Alternative media: Ibasura ang NTC memo!

June 16, 2023

Ani Altermidya Network national coordinator Avon Ang, takot ang mga nasa pamahalaan kaya nila ginagawa ang ganitong klaseng panggigipit sa alternative media. Larawan ni Axell Swen Lumiguen.

Nanawagan ang mga mamamahayag mula sa alternative media na ipawalang-bisa ang National Telecommunications Commission (NTC) memorandum na nag-block sa kanilang mga website sa isang kilos-protesta sa Quezon City Hall of Justice Annex noong Hunyo 15.

Sa parehong araw din dininig ng korte ang petisyon ng Bulatlat, isa sa mga alternative media outfit na na-block ang website, na ibasura ang nasabing memorandum at sinabing dismayado sila sa higit isang taong pagkaka-block ng kanilang mga website.

Inilipat naman kay Judge Catherine Manodon ng Quezon City Regional Trial Court Branch 104 ang petisyong inihain ng Bulatlat matapos ang pagbitaw ni Judge Dolly Rose Bolante-Prado sa kaso noong Marso.

Matatandaang hinarang ang access sa mga website ng 27 progresibong organisasyon at alternative media outfit, kabilang ang Pinoy Weekly at Bulatlat, sa pamamagitan ng domain name system (DNS) blocking noong Hunyo 8 ng nakaraang taon na pinagbintangang bahagi ng mga teroristang grupo ni dating National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr.

Pinipigilan ng DNS blocking ang pagbisita ng mga internet user sa loob ng Pilipinas sa mga website na inilista sa NTC memorandum na tinupad naman ng mga telecommunication company. Ginagamit ang DNS blocking upang pigilan ang mga spam email mula sa mga malisyosong sender ngunit nagagamit din sa paglabag sa mga kalayaan sa pagpapahayag at due process sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.

Ani Altermidya Network national coordinator Avon Ang, takot ang mga nasa pamahalaan kaya nila ginagawa ang ganitong klaseng panggigipit.

“Ano ho ba ‘yong nakakatakot na malaman ng mas maraming tao ‘yong mga human rights violations [sic] na ginagawa sa kanayunan, na hindi natin naririnig o nababasa sa kahit saan? Ano po ba ‘yong nakakatakot na maglabas ng mga balita tungkol sa mga strike ng mga manggagawa na hindi naman natin napapanood sa TV? May takot po bang inihahasik itong mga balitang ito? Ang tangi pong natatakot dito ay ‘yong nasa kapangyarihan,” aniya.

Wika naman ni Pinoy Weekly managing editor Neil Ambion na pagpapatahimik sa mga mamamahayag at ng katotohanan na nilalaman ng mga balita at impormasyon ang pinakalayunin ng panggigipit sa mga website.

Nagpaabot din ng suporta ang iba’t ibang organisasyon sa alternative media.

“Napakalaki ng epekto samin, bilang organisasyon ng mga manggagawa sa agrikultural at magsasaka, napakasakit na ang gobyerno mismo ang nagbubusal [sa amin] Ito ay nagpapakita lamang na ang gobyerno ay ayaw makinig sa mga hinaing ng aming mga kapatid na manggagawa at magsasaka,” ani Butch Lozande ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura.

Isiniwalat naman ni Computer Professionals Union deputy public information officer Maded Batara ang mga kabalintunaan ng mga ginagawa ng gobyerno sa mga website.

Aniya, malayang espasyo ang internet at dapat itong pakinabangan ng mamamayan upang makapaglabas ng kanilang mga saloobin at hinaing. Iginiit din niya na unconstitutional ang ginagawang pagpapasara sa mga websites dahil hindi ito dumaan sa korte at walang ebidensya upang paratangan sila na mga rebelde. 

Ayon naman kay Bagong Alyansang Makabayan secretary general Mong Palatino na nakaririmarim na nangyari sa nagdaang isang taon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang ang pagpaslang sa tatlong brodkaster sa radyo, at 20 aktibistang naging biktima ng pagdukot at sapilitang pagkawala.

“Mga takot lamang po sa katotohanan ang pumipigil sa pagsisiwalaat ng katotohanan na pabor sa dictatorship. Paano po magiging banta sa seguridad ng ating bayan ang aming mga websites [sic] kung ang laman niya ay tungkol sa kampanya ng mamamayan, para sa reporma sa lupa, para sa dagdag-sahod, para sa karapatang pantao,” wika ni Palatino.