BulSUans, tutol sa piniling graduation speakers

June 18, 2023

Larawan mula sa Bulacan State University Facebook Page

Hindi napigilan ng mga mag-aaral ng Bulacan State University (BulSU) ang magpahayag ng kanilang hinaing at sama ng loob sa matapos mapabalita ang mga magiging commencement speaker sa mga nalalapit na graduation rite ng bawat kolehiyo.

Sa post na kumalat sa social media, pawang mga politiko ang apat sa sampung speaker na sina Sen. Cynthia Villar, Sen. Win Gatchalian, Budget Secretary Amenah Pangandaman at ang kapatid ng pangulo na si Sen. Imee Marcos.

Matatandaang pare-parehong may naipintang kontrobersiyal at negatibong imahe sa ang mga nabanggit.

Halimbawa ang angkan ng mga Villar na may malaking impluwensya at kapangyarihan sa sektor ng agrikultura sa bansa.

Ayon kay Villar, layunin niyang paunlarin ang buhay ng mga magsasaka at tugunan ang kanilang pangangailangan. Ngunit taliwas sa layuning nabanggit ang pangunguna ng senadora sa pagsasabatas ng Rice Tariffication Law o liberalisasyon ng pag-import ng bigas na hindi maganda para sa mga magsasakang Pilipino.

Sa kabilang banda, matatandaang nameke ng kredensiyal si Marcos sa apat na magkakaibang paaralan. Bagaman napatunayan na pineke niya ang mga ito, para sa senadora, wala siyang dapat ikahingi ng tawad.

Kasama naman sina Gatchalian at Pangandaman sa pagsusulong sa kaduda-dudang Maharlika Investment Fund.

Sa isang Facebook post, sinabi ni BulSU Student Government president Arianna de Jesus, ang kaniyang pagkundena sa naging desisyon ng unibersidad.

Bukod dito, nagpahayag din ang iba pang progresibong organisasyon ng kanilang pagkundena.

Sinabi ng Kasama BulSU-Katipunan Student Movement ang mga dahilan at patunay kung bakit hindi angkop ang mga nabanggit na politiko na magbigay ng talumpati sa mga magtatapos.

Ayon sa Kasama, hindi umano nila matanggap na ang mga naimbitahan sa araw ng pagtatapos ay mga naging tuta sa pansariling interes, nagsilbing pasakit at nagnakaw sa mga mamamayang Pilipino.

“Mawawalan ng saysay ang pagiging inspirational speaker nila if ‘di nila taglay ang mga basic na katangian na ito,” ani Jason Mark Toston, isa sa mga magtatapos ngayong Hunyo.

Naiakyat na ng BulSU Student Government ang isyu na ito upang gisingin ang kasalukuyang administrasyon. Ngunit, dagdag ni de Jesus, malaki pa rin ang posibilidad na ang mga nasabing mga tentative commencement speaker ay makumpira at dadalo sa araw ng pagtatapos.

Ayon pa sa ibang mag-aaral, hindi lamang basta simpleng selebrasyon ang araw ng pagtatapos upang maging hdyat ng katapusan ng buhay estudyante ng isang tao sa loob ng pamantasan kundi isang pagpapahalaga at pagkilala sa lahat ng hirap at sakripisyo na pinagdaanan ng mga iskolar ng bayan at ng mga taong naging suporta sa kanilang tagumpay.

Tanong pa ng mga mag-aaral na kung hindi angkop ang mga panauhing pandangal sa nais ng mga mag-aaral at taliwas sa prinsipyong itinuturo ng pamantasan, magiging para kanino nga ba ang paghahanda sa araw ng pagtatapos.