Tondo 3, pinawalang-sala ng korte

July 28, 2023

Pagdalaw ni Reina Mae Nasino sa burol ng kanyang anak na si baby River noong Oktubre 2020. Binigyan ng korte ng anim na oras na forlough si Nasino upang masilayan ang pumanaw anak. Larawan mula sa Bayan-Metro Manila at Kapatid.

“Matapos ang mahigit tatlong taon nilang pagdurusa sa piitan sa wakas ay lumabas na ang katotohanang gawa-gawang kaso lamang ang isinampa laban sa kanila.”

Ito ang pahayag ng Karapatan National Capital Region (NCR) kasunod nang pagpapawalang-sala ng korte sa kina Reina Mae Nasino, Ram Carlo Bautista at Alma Moran o tinaguriang “Tondo 3” na sinampahan ng kasong illegal possession of firearms and explosives.

Sa hatol ng Manila Regional Trial Court Branch 47 noong Hulyo 17, lumabas na “demurrer to evidence” o mahina ang mga ebidensiya ng prosekusyon laban sa tatlo.

Ayon sa Karapatan NCR, ”Ilan lamang sila sa napakaraming sinampahan ng mga gawa-gawang kaso sa ilalim ng Executive Order 70 o ang whole-of-nation approach na nilagdaan at naisabatas ng nagdaang rehimeng Duterte at mga nauna pang rehimen.”

Matatandaang inaresto ng pulisya ang tatlong aktibista noong Nobyembre 5, 2019 sa isinagawang “search operation” sa opisina ng Bagong Alyansang Makabayan-Metro Manila. Ipinagbubuntis na rin noon ni Nasino si baby River.

“Patunay lamang ito na mananaig ang katotohanan sa kabila ng patuloy na pag-atake ng pasistang AFP at PNP sa mga lider aktibista at mamamayang lumalaban para sa tunay na kalayaan at pambansang demokrasya!” saad pa ng Karapatan NCR.