Tinig sa karaniwan
Kung ikaw na nagbabasa nito ay may agam-agam sa pagsusulat, tandaan mong ikaw ang eksperto sa sarili mong kuwento. Walang ibang makapagsasalaysay nito maliban sa iyo.
Buwan ng Panitikan ngayong Abril, at sa palagay ko, mahalagang magsulat ako tungkol sa pagsusulat.
Hindi, hindi naman ako kilalang manunulat o eksperto sa larangang ito. Ewan ko ba kung bakit napapadalas ang pag-iimbita sa akin upang magbahagi ng aking nalalaman sa pagsulat nitong mga nakaraan. Hindi naman ako nagbubuhat ng sariling bangko, sadyang inimbitahan lang ako upang magturo sa mga kabataan at, ‘di maglalaon, pati na rin sa mga manggagawa.
Marami sa mga nagsisimulang magsulat ang may agam-agam sa paglikha ng kanilang sariling kuwento. Ayos lang iyon—iyon ang lagi kong sinasabi sa mga kalahok sa mga palihan at talakayan. Hindi ka naman agad magiging mahusay. Ganoon din ako nagsimula—pasulat-sulat ng tula, pasulat-sulat ng kuwento. Hindi madali ang magtagni-tagni ng mga salita upang makabuo ng kuwento, balita, lathalain o iba pang akda.
Wala akong pormal na digri sa pagsusulat kundi ang tanging kagustuhan lang na magsulat ang aking dala-dala. Kaya noong ako’y nasa kolehiyo, mahalagang bahagi ng aking pagkatuto ang pagsali sa publikasyon at pagdalo sa mga workshop ng College Editors Guild of the Philippines o CEGP. Hindi rin naging madali ang pagsali sa mga pambansang palihan noon, at dahil mabagal ang internet, suwertehan ang mga pagkakataong mapagpasahan ng akda.
Karaniwang agam-agam ng mga dumadalo sa mga palihan ang kanilang kakayahang magsulat. May ilang nanay, noong inilunsad namin ang Suong, isang palihan para sa mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killing, ang nagsabing hindi nila alam kung ano ang kanilang isusulat. Ngunit tulad ng sabi ni Faye Cura ng Gantala Press, sino nga ba ang hindi pa nakapagsulat sa tanang buhay ng isang tula ng pag-ibig o isang liham?
Kung ikaw ay manggagawa sa pabrika, magsasaka, o drayber o asawa ng drayber na apektado ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis, dala mo ang mga kuwentong hindi madalas mabasa o maunawaan ng mga katulad namin.
Sa huli, buong tapang na naisulat ng mga nanay, kapatid, at asawa ang kanilang mga danas at pinagdaanan sa paghahanap ng hustisya. Mababasa ang kanilang mga akda sa librong Suong (Gantala Press, 2024).
Kamakailan, naimbitahan din akong magturo ng pagsusulat sa mga manggagawa. Laking gulat ko sa lalim at dami ng mga akdang naisulat ng mga kasamahan sa Institute for Occupational Health and Safety Development o IOHSAD—mga karanasan sa loob ng pagawaan, mga panggigipit ng manedsment, pag-atake sa unyon, at maging ang tuwa at hirap sa pag-oorganisa at pagpapakilos. Sa katunayan, ang naituro na lang namin ay ilang teknik at kasangkapan kung paano nila sisimulan at higit pang huhubugin ang kanilang mga akda.
Kung ikaw na nagbabasa nito ay may agam-agam sa pagsusulat, tandaan mong ikaw ang eksperto sa sarili mong kuwento. Walang ibang makapagsasalaysay nito maliban sa iyo.
Sa pagbabahagi ng iyong kuwento, nagbubukas ka ng mga espasyo upang makita ang mga bahagi ng mundong hindi nakikita sa mga pormal na lugar. Kapag hindi mo ikinuwento ang iyong kuwento, nananatili kang “invisible”—hindi nakikita, hindi naririnig. Nalilimutan na ang iyong danas ay kasinghalaga rin ng sa iba.
Kung ikaw ay manggagawa sa pabrika, magsasaka, o drayber o asawa ng drayber na apektado ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis, dala mo ang mga kuwentong hindi madalas mabasa o maunawaan ng mga katulad namin.
Marami nang naisulat tungkol sa karanasan ng panggitnang uri, ngayon ang panahon upang mabigyang espasyo ang iba pang sektor ng lipunan na madalas maisantabi. Tandaan mong sa panulat nagsimula ang pagkamulat ng mga naglunsad ng pakikibaka laban sa mga kolonisador at mga diktador.
May tinig sa pagiging karaniwan. Tulad ng sabi ni Anne Lamott, “maituturing na handog kanino man ang pagsasabi ng katotohanan; at biyaya ang paglikha ng sining sa gitna ng kaguluhan, ligalig, at kalungkutan—ang gawin itong awit, tula, o kuwento. Ito ang pinakamagandang regalong maipagkakaloob natin sa isa’t isa.”
Ano pang hinihintay mo? Magsulat na at ibahagi ang iyong kuwento sa mundo.