Sisa at pakikibaka
Ibinalik tayo ng “Sisa” sa tagpo ng isa sa mga ikinukubling henosidyo sa kasaysayan ng imperyalismong Amerikano—ang paglipol sa mga Pilipino sa unang bahagi ng ika-20 siglo.
May taglay na bigat ang panonood ng pelikulang “Sisa” (2026) ni Jun Robles Lana sa gitna ng pagsalakay ng imperyalistang US sa Venezuela at sa Iran. Tuloy-tuloy pa rin ang ragasa ng mga imahen ng hinagpis ng mga babaeng nabalo, naulila, nawalan ng mga anak at mga kapatid mula sa Palestina. Sa iba’t ibang panig ng daigdig na sinasalakay ng agresyong kolonyal, palagiang may imahen ng mga tumataghoy na ina, asawa, kapatid at anak.
Ibinalik tayo ng “Sisa” sa tagpo ng isa sa mga ikinukubling henosidyo sa kasaysayan ng imperyalismong Amerikano—ang paglipol sa mga Pilipino sa unang bahagi ng ika-20 siglo. Masasaksihan ang historikal na sandaling ito mula sa mga mata ng pangunahin nitong tauhan—isang walang pangalang babaeng pinaghihinalaang nahibang dahil sa karahasan ng digmaan.
Sisa ang ipinasyang itawag sa kanya, halaw mula sa tauhan sa “Noli Me Tangere” ni Jose Rizal. Matingkad ang paglulugar ng pelikulang ito sa balangkas ng nobelang ito na inilapat sa milieu ng kolonyalismong Amerikano—ang maliit na bayan ng San Diego ay naging pamayanang hinamlet ng mga mananakop; ang mga guardia civil ay naging mga puwersang Amerikano; ang mga nagsisimbang manang sa simbahan ay naging mga ensemble ng nagtsitsismisang reconsentrado.
Sa melodrama ng maliit na bayan, nanghimasok si Sisa. Sa kultural na imahinasyon, ang baliw na babae ay isang matingkad na trope upang ilantad ang kahibangan ng sistemang panlipunan. Nariyan si Sisa ng “Noli”, si Sepang Loca sa dula ni Amelia Lapeña-Bonifacio na may kaparehong pamagat, si Kuala ng “Tinimbang Ka Ngunit Kulang” (1974). Mula sa “Jane Eyre” ni Charlotte Bronte, hinalaw ni Jean Rhys ang tauhan ni Bertha Mason sa “Wide Sargasso Sea”, isang tauhang nahibang at ipininid sa isang silid, ipiniit ng magkatambal na pwersa ng kolonyalismo at patriyarka.
Sa “Sisa”, may gampanin ang kabaliwan upang ilantad ang marahas na kolonyal na lohika. Kung umiiral ang pananakop bilang isang porma ng rasyonalidad, makatarungan ang magpakahibang bilang pagbalikwas sa ibinabandilang katinuan at lohika ng imperyalismo.
Mahalagang banggitin din na umiiral ang kahibangan bilang bahagi ng regresibong trope ng babae bilang irasyonal at emosyonal, habang ang lalaki ang sityo ng katuwiran at lohika. Matingkad naman ang layunin ng pelikula na usisain ang reaksiyonaryong katangian ng trope na ito.
Sa “Sisa”, may gampanin ang kabaliwan upang ilantad ang marahas na kolonyal na lohika. Kung umiiral ang pananakop bilang isang porma ng rasyonalidad, makatarungan ang magpakahibang bilang pagbalikwas sa ibinabandilang katinuan at lohika ng imperyalismo.
Gayunpaman, sa huling bahagi ng pelikula, tila regresibo ang paggamit ng trope na ito sa pagtutok sa naunsyaming pangako ng rebolusyon. Dito, piniling itampok ang sagupaan ng mga lalaki at babae sa loob ng rebolusyon bilang sagupaan ng rasyonalidad (ng pagsuko) at kahibangan (ng pagpapatuloy sa pakikibaka). Tila mauulinigan dito ang alingawngaw ni Heneral Luna sa isa pang pelikula: “Mayroon tayong mas malaking kaaway kaysa mga Amerikano.”
Bagaman mahalagang usapin sa anumang pakikibaka ang mga panloob na kontradiksiyon sa hanay ng mga rebolusyonaryo (na may mga regresibo at reaksiyonaryong katangian din), tila humakbang paatras ang anti-kolonyal na tunguhin ng naratibo na naunang pinatingkad ng samu’t saring tagpo ng karahasan ng mga mananakop sa mga tauhan. Nauwi ang pakikibakang anti-kolonyal sa kontradiksiyong nakabalangkas sa gender war, sa pagitan ng mga nakikibaka.
Sa huli, sinubukang irebisa ng pelikula ang naunsyaming climax ng “El Filibusterismo”. Ngunit ito ay isang akto na ng kolektibong pagpapatiwakal, sa halip na magsilbing mitsa sa papaigting na pakikibaka. Natupok ang mas radikal na kahibangang lampasan ang mga pagkaunsyami, pagsuko at kabiguan—gayundin ang posibilidad na bumalikwas sa marahas na katinuan ng umiiral na sistema ng pananakop at panunupil.