Ilang pangisdaan sa Oriental Mindoro, maaari nang buksan

June 7, 2023

Oil spill off the waters of Oriental Mindoro.

Iminungkahi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong Mayo 8 na maaari nang buksan sa mga mangingisda ang Cluster 4 (Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao) at 5 (Puerto Galera, Baco at San Teodoro) sa lalawigan ng Oriental Mindoro.

Sa BFAR Bulletin No. 4, iminungkahi nila sa pamahalaang panlalawigan na maaari nang ibukas sa mga mangingisda ang mga naturang lugar dulot ng katanggap-tanggap na kalagayan ng mga barangay sa panunumbalik ng pangingisda.

Sa kabilang banda, nanatili pa din ang langis sa ibabaw ng karagatan partikular na sa Cluster 1 (Calapan at Nauhan), 2 (Pola) at 3 (Pimalayan, Gloria at Bansud) ayon sa resulta ng sampling ng BFAR kaya sarado pa rin sa pangingisda ang mga lugar na nananatili ang kontaminasyon sa tubig.

Sa datos ng gobyerno, lumaki ang bilang ng pamilyang naapektuhan ng oil spill mula sa mga naunang ulat. Sa kanilang tala noong Mayo 11, umabot na sa mahigit 40,700 pamilya ang apektado o katumbas ng humigit kumulang 192,000 katao.

Umabot na din sa P4.7 bilyon ang tinatayang inabot na pinsala sa Mimaropa at Western Visayas. Nananatili pa rin ang state of calamity sa 15 munisipyo at lungsod.

May plano namang ihabla ng Department of Justice (DOJ) ang mga sangkot sa iligal na operasyon ng lumubog na barkong MT Princess Empress. Ayon kay Justice Undersecretary Raul Vasquez, tiyak na magsasampa sila ng kaso.

Nababahala rin ang mga mambabatas sa dahilang may nagpeke diumano ng dokumento na nagpahintulot na makapaglayag ang barko kahit na kulang ang mga kaukulang permit.

Naunang nang sinabi ng Maritime Industry Authority sa isang pagdinig sa Senado na walang permit ang MT Princess Empress sa porma ng pag-amiyemda sa certificate of public convenience nito. Nakalusot din sa Philippine Coast Guard ang barko sa isang inspeksiyon kaya ito nakapalaot. 

Sa kabila ng mga turuan at mga pagdinig hinggil sa insidente, nakita na naging pabaya at puno ng butas ang regulasyon ng gobyerno na bulnerable sa pananamantala ng mga korporasyon para sa kanilang pakinabang kapalit ng lason at pinsalang iniwan sa komunidad ng mga magsasaka at mangingisda.