Kaso kontra Alabang Piston 3, ibinasura

June 14, 2023

Dahil sa pagsali sa tigil-pasada noong Marso, inaresto at kiasuhan ng Other Light Threats sina Rodel Babao, Jomer Bayonito at Wilfredo Cancino ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston)-Alabang.
Dahil sa pagsali sa tigil-pasada noong Marso, inaresto at kiasuhan ng Other Light Threats sina Rodel Babao, Jomer Bayonito at Wilfredo Cancino ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston)-Alabang. Litrato mula sa Piston FB Page.

Pinawalang-sala ng Muntinlupa Metropolitan Trial Court Branch 113 nitong Hunyo 13 ang tatlong tsuper sa Alabang matapos silang arestuhin sa kanilang partisipasyon sa transport strike noong Marso.

Dahil sa sunod-sunod na hindi pagdalo ng complainant sa pagdinig, ibinasura ang kasong Other Light Threats sa ilalim ng Article 285(3) ng Revised Renal Code laban kina Rodel Babao, Jomer Bayonito at Wilfredo Cancino ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston)-Alabang.

Inaresto sila makaraang nagsagawa ang naturang organisasyon ng transport strike, isang malawakang tigil-pasada ng mga tsuper bilang welga sa nakaambang PUV Modernization Program ng gobyerno.

Malugod na inanunsyo ng Piston sa kanilang social media ang naging desisyon ng korte, habang idiniin ang pagkondena sa papel ng gobyerno na gipitin pa lalo ang mga katulad nilang minorya na lumalaban sa maling sistema.

“Patunay ito na ang mga pwersa [sic] ng estado ay hindi nagsisilbi sa mamamayan at tahasang gumagawa ng mga hakbang upang gipitin at busalan ang mga mahihirap, lalo na ang mga nakikibaka,” ayon sa Piston.

Matatandaang inilunsad ang tigil-pasadang protesta dahil sa naunang itinalagang deadline ng gobyerno na Hunyo 30 upang maisakatuparan ang modernization program.

Naging matagumpay ang welga ng mga tsuper matapos silang ipatawag at kausapin sa Malacañang noong Marso 7 at pahabain ang palugit hanggang sa katapusan ng taon. 

Sa isang transport summit naman noong Hunyo 10 ng Piston kasama ang daan-daang drayber at opereytor mula sa iba’t ibang panig ng bansa, malinaw ang kanilang mithiin na hindi lang pagpapahaba ng deadline kundi tuluyang ibasura ang patakaran sa minadaling modernisasyon na Memorandum Circular No. 2017-011 o Omnibus Franchising Guidelines ng Department of Transportation (DOTr).

Inilatag din sa nasabing pagtitipon ang 7-Point Agenda na naglalaman ng iba pa nilang adhikaing nais bigyang-pansin at resolbahin ng pamahalaan, kabilang ang pagbabalik sa limang taong prangkisa sa mga dyip at pagrepaso sa Local Public Transport Route Plan.

Isusumite ang napagkaisahang mga agenda sa mga tanggapan ng DOTr, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Senado, Kongreso at Malacañang.