close
Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Markado ka na

Kung may marka man ang isang Kristiyano, hindi ito dapat makita sa salita lang kundi sa pamumuhay.

Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma (Linggo ng Laetare) – 1 Samuel 16:1b, 6-7, 10-13a | Salmo 22 | Efeso 5:8-14 | Juan 9:1-41 (o Juan 9:1, 6-9, 13-17, 34-38)

May mga pagkakataon sa buhay na may nagsasabi sa atin ng pabirong linya: “Markado ka na.” Minsan positibo ang ibig sabihin, kapag napansin ng boss ang galing mo sa trabaho o kapag pinuri ka ng guro sa klase. Pero minsan din negatibo, kapag may nagawa kang mali at pakiramdam mo’y nakatatak na iyon sa tingin ng iba sa iyo.

Sa madaling salita, kapag sinabi sa isang tao na markado na siya, parang may tatak na sa kanyang pagkatao. May marka na hindi basta nawawala.

Kung tutuusin, iyon din ang isang larawan na lumilitaw sa mga pagbasa ngayong Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma. Ngunit ang marka na pinag-uusapan dito’y hindi marka ng kahihiyan kundi marka ng pagpili ng Diyos. Sa wika ng Bibliya, ito’y ang pagpapahid ng langis o anointing, isang tanda na ang isang tao’y hinirang, pinagkatiwalaan at isinugo.

Sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni Samuel, ipinadala ng Diyos ang propeta upang pahiran ng langis ang magiging hari ng Israel. Akala ni Samuel, ang pipiliin ng Diyos ay ang pinakamatangkad at pinakakikisig sa mga anak ni Jesse. Ngunit itinuwid siya ng Panginoon: “Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko.”

Sa huli, ang pinili ay ang pinakabata, si David, ang pastol ng mga tupa. Nang pahiran siya ng langis, parang sinasabi ng Diyos: Markado ka na. Pinili ka para maglingkod at hindi para sa kapangyarihan kundi para sa pananagutan sa bayan.

Ang ganitong larawan ay lumalalim sa Salmo. Sabi ng mang-aawit: “Nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan, at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.”

Ang pagpapahid ng langis dito ay hindi lang tanda ng paghirang kundi ng pagkalinga ng Diyos bilang Pastol. Kapag ang Diyos ang nagmamarka sa buhay ng tao, hindi ito tanda ng kontrol kundi ng pag-aaruga. Hindi ka lang mabubuhay. Aapaw ang biyaya.

Sa Ikalawang Pagbasa naman mula sa sulat sa mga taga-Efeso, parang ipinaliwanag ni San Pablo kung paano nababago ang buhay ng taong tinatakan ng Diyos. Sabi niya: “Dati, nasa kadiliman kayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag sapagkat kayo’y sa Panginoon.”

Kung may marka man ang isang Kristiyano, hindi ito dapat makita sa salita lang kundi sa pamumuhay. Ang sabi ni San Pablo, ang bunga ng pamumuhay sa liwanag ay kabutihan, katuwiran at katotohanan. Ibig sabihin, ang marka ng Diyos sa buhay ng tao ay hindi dekorasyon, ito ay paanyaya na mamuhay sa paraang kalugod-lugod sa Kanya.

Ngunit ang pinakakakaibang larawan ng pagmamarka ay makikita sa Ebanghelyo. Nakita ni Hesus ang isang lalaking ipinanganak na bulag. Gumawa siya ng putik mula sa lupa at laway at ipinahid ito sa mata ng lalaki. Parang isang simpleng kilos lang. Ngunit kung iisipin, muli itong isang uri ng pagpapahid, parang pagmamarka. Pagkatapos ay sinabi ni Hesus: “Pumunta ka sa Siloe at maghilamos.” At nang gawin ito ng lalaki, nakakita siya.

Mahalagang pansinin ang kahulugan ng salitang Siloe: “sinugo.” Kaya ang lalaking gumaling ay hindi lang nabigyan ng paningin. Siya ay naging saksi. Habang tinatanong siya ng mga Pariseo, unti-unting lumalalim ang kanyang pagkilala kay Hesus. Noong una, tinawag niya si Hesus na isang tao lang. Maya-maya, sinabi niyang isang propeta. At sa huli, nang matagpuan siyang muli ni Hesus, sinabi niya: “Sumasampalataya ako, Panginoon.”

Samantala, ang mga Pariseo na inaakalang malinaw ang kanilang paningin ay nagbulag-bulagan. Ayaw nilang tanggapin ang himala dahil hindi ito umaayon sa kanilang nakasanayang paniniwala na ang kapansanan ay tanda ng kasalanan. Kaya sa bandang huli, ang lalaking dating bulag ang nakakita sa Mesiyas, habang ang mga inaakalang nakakakita ay nanatiling bulag.

Kapag pinagsama-sama natin ang mga pagbasa, parang ipinapakita sa atin na may iba’t ibang paraan kung paano minamarkahan ng Diyos ang buhay ng tao.

May marka para sa paglilingkod, tulad ni David na hinirang upang maging pastol ng bayan. May marka para sa pamumuhay sa liwanag, na nagbubunga ng kabutihan, katuwiran at katotohanan. At may marka para sa pagsusugo, tulad ng lalaking gumaling na hindi natakot magsabi ng totoo kahit kinontra niya ang mga Pariseo.

Sa tradisyon ng Simbahan, ito ang pakikibahagi sa tatlong tungkulin ni Kristo: hari, pari at propeta. Ngunit ang mga tungkuling ito’y hindi lang tungkol sa relihiyosong ritwal o personal na debosyon.

Ang pagiging hari ay nakikita sa paglilingkod sa kapwa. Ang pagiging pari ay nakikita sa pamumuhay sa liwanag. At ang pagiging propeta ay nakikita sa tapang na magsabi ng katotohanan kahit hindi ito komportable pakinggan.

Dito nagiging mas matindi ang hamon ng mga pagbasa. Sapagkat ang ganitong pagmamarka ay hindi lang nangyari sa mga tauhan ng Bibliya. Nang tayo’y bininyagan, pinahiran din tayo ng langis. Ibig sabihin, tayo rin ay tinatakan ng Diyos. Markado na rin tayo.

Ngunit sa ating lipunan ngayon, marami ring anyo ng pagbulag-bulagan. May mga taong malinaw na ang nakikitang kawalan ng katarungan ngunit pinipiling manahimik. May mga sistemang tila sanay nang hindi pansinin ang pagdurusa ng mahihirap.

Parang inuulit lang natin ang eksena sa Ebanghelyo, kung saan ang mga inaakalang nakakakita ay nagbulag-bulagan, habang ang dating bulag ang siyang nagkaroon ng lakas ng loob na magsalita.

Habang papalapit ang Semana Santa at ang pagsasariwa ng ating mga pangako sa binyag, magandang pangnilayan natin kung tayo ay markado ng Diyos, nakikita ba ito sa paraan ng ating pamumuhay?

Sapagkat ang marka ng Diyos ay hindi lamang dapat makita sa noo na pinahiran ng langis, kundi sa isang buhay na naglilingkod, namumuhay sa liwanag, at may tapang na manindigan para sa katotohanan.