Hirap pa rin sa pagrerehistro ng Sim card

July 30, 2023

Naghihintay ng mga mamimili si Mohammad Mansalolod sa kanyang puwesto sa Commonwealth Market. Larawan ni Michelle Mabingnay.

Hindi na makapag-text o makagamit ng internet sa kanyang cellphone si Michele Ali, manininda ng tsinelas sa Commonwealth Market sa Quezon City. Hindi pa rin kasi niya nairerehistro ang kanyang Sim card hanggang ngayon.

“Ang hirap nga maka-register e. Hindi [ako] marunong,” sabi niya.

Nag-aalala pa naman si Ali sa mga kamag-anak sa probinsya na posibleng naapektuhan ng bagyong Egay.

Ngayong Hulyo 30 ang huling araw ng grace period na binigay ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagre-reactivate ng Sim. Pagkatapos nito, tuluyan na umanong hindi magagamit ang mga unregistered Sim card.

Ayon sa Junk Sim Registration Network, nasa 62 milyong Sim card ang na-deactivate o nawalan ng akses sa telekomunikasyon at social media matapos ang extended deadline noong Hulyo 25. Pangunahing apektado umano nito ang mga Pilipinong nakatira sa malalayong lugar at walang akses sa internet.

“Ito ba ang prayoridad ng DICT? Hindi po ito ang hinahangad ng mga maralita katulad namin,” ani Mimi Doringo, secretary general ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). Katwiran pa niya, marami pa ring mga Pilipino ang walang smartphones.

Sa Commonwealth Market, nagbabayad pa ang iba para lang mairehistro ang biniling Sim card.

Sabi ni Mohammad Mansalolod, tindero ng Sim card sa nasabing palengke, umaabot sa P20 hanggang P50 ang binabayad ng kanyang mga kostumer kapag nagpaparehistro sa marurunong gumawa nito.

Siya mismo, nagpatulong din na iparehistro ang sariling Sim card.

“‘Yung mga bumibili, minsan [nagpaparehistro] pero hindi namin ma-register kasi kami mismo hindi marunong,” wika ni Mansalolod.

Hirap ang maninindang si Michele Ali na iparehistro ang kanyang Sim card dahil hindi siya marunong kung paano ito gagawin. Larawan ni Michelle Mabingnay.

Matatandaang pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 11934 o Sim Card Registration Act noong Oktubre 10, 2022, sa kabila ng kaliwa’t kanang pagtutol ng mamamayan at mga eksperto sa digital security. Layunin umano ng batas na masawata ang kumakalat na scam messages.

“Nakikita nating hindi epektibo ang SIM registration laban sa scams, pero maaari itong magamit sa state surveillance katambal ng Anti-Terror Law at Cybercrime Law, laban sa oposisyon, sa mga aktibista, sa mga journalist a nagsisiwalat ng katotohanan at nagpapakita ng korapsyon sa gobyerno,” sabi ni Computer Professionals’ Union (CPU) secretary general Kim Cantillas.

Sa mga bansang nagpatupad ng katulad na batas tulad ng Mexico, the Netherlands, Pakistan at iba pa, napatunayang hindi ito epektibo at ginamit lang sa paglabag sa karapatang pantao.