close
Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Sinong papawi sa uhaw?

Kapag kulang ang pangangailangan, madaling isipin na iniwan na tayo ng Diyos.

Ikatlong Linggo ng Kuwaresma – Exodo 17:3–7 | Salmo 94 | Roma 5:1–2, 5–8 | Juan 4:5–42 (o Juan 4:5-15, 19b-26, 39a, 40-42)

Siguro narinig na natin ang isang kanta na bahagi ng chorus ay: “Bakit uhaw sa ’yong sayaw? Bakit ikaw?” May kakaibang pag-amin ng katotohanan ang linyang iyon. Parang aminado ang umaawit na may hinahanap siyang hindi niya lubos maipaliwanag.

Kahit malapit na ang taong gusto niya, kahit naroon na, parang may kulang pa rin. Kaya sa huli, inuulit ang pakiramdam: mananatiling uhaw. Parang sinasabi ng puso ng tao na may mga uhaw na hindi basta nawawala.

Kung tutuusin, iyon din ang larawan sa mga pagbasa ngayong Ikatlong Linggo ng Kuwaresma. Paulit-ulit na bumabalik ang isang karanasang pamilyar sa lahat: ang uhaw ng tao at ang tubig na ibinibigay ng Diyos.

Sa Unang Pagbasa mula sa Exodo, literal ang uhaw ng bayan ng Israel. Nasa ilang sila, pagod sa paglalakbay, at nauubusan ng tubig. Kaya nagreklamo sila kay Moises: “Inialis mo ba kami sa Egipto para patayin sa uhaw?”

Ngunit higit pa sa tubig ang tanong nila. Sa lugar na tinawag na Masa at Meriba, ang tunay na bumabagabag sa kanilang mga puso ay kung kasama pa ba nila ang Diyos o hindi. Kapag nauuhaw ang tao, mabilis siyang mawalan ng tiwala. Kapag kulang ang pangangailangan, madaling isipin na iniwan na tayo ng Diyos.

Dito pumapasok ang paalala ng Salmong Tugunan: “Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo siyang salungatin.” At may isa pang matinding linya ang salmo: “Iyang inyong puso’y huwag patigasin tulad ng ginawa ng inyong mga magulang nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.”

Ibig sabihin, ang tunay na panganib sa gitna ng uhaw ay hindi lang kakulangan ng tubig. Ang mas malaking panganib ay ang pagtigas ng puso. Kapag nasanay ang tao sa reklamo at pagdududa, kahit ang biyaya ng Diyos ay hindi na napapansin.

Sa Ebanghelyo naman, may isa pang eksena ng uhaw, ngunit mas tahimik at mas personal. Pagod si Hesus sa paglalakbay at umupo sa tabi ng balon ni Jacob. Halos tanghali na. Dumating ang isang babaeng Samaritana upang umigib ng tubig. Isang simpleng tagpo sa simula, ngunit sa pag-uusap nila ay unti-unting nagbago ang pagkilala ng babae kay Hesus.

Noong una, estranghero lang siya, isang Judiong nakikiusap ng tubig. Maya-maya, tinawag niya itong “sir.” Pagkatapos, sinabi niyang “propeta.” At sa huli, nang ibalita niya si Hesus sa kanyang bayan, ang mga tao mismo ang nagsabing Siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.

Habang lumalalim ang pagkilala ng babae kay Hesus, lumalalim din ang pag-unawa niya sa sarili niyang uhaw. Dumating siya upang kumuha ng tubig para sa katawan, ngunit natuklasan niya ang mas malalim na uhaw ng kanyang buhay.

Kaya sinabi ni Hesus: “Ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito’y magiging bukal sa loob niya na magbibigay ng buhay na walang hanggan.”

Sa Ikalawang Pagbasa, mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma, parang ipinapaliwanag ni San Pablo kung ano ang tubig na iyon. Sabi niya: “Ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo.”

Mapapansin ang salitang ibinuhos. Parang tubig na dumadaloy. Parang bukal na hindi nauubos. Hindi kaunting patak ang ibinibigay ng Diyos. Ibinubuhos niya ang kanyang pag-ibig kahit noong tayo’y mahihina pa at makasalanan pa.

Ngunit kung totoo ito, bakit parang marami pa ring nauuhaw sa mundo? Marahil dahil marami ring uri ng uhaw ang tao ngayon. May uhaw sa pagkilala at dignidad, lalo na sa mga taong pakiramdam ay hindi pinapansin. May uhaw sa katarungan, sa gitna ng mga sistemang tila pabor sa iilan. May uhaw sa pagmamahal at pakikinig, sa panahong maraming koneksiyon online ngunit maraming nag-iisa sa totoong buhay. At may uhaw sa kahulugan, sa gitna ng paulit-ulit na gawain at ingay ng mundo.

Minsan sinusubukan nating punan ang uhaw na ito sa maraming bagay, tulad ng pera, relasyon, tagumpay at aliwan. Ngunit tulad ng tubig sa balon ni Jacob, matapos uminom ay nauuhaw ulit.

Kaya mahalagang pansinin ang isang maliit na detalye sa Ebanghelyo. Nang makilala ng babae si Hesus, iniwan niya ang kanyang banga at tumakbo pabalik sa bayan upang ibalita ang kanyang natuklasan. Parang simbolo ito na may mas malalim na tubig na kanyang natagpuan. Hindi na lang siya naghahanap ng tubig. Siya mismo ang naging saksi sa bukal ng buhay.

Mula rito, isang tanong ang unti-unting lumilitaw sa atin. Ano ba talaga ang ating kinauuhawan? At kasabay nito ang paalala ng salmo: “Iyang inyong puso’y huwag patigasin.” Sapagkat minsan ang problema ay hindi kulang ang biyaya ng Diyos. Ang problema ay sarado ang puso ng tao.

Pinapaalalahanan tayo ng Mabuting Balita ngayon na hindi nawala ang bukal. Nasa gitna pa rin ng ating paglalakbay ang balon kung saan naghihintay si Kristo. At tulad ng ginawa niya sa Samaritana, hindi niya tayo tinatanggihan sa ating mga pagkauhaw. Inaanyayahan niya tayong uminom.

Sapagkat mahalagang pagnilayan natin hindi lang kung gaano tayo kauhaw, kundi kung saan tayo iinom.