo ng lente upang maunawaan ang ganitong karanasan. Sinasabi niya na may dalawang paraan ng pamumuhay: ayon sa laman at ayon sa Espiritu—kamatayan at buhay, kasalanan at biyaya. Pero hindi ito simpleng paghahati para pag-awayin ang dalawa.

Ipinapakita ni Pablo na kay Kristo nagtatagpo ang lahat. Si Hesus ang nagdadala ng Espiritu sa gitna ng ating pagiging makalaman, sa ating pagiging makasalanan. Kaya ang paanyaya ay hindi tumakas sa pagiging tao kundi hayaan ang Espiritu ng Diyos na manahan sa atin, upang ang ating “namamatay” na pagkatao ay unti-unting mabuhay muli.

At dito nagiging kongkretong kuwento ang lahat sa Ebanghelyo ng pagbuhay kay Lazaro. Hindi ito agad-agad na himala. May delay, may paghihintay, may sakit, may kamatayan. At higit sa lahat, may pag-iyak—kahit si Hesus mismo ay tumangis. Ibig sabihin, ang Diyos ay hindi malayo sa sakit ng tao. Nakikiiyak siya. Nakikidalamhati.

Pero hindi doon nagtatapos ang kuwento. Sa harap ng libingan, may utos si Hesus: “Alisin ninyo ang bato.” Parang sinasabi Niya na may bahagi ang tao sa pagbuhay. May mga batong kailangang alisin—mga takot, mga pagdududa, mga sistemang nakasanayan na parang libingan na rin. At pagkatapos, ang makapangyarihang tawag: “Lazaro, lumabas ka!”

At lumabas nga siya, nakabalot pa sa telang panglibing. Kaya may ikalawang utos: “Kalagan ninyo siya.” Hindi sapat na mabuhay. Kailangan ding palayain.

Kung pagmamasdan natin ang daloy ng kuwento, mapapansin din ang paglago ng pagkilala kay Hesus. Para kina Marta at Maria, nagsimula siya bilang Guro, kaibigan, Rabbi. Pero sa gitna ng kamatayan, lumalim ang kanilang pananampalataya: “Ikaw ang Mesiyas, ang Panginoon.” Sa madaling salita, ang karanasan ng “pagkamatay” ang naging daan upang makilala kung sino talaga si Kristo—hindi lang guro kundi Buhay mismo.

Kapag pinagsama-sama natin ang mga pagbasa, parang may iisang kuwento. Mula sa tuyong mga buto ni Ezekiel, sa sigaw ng mang-aawit mula sa kailaliman, sa paliwanag ni Pablo tungkol sa Espiritu, hanggang sa pagbuhay kay Lazaro—iisa ang sinasabi: ang Diyos ay Diyos ng buhay. Hindi Niya hinahayaan na ang kamatayan ang magkaroon ng huling salita.

At kung tutuusin, hindi lang ito kuwento ng nakaraan. Propesiya ito ng kung ano ang darating at paanyaya kung paano tayo mamumuhay ngayon.

Dahil sa ating lipunan, marami ring anyo ng “libingan.” May mga taong parang tuyong buto na sa pagod at hirap. May mga komunidad na matagal nang naghihintay ng hustisya pero tila wala pa ring umaga. May mga sistemang parang normal na ang pagkamatay ng pag-asa. At minsan, mas madali pang tanggapin na “ganito na talaga” kaysa maniwala na may magbabago pa.

Ngunit hindi nagtatapos sa tanong ang Ebanghelyo. Hinahamon tayo nito na sumagot sa pamamagitan ng ating ginagawa. Kung si Kristo nga ang muling pagkabuhay at ang buhay, paano ito makikita sa paraan ng ating pamumuhay?

Baka ang unang hakbang ay kilalanin kung nasaan ang mga “libingan” sa paligid natin at sa loob natin. Ano ang mga batong matagal na nating hinayaang manatili? Ano ang mga tali na patuloy na bumabalot sa iba—o maging sa atin—na maaari nating tulungan na kalagin? Dahil ang pananampalataya ay hindi lang paniniwala sa himala, kundi pakikibahagi sa gawain ng pagbuhay.

Kaya ang paanyaya ay hindi lang magnilay, kundi kumilos. Sa bawat pagkakataong pipiliin nating magbigay-buhay kaysa manahimik, magpalaya kaysa manghusga at magbangon kaysa mawalan ng pag-asa, doon nagiging totoo ang Ebanghelyo sa ating gitna.