close
Pop Off, Teh!

Sa simbahang mapagpalaya


Sa darating na ika-30 ng Abril, ilulunsad ang libro nina Trist’n at Wowa sa pakikipagtulungan ng UP Diliman Gender Office, Kinaiya at Iglesia Filipina Independiente.

Nakilala ng publiko si Rev. Wowa Ledama bilang isang babaeng trans na diyakono ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) noong 2023 nang ordinahan siya, isang hakbang patungo sa pagiging ganap na pari. Siya ang kauna-unahang babaeng trans na seminarista na nag-aral sa Aglipay Central Theological Seminary (ACTS) sa Pangasinan.

Taong 2017 nang ilabas ng IFI ang isang pahayag na “Our Common Humanity, Our Shared Dignity” na kumilala sa mga LGBTQ+ bilang bahagi ng simbahan at marapat na katuwang sa pagkamit ng makatarungan at mapayapang mundo.

Ayon sa pahayag, “Naniniwala kami na dapat bukás na yakapin ng Simbahan ang mga anak ng Diyos na may iba’t ibang kasarian, oryentasyong sekswal, identidad ng kasarian, at pagpapahayag ng kasarian (Ssogie) habang sama-sama tayong naglalakbay tungo sa isang makatarungan at mapayapang mundo.”

May tatak sa kasaysayan ang pagkakaroon ng representasyon ng mga transgender na indibidwal sa simbahan tulad ni Wowa. Una, sa konserbatibong kalikasan ng simbahan, ni hindi kinikilala ang mga identidad na labas sa dalawahang pagtingin sa kasarian. Pangalawa, maraming LGBTQ+ na indibidwal na nasa simbahan ang pilit na itinatago ang kanilang pagkatao dahil sa pagkintal na ito’y kasalanan. At pangatlo, marahil ang pinakamabigat, ay ang pagdanas ng iba’t ibang klase ng dahas at abuso ng sangkabaklaan na nasa loob ng simbahan.

Sa pagkakaroon ng representasyon ni Wowa sa simbahan, nagbubukas ito ng maraming espasyo upang maglingkod at pumasok ang marami pang trans sa simbahan at baguhin ang institusyong ito.

Ayon kay Wowa sa kanyang ordinasyon noong 2023, “Magkakaroon ba tayo ngayon ng trans woman na pari? Hindi ‘yon mahirap. At hindi ‘yon isang question para sa atin. Magkakaroon din ba ng obispong trans woman? By the spirit of God, by the enlightenment, and the Holy Spirit, magkakaroon. Hindi man ngayon, but soon. At ‘yang soon na ‘yan, makakamit pa rin natin.”

Palaging itinuturo sa atin ng simbahan na maging mabuti at matulungin sa kapwa. Subalit sa simbahan din nagmumula ang panghahamak at pang-aapi. Kung magiging mapagpalaya ang simbahan, tiyak na bubuti ang marami at matutupad ang tunay na papel ng simbahan. Katulad noong panahon ng batas militar, ang simbahan ang kumalinga sa mamamayang naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Ang totoo’y na-inspire ako sa kuwento ni Wowa. At tiyak na marami pang mai-inspire sa kuwento niya, lalo pa’t magkakaroon na ng libro si Wowa kasama ang kaibigan kong si Trist’n Buenaflor, isang premyadong manunulat ng kuwentong pambata. Binigyang-buhay ng mga salita ni Trist’n ang kuwento ng buhay at pakikibaka ni Wowa sa loob at labas ng simbahan. Si Wowa rin ay naging kapwa manunulat sa kuwentong ito.

Sa darating na ika-30 ng Abril, ilulunsad ang libro nina Trist’n at Wowa sa pakikipagtulungan ng UP Diliman Gender Office, Kinaiya (kolektibo ng LGBTQ+ na manunulat at artista) at Iglesia Filipina Independiente. Ang libro nina Wowa at Trist’n ay tiyak na magbubukas pa ng maraming posibilidad na maikuwento ang danas ng LGBTQ+ sa mga larangan at espasyong hindi madalas maging paksa ng panitikan.

Mahirap maging babaeng trans, katulad ng nasabi ko noon. Paulit-ulit na binubura ang aming identidad, hindi lang sa kasaysayan kundi maging sa panitikan. Sa pamamagitan ng libro nina Wowa at Trist’n, naniniwala akong maraming babaeng trans ang mahihikayat na magsulat o kaya’y ibahagi ang kanilang kuwento. Pagbawi at pagsasakapangyarihan ito, higit sa lahat.